NAILIPAT na sa Pasig City Jail Female Dormitory si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo kung saan makakasama nito ang nasa 43 iba pang persons deprived of liberty (PDLs) matapos na magnegatibo ang medical examination hinggil sa umano’y impeksiyon sa baga.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, alas 3:43 ng hapon nang ipasok sa selda si Guo kung saan sumalang ito sa booking process at mug shots.
Una nang dinala si Guo sa isolation room ng city jail kasama ang tatlong iba pa na may sakit na tubercolosis matapos na makitaan ng infection sa kaliwang baga.
Sa resulta ng medical examination makakasama na ni Guo ang iba pang babaeng inmates at makakatabi sa pagtulog sa kama ang nasa limang PDLs. Nasa Cell No. 3 si Guo.
Alas-9:33 ng umaga kahapon nang ihatid ng Philippine National Police sa city jail si Guo batay na rin sa kautusan ng korte.
Nagkaroon ng pagbabago nang maghain ng mosyon ang kampo ni Guo na manatili ito sa PNP Custodial Center na inaprubahan ng korte dahil na rin sa umano’y banta sa buhay nito.
Subalit makalipas ang isang oras, muling naglabas ng order ang korte na mananatili na si Guo sa city jail.
Tiniyak din ni Bustinera na mas hinigpitan pa nila ang seguridad ni Guo kung saan nagdagdag na sila ng kanilang mga personnel.
Nahaharap si Guo sa kasong qualified human trafficking na isang non-bailable case.