HIMAS rehas ngayon ang anim na ‘tulak’ sa isinagawang anti-illegal drugs operation ng mga pulis sa Caloocan, Valenzuela at Malabon City na nagresulta sa pagkakasabat sa shabu na nagkakahalaga ng higit P.7 milyon.
Sa report na tinanggap ni Northern Police District (NPD) chief PBGen. Rizalito Gapas, kinilala ang mga suspek na sina alias Pagare, 45, construction worker; alias Potyok; alias Kulog, 50; alias Obet, 45; alias Bosho, 36 at alias Bok, 50.
Sa report ni PCol. Paul Jady Doles, hepe ng Caloocan City Police, alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang makalawit sa buy-bust operation sa Blk 7 corner Kaagapay Road, Barangay 188, Caloocan City sina alias Pagare at alias Potyok ng mga operatiba ng SDEU ng CCPS.
Nakuhanan ang mga ito ng tatlong sachet ng White Crystalline substance na pinaniniwalaang shabu at may halagang P387,600.00.
Ayon naman kay Valenzuela Police chief PCol. Nixon Cayaban, ikinasa nila ang buy-bust operation laban kay alias Kulog bandang alas-1:40 ng madaling araw nitong Miyerkules sa East Service Road ng Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City matapos na makumpirma ang tip.
Nakuha dito ang anim na piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng shabu, 6 na piraso ng P1,000, tig 1 piraso nng P500, P100 at P50, coin purse cellphone at Honda XRM motorcyle. Nasa P204,000 ang halaga ng illegal drugs na nakuha sa suspek.
Samantala sa Malabon, dakong alas-11 ng gabi nitong Martes nang makalawit ng mga tauhan ni Malabon Police PCol. Jay Baybayan sina Alias Obet, Alias Bosho at Alias Boks sa Camus Street, Brgy. Ibaba, Malabon City.
Anim na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng “shabu” at nagkakahalaga ng P161,160.00 ang nakuha mula sa mga ito.
Ayon kay Gapas, ang pagkakadakip sa mga suspek ay resulta ng pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs alinsunod na rin sa layunin ni NCRPO chief PMGen. Sidney Hernia na maging drug free ang MM. (Richard Mesa)