• November 21, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 21st, 2024

Navotas, tumanggap ng mga bagong Art Scholars

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MALUGOD na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pinakabagong mga benepisyaryo ng NavotaAs Arts Scholarship Program para sa school year 2024-2025.

 

Pormal na ginawa ni Mayor John Rey Tiangco ang pagpapatuloy ng programa sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of agreement, na nagbibigay ng scholarship sa mga mahuhusay na kabataang Navoteño na nagpakita ng kakaibang kakayahan sa sining.

 

Ngayong taon, 15 bagong iskolar ang pumasa sa mahigpit na proseso ng pagpili na isinagawa ng mga special screening committee sa limang artistic disciplines: visual arts, music, dance, theater arts, at creative writing.

 

Muling pinagtibay ni Tiangco ang pangako ng Navotas City na bigyang kapangyarihan ang mga kabataan nito sa pamamagitan ng masining na pagpapahayag.

 

“The NavotaAs Arts Scholarship Program is our way of ensuring that financial limitations will not hinder our youth from pursuing their artistic dreams. By supporting these young artists, we are not only investing in their future but also enriching our city’s cultural heritage,” ani Tiangco.

 

Ang bawat iskolar ay tatanggap ng ₱16,500 para mabayaran ang mga gastusin sa transportasyon at pagkain, kasama ng ₱20,000 para sa mga workshop at pagsasanay sa bawat termino ng scholarship.

 

Mula nang ilunsad ito noong 2011, sinusuportahan ng NavotaAs Scholarship Program ang edukasyon ng mahigit 1,000 estudyante at guro. Ang inisyatiba ay higit pa sa sining, nag-aalok ng mga iskolarsip sa mga mag-aaral na mahuhusay sa akademya at atleta, mga gurong nagtapos ng pag-aaral, at mga bata o kamag-anak ng Top Ten Most Outstanding Fisherfolk.

 

Binibigyang-diin ng pinakabagong batch ng mga iskolar ang hindi natitinag na dedikasyon ng pamahalaang lungsod sa pag-aalaga ng talento at pagpapaunlad ng isang masiglang kultural na komunidad, na tinitiyak na ang susunod na henerasyon ng mga artista ay maaaring umunlad. (Richard Mesa)

Listahan ng 4Ps, pina-update

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BUNSOD na rin sa inaasahang libong benepisaryo ng 4Ps na kabilang sa mawawala sa susunod na taon (2025), hiniling ng mga mambabatas na mgkaroon ng update sa poverty mapping sa nasabing Pantawid Program.

 

 

Sa House Resolution 2085 na inihain nina 4Ps Partylist Rep. JC Abalos at House Minority Leader Marcelino Libanan, nanawagan ang mga ito sa House Committee on Poverty Alleviation na rebyuhin ang estado ng Republic Act No. 11315, o Community-Based Monitoring System (CBMS) Act, na naisabatas noong April 2019.

 

Ang CBMS ay idinisenyo para makapaglaan ng tama at maaayos na datos ukol sa target beneficiary magsagawa ng komprehensibong poverty analysis, at magbuo ng polisiya na tutugon sa specific needs ng bulnerableng sektor.

 

Importante ang naturang mga datos para sa mas episyenteng government social protection at welfare programs.

 

“Sa darating na taon, napakahalaga ng CBMS data para sa pag-target ng mga karapat-dapat maging beneficiary ng DSWD 4Ps program bilang pangunahing inisyatiba ng gobyerno laban sa kahirapan. Hindi na sapat ang listahanan na ang huling datos ay noong 2019 pa,” ani Abalos.

 

Nagpahayag din ng pag-alala ang mambabatas sa pag-alis ng ilang 4Ps beneficiaries na nakasaad sa 4Ps law o Republic Act No. 11310.

