• December 12, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 5th, 2024

Para matugunan ang malnutrition at pagkabansot sa mga batang pinoy: PBBM sa DoH: Itulak ang healthier food options

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) na itulak ang ‘healthier food options’ upang matugunan ang malnutrition at pagka-bansot sa mga Filipino.

 

 

 

Sa katunayan, nakipagpulong ang Pangulo sa mga DOH Executive at iba pang opisyal kaugnay sa alalahanin ng departamento sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng martes.

 

 

Tinalakay ng mga ito ang mga estratehiya at paraan hinggil sa pagpapatupad ng First 1,000 Day (F1KD) Program ng DoH.

 

 

“We have to educate people to eat healthier options. We go back to the main point, I think is how do we consolidate all of these things that we are doing,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa nasabing miting.

 

 

“Well, I think Ted (Secretary Herbosa) is doing many things already. Pero may gaps sa coordination and may overlap. I’m sure there’s some wasted effort and funding there. So, I think that’s where we can focus on,” dagdag na wika nito.

 

 

Hangad din ng Chief Executive na tutukan ng DOH ang 34 Philippine Plan for Action for Nutrition (PPAN) priority areas na may mataas na kaso ng pagkabansot at malnutrition.

 

 

Aniya, ang mga ‘well-off provinces at lokalidad’ ay nananatiling nakapagtatala ng mataas na bilang ng malnourish at mga batang bansot.

 

 

Kabilang sa mga pangunahing lugar sa Luzon ay ang Pangasinan, Isabela, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Quezon, Cavite, Rizal, Palawan, Oriental Mindoro, Masbate, Camarines Sur, at Sorsogon.

 

 

Sa Visayas, ang Negros Occidental, Iloilo, Antique, Negros Oriental, Cebu, Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar ang mga lugar na tinututukan.

 

 

Habang sa Mindanao naman, ang mga lugar ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Lanao del Norte, Bukidnon, Davao del Sur, Cotabato, Surigao del Sur, BARMM, Sulu, Basilan, Maguindanao, at Tawi-Tawi ang mga prayoridad.

 

 

Samantala, sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Herbosa na nais ng Pangulo ang mas magandang alokasyon na budget para sa programa.

 

 

“Health and nutrition is actually closely linked so (the) President understood this and (he said), ‘When I was governor, I spent 30% of our budget in Ilocos for health and nutrition,'” ang sinabi ni Herbosa.

 

 

“So, he wants the same so I’m actually very happy coming out of this meeting and I have full support of the other Cabinet secretaries that were there–Secretary (Sonny) Angara of DepEd, Secretary of… Secretary (Renato) Solidum of the Department of Science and Technology which has the Food and Nutrition Research Institute of the Philippines, and also (Secretary) Rex Gatchalian, DSWD (Department of Social Welfare and Development),” aniya pa rin.

 

 

Matatandaang, buwan ng Hunyo ngayong taon, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang malawak na sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng pagsama sa mga buntis at mga nagpapasusong Ina upang matiyak ang kalusugan ng kanilang mga anak sa unang 1,000 araw.

 

 

Buwan ng Pebrero nang ipanukala ng DSWD na itaas ang halaga ng 4Ps grant at magbigay ng cash grants sa First 1,000 Days (F1KD) na mga bata.

 

 

“The adjustments should increase the purchasing power of the 4Ps beneficiaries and provide an incentive for them to improve compliance with program conditions that would prevent malnutrition and stunting,” ayon sa departamento.

 

 

Samantala, sinabi naman ng Presidential Communications Office na nagdurusa ang bansa mula sa triple burden na dala ng ‘malnutrition–undernutrition, overnutrition, at micronutrient deficiency. ‘

 

 

Ang mga batang bansot na wala pang limang taong gulang ay 26.7% at ang naaaksaya ay 5.5%. Ang micronutrient deficiency, partikular sa Vitamin A, Iron, at Iodine, ay mahalagang epekto sa mga bata na wala pang limang taong gulang at maging sa mga buntis at nagpapasusong ina.

