MULI na namang binira ni Vice-President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang hamunin nito sa kanyang Facebook live, Linggo ng gabi ang mga matataas na opisyal ng gobyerno na sumailalim sa drug test at paalalahanan ang kanyang mga taga-suporta na mayroong karapatan ang mga ito na magdaos ng mapayapang pagtitipon.
Sa isang live video sa kanyang social media page, sinabi ni VP Sara na ginagamit siya ng kanyang kaaway para itago ang kanilang korapsyon.
“Wala na kayong mapuna sa akin. Pinagtatakpan ninyo ang mga kakulangan ng pamahalaan. Ako ang ginagawa ninyong punching bag para hindi napapansin, nakikita, naririnig ng mga tao ang kalokohan, ang korapsyon, at ang katiwalian na ginagawa sa gobyerno,” aniya pa rin.
Hinamon din niya ang mga opisyal ng pamahalaan kabilang na iyong mga nasa Office of the President (OP) at Kongreso na sumailalim sa drug tests.
“Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taongbayan. Dalawa lang ‘yan mga kababayan—ibigay namin ang mga pangako namin sa inyo noong nangangampanya kami, at ipapakita namin sa inyo na matino kami. Mapapa-drug test kaming lahat. Simulan namin sa Office of the Vice President,” dagdag na wika nito.
Tinukoy ni VP Sara ang campaign promises ni Pangulong Marcos na kanyang running mate noong 2022, na gagawin nitong P20 kada kilo ang bigas na hanggang sa ngayon ay hindi nangyayari.
Makikita sa data mula sa Department of Agriculture (DA) na ang presyo ng local commercial rice sa Metro Manila ay mula P40.00 hanggang P61.00 per kilogram, at ang imported commercial rice naman ay mula P40.00 hanggang P63.00 per kilogram ‘as of November 20, 2024.’
“Dapat po ‘pag ang politiko ay nag-promise na magbibigay ng P20 per kilo na bigas, dapat ay tinutupad ‘yun dahil binoto ka ng mga tao base sa mga sinabi mo, base sa mga kampanya mo,” ayon kay Duterte
“Dapat binibigay ‘yan lahat kung anuman ang sinabi ng isang tao, ng isang politiko sa entablado, dapat nakikita ‘yan ng taongbayan at higit pa dapat ang nakikita natin,” dagdag na wika nito.
Sa kapareho pa ring video, sinabi ni VP Sara na sinusubukan niyang magtrabaho ng maayos sa DepEd subalit hindi niya maintindihan kung bakit patuloy na binabastos ng Kongreso ang budget ng nasabing departamento.
“Mga kababayan, nararamdaman ko kung ano ‘yung matagal niyo nang nararamdaman. Sinubukan ko na magtrabaho, magtrabaho nang maayos sa Department of Education, dahil ‘yun naman ang aking pangako sa inyo, ginamit ko ang pangalan ko—Sara Duterte, Inday Sara Duterte,” ani VP Sara.
“Sabi ko sa inyo trabaho, edukasyon, mapayapang pamumuhay. Pero anong nangyari? Binastos ang budget ng Department of Education. Hindi ko na kailangan magbigay ng ebidensya. Makikita niyo sa GAA simula sa NEP, papunta sa GAB, papunta sa BiCam,” dagdag na wika nito.
Samantala, pinasalamatan naman ni VP Sara ang kanyang mga taga-suporta sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, kung saan naka-confine ang kanyang chief of staff n a si Undersecretary Zuleika Lopez.
Sa ulat, na-cite for contempt kasi Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Vice Pres. Sara Duterte nang hindi magustuhan ng mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naging sagot nito kaugnay ng kontrobersiyal na confidential fund ng Office of the Vice President.
“Gusto ko lang ipaalala sa ating mga kababayan na ayaw natin ng kaguluhan, na tayo ay may karapatan sa peaceful assembly at tayo ay may karapatan na magsalita kung ano ‘yung nararamdaman natin at gusto nating makita mula sa ating gobyerno. Ang gusto natin makita ay genuine public service,” aniya pa rin. (Daris Jose)