UMABOT na sa 151 ang napaulat na bilang ng mga nasawi dahil sa tropical cyclones Kristine at Leon.
Sa ‘8 a.m. report’ ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na 21 katao ang napaulat na nawawala at 134 katao naman ang sugatan.
May kabuuang 8,847,888 katao at 2,249,345 pamilya ang apektado ng dalawang weather disturbances sa 17 rehiyon.
Karamihan sa mga ito ay napaulat mula sa Bicol na may 3,125,952 apektadong katao sumunod ang Calabarzon na may 1,230,663 at Central Luzon na may 1,092,915.
Sa apektadong populasyon,194,272 katao o 48,146 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 517,705 indibiduwal o 106,152 pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.
Ang pagbaha at landslides ay iniulat sa ilang lugar. May kabuuang 217,425 bahay ang napinsala. May 183,622 ang partially damaged habang 33,803 naman ang totally damaged.
Ang pinsala sa agrikultura ay umabot na sa halagang P5,913,505,507 habang sa imprastraktura naman ay nagkakahalaga ng P8,247,425,268.
Para sa irrigation facilities, P1,032,188,000 halaga ng pinsala ang napaulat.
Ang interruptions sa power supply, water supply, at communication line services ay naranasan din.
Dahil sa banta ng Kristine at Leon, 98 seaports ang suspendido ang operasyon kung saan ang na-stranded ay 2,027 pasahero, 502 rolling cargoes, 16 vessels, at isang motorbanca. Tatlong airports ang suspendido ang operasyon.
Ang klase sa 1,168 lugar at work schedules sa 782 lugar ay suspendido.
IDINEKLARA naman ang State of calamity sa mga sumusunod na lugar: Dagupan City, Bani at Anda sa Pangasinan, Ilagan at Roxas sa Isabela, Cavite Province, Laguna Province, Batangas Province, Quezon Province, Cardona at Binangonan sa Rizal, Puerto Galera, Naujan, Victoria, Pola, Socorro, Pinamalayan, Mansalay, and Bulalacao sa Oriental Mindoro, Albay Province, Camarines Sur Province, Catanduanes Province, Camarines Norte Province, Naga City, Sorsogon Province, Calbayog sa Samar, Jipapad, Arteche, San Policarpo, Oras, Maslog, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan, at Maydolong sa Eastern Samar, Magpet sa Cotabato, Barangays Kiling at San Juan in Alfonso Lista (Potia), Ifugao, Quezon City “Assistance worth P1,193,209,396 has been provided to the victims so far,” ayon sa NDRRMC. (Daris Jose)