SA kulungan humantong ang pagra-ride ng dalawang estudyante nang mabisto ang dala nilang shabu makaraang masita sa Oplan Sita dahil walang suot na mga helmet sa Malabon City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Bulol”, 23, at alyas “Negro”, 21, kapwa Grade-12 student at parehong residente ng lungsod.
Sa ulat ni PMSg Kenneth Geronimo kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng TMRU sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue, Brgy. Potrero nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo dahil walang suot na mga helmet dakong alas-5:50 ng umaga.
Nang hingan ng driver’s license at kaukulang papeles ng motorsiklo ang nagmamaneho na si ‘Negro’ ay wala itong naipakita at nang ipatanggal sa kanya ang suot na cap para sa beripikasyon ay nadiskubre sa loob nito ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Nang ipalabas naman sa kanyang back rider na si ‘Bulol’ ang laman ng bulsa nito ay nakuha din sa kanya ang isang plastic sachet ng umano’y shabu na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nagkakahalaga ng P11,084 ang droga na nakumpiska sa mga suspek na kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dengerous Drug Act of 2002, RA 4136, at RA 10054. (Richard Mesa)