 

“There are 422,449 households expected to exit the program in 2025 alone. An additional 3.3 million households are projected to graduate by 2026 due to self-sufficiency, natural attrition, or their seven-year tenure under the 4Ps Act,” paliwanag ni Abalos.

 

“With the Listahanan already exhausted, and given the significant number of beneficiaries set to graduate, the CBMS data should be ready to prevent delays in onboarding new grantees and ensure the seamless implementation of the program,” dagdag nito.

 

Noong May 2023, inihayag ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang pagtatapos sa Listahanan upang magbigay daan sa CBMS data ukol sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 

Siniguro naman The Philippine Statistics Authority (PSA), na siyang nangangasiwa sa implementasyon ng CBMS, sa availability ng updated data sa pagtatapos nitong ton, kasunod nang isinagawang CBMS Census nitong unang bahagi ng taon. (Vina de Guzman)

Pagpatay sa kandidatong Vice Mayor sa South Cotabato, kinondena

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

KINONDENA ng Commission on Elections (Comelec) ang insidente ng pamamaril sa isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa South Cotabato.

 

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, walang puwang sa demokrasya ang ganitong uri ng mga pagpatay kung kaya’t dapat lamang na kinokondena.

 

Sinabi ng poll chief na hindi pa matatawag na election related incident ang pamamaril sa kandidato dahil hindi pa sakop ng Comelec ang ganitong insidente dahil hindi pa nagsisimula ang election period.

 

Umaapela siya sa mga law enforcement agency na agad arestuhin ang taong nasa likod ng pagpatay.

 

Si Vice Mayoralty Candidate Jose Osoria na kasalukuyang Barangay Chairman ng Bukay Pait Tantangan South Cotabato ay pinagbabaril habang nasa eatery na pagmamay-ari ng kanyang asawa noong Lunes ng umaga, November 18. GENE ADSUARA

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NILAGDAAN ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang 15 mga estudyante at kanilang mga magulang ang isang memorandum of agreement, na nagbibigay ng scholarship sa mga mahuhusay na kabataang Navoteño na nagpakita ng kakaibang kakayahan sa sining.

 

 

Sila ang pinakabagong mga benepisyaryo ng NavotaAs Arts Scholarship Program para sa school year 2024-2025 na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas. (Richard Mesa)

Lalaki, kulong sa illegal na pagbebenta ng baril

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BAGSAK sa kalaboso ang isang lalaki na ilegal umanong nagbebenta ng baril matapos maaresto ng mga tauhan ng PNP Maritime Group sa ikinasang entrapment operation sa Quezon City, Linggo ng hapon.

 

Sa inisyal na imbestigation, nakanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA sa ilalim ng pamumuno ni Station Chief P/Major Randy Veran hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng baril ni alyas “Genesis”, 26-anyos.

 

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng mga tauhan ni Major Veran ay agad ikinasa ng Northern NCR MARPSTA ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Genesis dakong alas-5:56 ng hapon sa Brgy. Pag-Ibig sa Nayon, Balintawak, Quezon City.

 

Nakumpiska sa suspek ang isang Cal. 22mm “Black Widow” rebolber na may dalawang pirasong at P11,000 buy bust money.

 

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 32, “Unlawful Manufacture, Importation, Sale or Disposition of Firearms or Ammunition or Parts” of R.A. 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”. (Richard Mesa)

 

Poster ng ‘Espantaho’, pinag-uusapan ng netizens: JUDY ANN, ‘di nakilala at napagkamalan na MOIRA at MAJA

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-UUSAPAN ng netizens ang poster reveal ng filmfest entry ni Judy Ann Santos na ‘Espantaho’ ng Quantum Films na mula sa direksyon ni Chito S. Roño.

 

 

Kasama ni Juday sina Lorna Tolentino at Chanda Romero sa bonggang poster.

 

 

Kasama rin sa movie na entry sa 50th MMFF sina Eugene Domingo, JC Santos, Mon Confiado, Donna Cariaga, Janice de Belen, at marami pang iba.

