KINILALA na naman ang husay sa pag-arte ng multi-awarded actor turned politician na si Congressman Arjo Atayde matapos na parangalan sa ContentAsia Awards 2024 na ginanap nitong Huwebes, September 5 sa Taipei, Taiwan.
Si Arjo ang nanalo bilang Best Male Lead in a TV Programme/Series para sa kanyang pagganap bilang Anton dela Rosa sa “Cattleya Killer,” na tinalo ang lima pang aktor na naminado kasama si Dingdong Dantes sa “Royal Blood” ng GMA.
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan niya ang Prime Video, Nathan Studio, ABS-CBN management and ABS-CBN International.
Ayon sa award-winning actor, “Thank you to everyone. I’m forever indebted to all the actors that I work with, to the people behind the camera, to everyone who’s helped me be here, gather all this power to actually pull through this good series.”
Nagpasalamat din si Arjo sa kanyang pamilya at lalo na asawa niyang si Maine Mendoza.
“It’s my first time in Taipei, this is such a reward for a first time here. Last but not the least, my family. Thank you so much to my family for supporting so much, to my wife who understands so much of the hard work that of obviously that we have to pull through to be able to do this,” pahayag pa niya.
Muling nagpasalamat ang aktor sa ABS-CBN at ganun din sa mamamayang Pilipino.
“To ABS-CBN, Tita Cory Vidanes, Sir Carlo Katigbak, and of course, to Sir Rowell Bayani, thank you so much for this opportunity. To the Filipinos, to ABS-CBN, maraming, maraming salamat po,” dagdag pa niya.
Kilala nga ang multi-awarded Filipino film at television actor sa kanyang stellar performance sa digital series na ‘Bagman’ bilang Benjo Malaya.
Gumawa siya ng marka at pinag-usapan nang siya ay hinirang na Best Actor in a Leading Role para sa ‘Bagman’ sa 3rd Asian Academy Creative Awards.
Kinikilala ng taunang pagpaparangal ng paggawad ang kahusayan sa industriya ng pelikula at telebisyon sa 16 na bansa sa rehiyon ng Asia-Pacific at si Arjo ang unang Pilipinong nakatanggap ng parangal na ito.
Tumatak din ang kanyang character bilang Elijah Sarmiento sa primetime drama series na ‘The General’s Daughter’, na kung saan pinuri ng Autism Society Philippines para sa kanyang sensitibong pag-atake at pagre-represent ng may autism.
Bukod sa lead actor, isa rin siya sa producer ng ‘Cattleya Killer,’ na inilunsad at ipinalabas sa MIPCOM Cannes noong Oktubre 2022 at nakuha ng Prime Video para sa pagpapalabas noong Hunyo 2023 sa Southeast Asia, Hongkong, Taiwan, at iba pang teritoryo.
Samantala, ang “A Very Good Girl” ng Star Cinema ay nanalo ng Best Asian Feature Film/Telemovie Bronze Award. Nakuha ng “Trespassers” mula sa Nippon TV ang gold award habang ang “Firefly” ng GMA ang nakakuha ng silver trophy.
Congrats Cong. Arjo!
***
NANINDIGAN sa ikalawang pagkakataon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa una nitong desisyon na bigyan ng X rating ang pelikulang “Dear Santa” na dating “Dear Satan” ang pamagat.
Ibig sabihin ng X ay hindi pwedeng ipalabas ito sa mga sinehan matapos na ito’y makitaan ng pag-atake sa paniniwala at relihiyon, partikular sa simbahang Katolika at ng iba pang Kristiyano.
Isinagawa ang ikalawang ribyu noong Setyembre 5.
Sa unang ribyu, na-X ang “Dear Satan” dahil sa paglabag nito sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c). Alinsunod sa naturang probisyon, hindi pinapahintulutan ng MTRCB ang pagpapalabas ng pelikula, programa sa telebisyon o anumang katulad na pampublikong materyal o patalastas kung “Ang pelikula ay malinaw na naglalaman ng pag-atake sa anumang lahi, paniniwala o relihiyon.”
Nakitaan din ng Komite ang pelikula ng baluktot na paglalarawan kay ‘Satanas’ na taliwas sa mga turo ng simbahang Katolika at ng Kristiyanismo. Mapanlinlang ang depiksiyon kay Satanas at puwedeng malihis ang landas ng mga manonood.
Nilinaw ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio na ang Committee system ang siyang masusing nagre-ribyu ng mga pelikula.
“Kami sa MTRCB ay tapat na sumusunod sa mandatong kaloob ng PD No. 1986 na kailangang balansehin ang umiiral na kultura at moralidad ng mga Pilipino,” sabi ni Sotto-Antonio.
Iginiit niyang kaisa lagi ang ahensya para sa pangkalahatang tagumpay ng idustriya ng pelikula at telebisyon ayon sa mga umiiral na mga batas sa bansa.
(ROHN ROMULO)