 

 

Sinasabing nahaharap din ang bansa sa overnutrition, na may childhood obesity na 14% (5 hanggang 10 taong gulang) at adult obesity na may 40%. (Daris Jose)

PBBM, hangad magkaroon ng lupon para sa Fund for Responding to Loss and Damage na naka- base sa Maynila

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang Fund for Responding to Loss and Damage (FRLD) sa Pilipinas pagdating sa pagtugon sa masamang epekto ng climate change.

 

 

 

Kaya nga, nais ng Chief Executive na ang Board o Lupon ay nakabase sa bansa dahil sa mahalagang papel nito sa pagtulong sa Pilipinas na pagaanin ang epekto ng climate change.

 

 

 

“We’re working very hard for the board to be based here in Manila because [of] its supreme importance for the Philippines, because of all of the risks that we are bracing [for], because of climate change,” ang sinabi ni Pangulong Marcos matapos niyang mainit na tanggapin ang Board ng FRLD sa isang courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes, Disyembre 2.

 

 

 

Sa nasabing pulong, binanggit ni Pangulong Marcos ang mga natural disaster na tumama sa Pilipinas sa nakalipas na ilang linggo, sinabi pa rin niya na ang bilang ng mga kalamidad na tumama sa bansa ay hindi pa nangyari simula pa sa kalagitnaan ng 1940s.

 

 

 

“The momentum since the industrial revolution is something that can’t be easily be moved or stopped or at least redirected. In the meantime, I hope all of you can find solution so that, we in the Philippines, most of our people do not suffer,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

 

 

 

“That’s how urgent we consider the board’s work and how it is important to us that you work here in Manila, in the Philippines,” dagdag na wika nito.

 

 

 

Ayon sa Presidential Communications Office, ang board ng FRLD ay magsisilbi bilang principal decision-making body na gagabay at mangangasiwa sa Fund.

 

 

 

Kinabibilangan ito ng 26 na miyembro mula sa Conference of the Parties (COP) at Meeting of the Parties to the Paris Agreement (CMA), na mayroong 12 miyembro mula sa ‘developed country parties’ at maging 14 na miyembro myla sa ‘developing country parties.’

 

 

 

Kung matatandaan, nakakuha ang Pilipinas ng puwesto sa board bilang permanent representative ng Asia-Pacific Group para sa taong 2024 at 2026 at bilang alternate representative ng Asia-Pacific Group for 2025.

 

 

 

Samantala, kabilang naman sa mandato ng Fund ay ang tutukan ang pagtugon sa ‘loss and damage’ para tulungan ang mga ‘developing countries’ partikular na ang mga mga bansa na tinamaan ng masamang epekto ng climate change. (Daris Jose)

40% modernized PUV’s, nakikitang makakamit ng bansa sa 2027 –LTFRB

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAKIKITA na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makakamit na ng bansa ang 40% ng mga modernized PUV’s sa taong 2027 bunsod pa rin ng patuloy na pagpapatupad ng implementasyon ng public utility vehicle modernization program (PUVMP).

 

 

 

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang mga jeepney operators na siyang sumali sa konsolidasyon ay bibigyan ng palugit na hanggang 2027 para sumunod sa PUVMP.

 

 

Tinawag din ni Guadiz na ‘gradual phaseout’ ang gagawin sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.

 

 

1,000 namang mga operators naman ang humabol sa deadline ng kanilang pamunuan noong Nobyembre 29 para magsumite ng mga application for consolidation.

 

 

Samantala, kinondena naman ni Manibela President Mar Valbuena ang mga pahayag na ito ng LTFRB at sinabing 8,000 na ang nagsumite ng kanilang withdrawal ng kanilang pakikiisa sa PUVM program mula sa Metro Manila, Central Luzon at iba pang rehiyon sa bansa.

Clearing operation sa Mabuhay lane patuloy na isasagawa ng MMDA

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY ang ginagawang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ito ang sinabi ni MMDA Special Operations Group Head Gabriel Go, sinabi nito na ang paggamit ng Mabuhay lane ay malaking pakinabang sa lahat ng motorista upang makaiwas sa bigat ng trapiko.

