IPINAG-UTOS ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa electric industry stakeholders sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity kasunod ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine na suspendihin ang disconnections at magpatupad ng flexible bills payment schemes hanggang Disyembre.
Layon nito na pagaanin ang pasanin ng mga apektadong consumers.
Sa ipinalabas na advisory ng regulated entities nito, sinabi ng ERC na ang kautusan ay bilang pagtalima sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pag-aralang mabuti ang implementasyon ng moratorium sa electricity line disconnections at payment collections matapos ang malawakang pagkawasak ng bagyong Kristine.
Inatasan ng power industry regulator ang lahat ng distribution utilities (DUs) sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity na “suspend electricity line disconnections of residential and non-residential consumers in [their] captive market with a monthly electricity consumption not exceeding 200 kilowatt-hours (kWh), for non-payment of electricity bills for the billing period of October 2024 until December 2024.”
Idagdag pa rito, sinabi ng ERC na ang DUs sa mga apektadong lugar ay inatasan na “to provide flexible payment options to help ease the financial burden on consumers as they work toward recovery from the effects of STS Kristine.”
Winika pa ng ERC na ang DUs ay dapat na magpatupad ng payment scheme kung saan ang itinuturing na ‘captive consumers’, na ang monthly consumption na hindi lalagpas sa 200 kWh sa panahon ng billing periods ng October hanggang December 2024, “shall be allowed to pay these monthly bills on a staggered basis for a period of at least six months from issuance of the Statement of Account for each bill.”
Tinuran pa ng ERC na ang DUs ay maaaring mag-alok ng alternative payment terms na ‘mutually agreeable’ sa DU at sa mga consumers na ang nakokonsumo ay hindi lalagpas sa 200 kWh.
“Consumers are encouraged to contact their respective DUs to inquire about the available alternative payment options or to request special terms to settle outstanding bills,” ang sinabi ng ERC.
Tinatayang may 158 lugar ang deklaradong nasa ilalim ng state of calamity matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine, ang Bicol Region ang mayroong pinakamaraming lungsod at munisipalidad na inilagay sa ilalim ng state of calamity, mayroon itong 78 na bilang.
Pangalawa ang Calabarzon na may 63 lungsod at munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity.
Sa Eastern Visayas, 13 lugar ang inilagay sa ilalim ng state of calamity, habang isa naman sa Ilocos Region, Gayundin sa SOCCSKCARGEN, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region na inilagay sa ilalim ng state of calamity.
Tinuran pa ng ERC na ang power generators, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), National Power Corporation (NPC), National Transmission Corporation (TransCo), National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), Independent Power Producers (IPPs), Independent Power Producer Administrators (IPPAs) at Market Operator (MO) “shall extend the same payment scheme to the affected DUs only insofar as the latter’s collections from the affected consumers.”
“Thus, the concerned DUs shall segregate payments from the affected consumers to determine the amounts to be paid on a similar staggered basis to their respective Generators, PSALM, NPC, TRANSCO, NGCP, IPPs, IPPAs and MO. Availment of Prompt Payment Discount (PPD) will still be in accordance with the parties’ approved supply contract,” ang sinabi ng ERC. (Daris Jose)