 

 

Mapapanood na ito sa mga sinehan nationwide simula sa December 25.

 

 

Iba’t iba naman ang naging reaction ng netizens:

 

 

“Yan ang poster! Pinag isipan Mukhang painting. Andyan ang bahay na luma. At Naka kalat ang ibat Ibang klaseng peste.”

 

 

“Ang ganda love it. “

 

 

“Nyek si Juday ba yan?”

 

 

“Parang yung mga de-AI filter sa pesbuk”

 

 

“Akala ko si Moira”

 

 

“Akala ko nga c Maja. “

 

 

“Parang nagmukhang Glydel Mercado.”

 

 

Reaction naman ng isa, “Gumanda line up ng MMFF ha. Pero nawala na yung sobrang puro pambata and dati shake rattle and roll lang ang scary movie pag pasko.”

 

 

“3 sila sa poster pero 2 lang may name? Sino yung isa?”

 

 

Na sinagot naman ng, “Miss Chanda Romero”

 

 

Comment pa ng netizen, “I don’t think bagay kay Juday ang horror movie,”

 

 

“Marami na ring naging horror movies si Juday.

 

 

“Pagtatanggol naman ng isang fan, “May mga horror movies na nagawa si Juday, Yung Mag ingat ka sa Kulam, Ouija, Tyanak at MMK kasama si Rico. At meron pa ung bata pa sya nun.”

 

 

“horror ba to? ang ganda!!! i wanna watch powerhouse actors too!!! “

 

 

 

 

(ROHN ROMULO)

“Melor Robbery Gang”, nalansag ng Valenzuela police

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NALANSAG ng mga awtoridad ang isang ‘Criminal Gang’ na responsable umano sa mga pagnanakaw sa iba-ibang lugar sa Valenzuela City matapos ang pagkakaaresto sa pinuno at mga miyembro nito.

 

Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, alas-3:15 ng madaling araw nang maaresto ng kanyang mga tauhan ang lider ng “Melor Criminal Gang” na si alyas “Melor”, 32, call center agent, sa harap ng Fiesta Mall Compound, Brgy. Maraouy, Lipa City Batangas.

 

 

Ang akusado ay binitbit ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Nancy Rivas Palmones ng Regional Trial Court Branch 172, Valenzuela City noong June 14, 2013, para sa kasong Robbery na walang piyansang inirekomenda ang korte.

 

Kasunod nito, nadakip din ang isang miyembro ng grupo na si alyas “Malaga”, sa Bagong Filipino Compound, Brgy., Canumay West sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 12 ng Malolos Bulacan para sa kasong Robbery noong Hunyo 6, 2024, na may inirekomendang piyansang P100.000.

 

Ayon kay Col. Cayaban, nauna nang nahuli ang tatlong miyembro ng grupo noong nakaraang September at October 2024 na sina alyas “Apit”, alyas “Balog”, at alyas “Atoy”, na pawang may mga kasong ‘theft’.

 

 

Sa imbestigasyon, ang naturang grupo umano ang nambibiktima sa iba’t ibang lugar kabilang ang Malolos, Bulacan, Quezon City, at Valenzuela.

 

Ang naturang grupo din ang itinuturong mga suspek sa panloloob at nakawan sa isang remittance establishment sa Brgy. Canumay West at sa ‘robbery/ snatching incident’ noong nakaraang Oktubre 14, 2024 sa Fortune 5, Brgy. Paso De Blas.

 

Ani PMAJ Randy Llanderal, hepe ng SIS, modus ng grupo na i-surveillance muna ang target na establisyimento o bahay bago isagawa ang pagnanakaw habang pinaghahanap pa ang isa pang natitirang miyembro nito na si alyas “Adan” na wanted din sa kasong robbery.