 

 

 

Pinaliwanag pa nito ang responsibilidad ng kanilang ahensya ay mag-patupad ng mga rules hindi lamang sa darating na holiday season kung hindi sa pang araw-araw na sitwasyon.

 

 

 

Panawagan pa ni MMDA Chief Go, na iwasan na aniyang gawing park ang interconnection point o mabuhay lane ito’y upang maiwasan rin ang bigat na alalahanin sa pagmumulta. Kasama rin sa mga ipapatupad ng MMDA ang pagtatangal ng mga nagtitinda sa mga sidewalk. (Daris Jose)

4 tulak, nalambat sa Navotas drug bust, higit P.1M droga nasabat

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang isang bebot matapos mabingwit ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

 

 

 

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nina alyas “Rodalyn”, 23 at alyas “Buboy”, 38, kaya isinailalim nila ang mga ito sa monitoring.

 

 

Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek dakong alas-11:24 ng gabi sa M. Naval St., Brgy. San Roque.

 

 

Ani Capt. Rufo, nakumpiska nila sa mga suspek ang nasa 10.29 grams ng hinihinalang shabu a may standard drug price value na 69,972.00 at buy bust money.

 

 

Nauna rito, natimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation din sa M. Naval St., Brgy. San Jose, alas-10:36 ng gabi sina alyas “Daniel”, 55, at alyas “Fetus”, 20, kapwa residente ng lungsod.

 

 

Nasamsam sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10.03 grams ng suspected shabu na may katumbas na halagang P69,204.00 at buy bust money.

 

 

Pinuri naman ni Col. Ligan ang Navotas police sa kanilang matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na pawang mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

MUSEO PAMBATA, MULING BUBUKSAN

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MATUTUNGHAYAN muli ang kauna-unahang children’s museum sa muling pagbubukas nito sa Biyernes ,Disyembre 6, ilang araw matapos ang pagdiriwang ng 30th anniversary nito.

 

 

 

Ang muling pagbubukas ng museum ay makaraang ipasara dalawang taon na ang nakalilipas o noong panahon ng pandemya at sumailalim din sa renovation.

 

 

 

Ibinahagi ni Museo Pambata President Bb. Mañosa-Tanjutco, kinailangang kumpunihin ang bubong ng museum dahil sa mga tagas.

 

 

Pininturahan din ang pader habang naglagay ng bagong ilaw upang mas maliwanag ang espasyo .

 

 

Sinabi ni Tanjutco na maaring tingnan ng mga bisita ang isang bagong tanawin na tinatawag na Balay Yatu na nagtatampok ng mga likhang sining na gawa ng mga kabataan mula sa ibat-ibang rehiyon sa bansa bukod pa sa museum mainstays tulad ng Modelo ng Spanish galleon at tranvia.

 

 

Bukas ang Museo Pambata mula Biyernes hanggang Linggo , alas 10 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon na may entrance fee na P450.

 

 

Ito ay matatagpuan sa Roxas Boulevard cor.South Drive ,Ermita Manila. GENE ADSUARA

Pinas, pinakipot ang 2024 economic growth target, pinalawak ang 2025-2028

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINAKIPOT ng inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang economic growth target nito para sa 2024, subalit pinalawak ngayon at inaasahan na matatamaan ang 6.5% kontra sa nauna nitong inaasahan na 7.0%.

 

 

 

Sa pulong ng DBCC, araw ng Lunes, sinabi nito na inamiyendahan ng Pilipinas ang economic growth target na 6.0% hanggang 6.5% mula sa naunang target range na 6.0% hanggang 7.0%, inamin ni Finance Secretary Ralph Recto na hindi nito iniisip na ang paglago ay maaaring tumama sa 7.0% ngayong taon.

 

Ito’y matapos na ang economic growth ay pumalo sa 5.8% ‘as of end-September matapos tamaan ang 5.2% sa third quarter na sumalamin sa pagbagal mula 6.4% sa second quarter.

 

 

“Despite domestic challenges, we are optimistic that we can still attain our growth target for the year of 6.0 to 6.5%,” ang sinabi ng DBCC sa isang kalatas na binasa naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang press conference.

