SA ika-7 anibersaryo nito, ang award-winning na drama anthology ng GMA Public Affairs, ang ‘Tadhana’, na hino-host ng Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon at nagdadala ng panghabambuhay na matututunan sa mga manonood sa pamamagitan ng isang espesyal na tatlong bahaging episode na ipalalabas simula ngayong hapon, Oktubre 5.
Ang espesyal na episode na pinamagatang “Sino si Alice?” tampok ang mga Kapuso stars na sina Herlene Budol, Mon Confiado, Jon Lucas, Thea Tolentino, at Kim Perez.
Ibubunyag nito ang kuwento ni Alice, isang babae na ang kamatayan ay nananatiling misteryo sa kanyang mga kaopisina.
Ilang araw bago ang kanyang kamatayan, si Alice ay na-promote sa kanyang trabaho na naging sanhi ng hidwaan sa pagitan nila ni Violy, isang kaopisina na naghahanap din ng promosyon.
Sa kanilang team building, isang trahedya ang nangyari. Natagpuan siya ng mga ka-opisina ni Alice na sina Marissa, Kenny, Rex, at Violy na duguan at walang buhay. Dahil sa takot at gulat, nagpasya silang lahat na itago na lang ang kanilang nakita.
Pagkaraan ng ilang araw, nakita nina Marissa, Kenny, Rex, at Violy ang isang babaeng kamukhang-kamukha ni Alice sa opisina, na ikinagulat at nangilabot sila.
Buhay pa ba si Alice, na nakita nilang walang buhay noong nakaraan? O may nagkukunwaring si Alice na may dahilan?
Habang ipinagdiriwang ng ‘Tadhana’ ang ika-7 anibersaryo nito, ibinahagi ni Marian ang mga sikreto sa patuloy na tagumpay ng drama anthology.
“Ang maganda kasi sa Tadhana, sa bawat dulo ng kuwento, may matututunan ka, may advise na maibibigay sa’yo. Even ikaw na nagkukuwento ng sarili mong buhay, ‘yung kuwento na ibinibigay mo sa audience, nabibigyan sila ng pag-asa at inspirasyon,” paliwanag niya.
Ipinahayag din ng host ang kanyang pasasalamat sa lahat ng Kapuso viewers na nagpapakita ng kanilang walang tigil na suporta kay Tadhana sa buong taon, “Maraming-maraming salamat po sa inyo. Sana po ay huwag kayong magsawang suportahan ang Tadhana dahil hindi po kami titigil na bigyan kayo ng pag-asa at inspirasyon sa bawat kuwentong aming ipalalabas.”
Panoorin ang espesyal na anniversary episode ng ‘Tadhana’ na “Sino si Alice?” sa Oktubre 5, 12, at 19, 3:15 ng hapon sa GMA Network, na may live streaming sa mga social media account ng GMA Public Affairs. Mapapanood din ito ng mga Global Pinoy sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV.
***
SAMANTALA, may special treat ang GMA Pictures para teachers and students.
Sa Instagram post, in-announce na ang mga estudyante at guro ay makakakuha ng discounted ticket sa lahat ng mga sinehan kung saan ipalalabas ang “Balota” na pinagbibidahan ni Marian Rivera.
Ang kailangan lang nilang gawin ay dalhin ang kanilang valid school ID.
Ang “Balota” ay isa sa mga box office hit sa Cinemalaya 2024.
Ang pagganap ni Marian bilang Teacher Emmy sa pelikula ay nagbigay sa kanya ng Best Actress award sa XX Cinemalaya Film Festival noong Agosto, na kung saan ka-tie niya si Gabby Padilla.
Ipapalabas itong muli sa mga sinehan sa Pilipinas simula Oktubre 16 sa bago nitong bersyon.
Bukod kay Marian, kasama sa cast sina Will Ashley, Royce Cabrera, Sassa Gurl, Esnyr, Raheel Bhyria, Nico Antonio, Donna Cariaga, Joel Saracho, Sue Prado, Mae Paner, at Gardo Versoza.
Ang “Balota” ay mula sa direksyon ni Kip Oebanda. Magkakaroon din ito ng international premiere sa Hawaii International Film Festival sa buwang ito.
(ROHN ROMULO)