 

“Hindi po kami titigil sa paghahanap sa mga taong nagtatago sa batas kahit saan pa kayo magtago. Ang Valenzuela police ay seryoso sa pagtugis sa mga kriminal na patuloy pang gumagawa ng mga krimen,” pahayag ni Col. Cayaban. (Richard Mesa)

DOH, inilunsad ang Immunization Capmaign

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang catch-up immunization campaign upang mabakunahan ang 107,995 bata laban sa vaccine-preventable diseases.

 

Target ng inisyatiba na mabakunahan ang nasa edad 0-23 buwan sa National Capital Region (NCR) na nakaligtaang bakunahan ng BCG vaccine, hepatitis B, Bivalent oral polio vaccine (bOPV) ,pentavalent vaccine,pneumococcal conjugate vaccine (PVC), inactivated polivirus vaccine (IPV) at measles, mumps, at rubella (MMR) vaccine.

 

Ang mga buntis naman ay babakunahan ng tetanus-diphtheria (TD) at ang mga nakatatanda na 60 taong gulang ay makakatanggap din ng kinakailangang bakuna.

 

Inilunsad ang catch-up immunization campaign sa Caloocan Sports Complex sa Caloocan City at dinaluhan ng mahigit 250 mga bata, buntis ,at matatanda.

 

Ang programa na tatakbo hanggang Disyembre 16 ay layon na mapataas ang fully immunized child coverage sa Metro manila sa 95 porsyento at mabawasan ang bilang ng zero-dose children sa rehiyon.

 

Noong unang bahagi ng buwang ito, inamin ng DOH-MMCHD na ang mga katuparan nito para sa school-based nationwide vaccination program ay mababa pa rin sa kanilang target. GENE ADSUARA

Rafael Nadal binigo ni Zandschulp sa Davis Cup

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NABIGO si Spanish tennis star Rafael Nadal sa huling professional match nito sa Davis Cup.

 

 

Tinalo siya ni Botic van de Zandschulp mula sa Netherlands sa score na 6-4, 6-4.

 

 

Ang 38-anyos na si Nadal ay nag-anunsiyo na siya ay magreretiro kapag natapos na ang Davis Cup.

 

 

Ito lamang ang kaniyang pang-24 match mula ng magsimula ang 2023 matapos ang halos isang taon na hindi paglalaro dahil sa hip injury.

 

 

Sinamantala ni Van de Zandschulp ang double fault at double unforced errors ni Nadal.

 

 

Kailangan na lamang manalo si Carlos Alcaraz para mabuhay ang tsansa ng Spain sa torneo.

 

 

Walong bansa ngayon ang naglalaban-laban kasi sa Davis Cup sa Malaga, Spain at ang finals ay gaganapin sa araw ng Linggo.

Indonesia, pumayag na ilipat si Mary Jane Veloso sa Pinas-PBBM

Posted on: November 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PUMAYAG ang Indonesian government sa naging kahilingan ng Pilipinas na ilipat ang convicted overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso sa lokal na bilangguan.

 

“Mary Jane Veloso is coming home,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang kalatas.

 

Sinabi nito na ang pagbabalik ni Veloso sa bansa ay produkto ng napakarami at dekadang diplomasya at konsultasyon.

 

“Mary Jane’s story resonates with many: a mother trapped by the grip of poverty, who made one desperate choice that altered the course of her life. While she was held accountable under Indonesian law, she remains a victim of her circumstances,” ang sinabi ng Pangulo.

 

Si Veloso ay inaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa pagdadala ng suitcase na may laman na 2.6 kilograms ng heroin at kalaunan ay sinentensiyahan ng kamatayan.

 

Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa kanyang counterpart na si President Prabowo Subianto at sa Indonesian government para sa kanilang “goodwill.”

 

“This outcome is a reflection of the depth of our nation’s partnership with Indonesia – united in a shared commitment to justice and compassion,” ang sinabi ng Chief Executive.

 

“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home.” ang masayang sinabi ng Pangulo. (Daris Jose)