“In particular, we expect the Philippine economy to bounce back during the last quarter, given the anticipated increase in holiday spending, continued disaster recovery efforts, low inflation, and a robust labor market,” ang nakasaad pa rin sa kalatas.

 

 

Nauna rito, pinalawak naman ng DBCC ang band ng economic growth assumptions nito mula 2025 hanggang 2028 sa range sa pagitan ng 6.0% hanggang 8.0%. Nauna na itong nagtakda ng target na 6.5% hanggang 7.5% para sa 2025, at mula 6.5% hanggang 8.0% mula 2026 hanggang 2028.

Sinabi naman ng mga economic manager na ang pagbabago ay sumasalamin sa “the anticipated impact of structural reforms and evolving domestic and global uncertainties.”

 

 

“To achieve these targets, we remain committed to implementing reforms outlined in the Philippine Development Plan 2023-2028. These include accelerating infrastructure investments, enhancing the ease of doing business, and boosting national competitiveness,” ayon sa DBCC.

 

 

In-adjust din ng DBCC ang inflation forecast nito ngayong taon sa range mula 3.1% hanggang 3.3%, mas makitid kaysa sa 3.0% hanggang 4.0% range na inanunsyo noong Hunyo, ang nananatiling nakapaloob sa target range ng gobyerno na 2.0% hanggang 4.0%.

“We are determined to maintain price stability by keeping inflation low and stable amid easing monetary conditions, improving labor market conditions, and productivity-enhancing structural reforms,” ang sinabi pa rin nito.

 

Napanatili naman ng ahensiya ang inflation assumption nito para sa 2025 hanggang 2028 sa 2.0% hanggang 4.0%. ang huling print ay naitala sa 2.3% noong Oktubre dahilan para ang year-to-date figure ay 3.3%. ( Daris Jose)

Korte Suprema, itinakda sa February 2025 ang pagdinig sa paglilipat ng Philhealth fund

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ITINAKDA na ng Korte Suprema sa susunod na taon ang oral arguments sa mga petisyong kumukuwestyon sa paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa national treasury.

 

 

 

Batay sa report ng SC, gaganapin ang pagdinig sa Pebrero-4, 2025.

 

 

Una na itong itinakda ng kataas-taasang hukuman noon pang Nov. 12 ngunit hindi agad isinapubliko.

 

 

Dating nakatakda sa January 14, 2025 ang oral argument ngunit inilipat din ito ng SC.

 

 

Oktubre ng taong kasalukuyan nang maglabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) na nagpipigil sa paglilipat ng naturang pondo.

 

 

Unang inilipat ng state health insurer ang P20 billion noong May 2024 at sinundan ng karagdagang P10 billion noong Agusto.

 

 

Ang pangatlong tranche ay noong Oktobre. Ito ay nagkakahalaga ng P30 billion.

 

 

Karagdagang P29.9 billion ang ililipat sana noong Nobiembre ngunit una nang inilabas ang TRO laban dito. (Daris Jose)

Ads December 5, 2024

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Sixers, napigilan ang comeback effort ng kapwa kulelat na team, 110 – 104

Posted on: December 5th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Hindi umubra ang comeback effort ng Charlotte Hornets para itumba ang Philadelphia 76ers sa naging laban ng dalawa ngayong araw, 110 – 104.

 

 

 

Hawak kasi ng Sixers ang kalamangan mula 1st hanggang sa ikatlong quarter ng laro kung saan sa pagtatapos ang Q3 ay mayroon itong 11 points na lamang.

 

 

Umarangkada naman ang magandang opensa ng Hornets sa pagpasok ng 4th quarter at nagawang maitabla ang score ilang minuto bago matapos ang laban.

 

 

Isang minuto at labingsiyam(19) na segundo bago matapos ang laro, naungusan ng Charlotte ang Sixers, 100 – 99, sa pammaagitan ng free throw na iginawad kay Josh Green.

 

 

Gayunpaman, tinawagan din ng foul ang Charlotte at naigawad ang dalawang free throw kay Tyrese Maxey. Naipasok ni Maxey ang dalawang attempt at sinundan ng isang layup, matapos mabigo ang Hornets na gumawa ng shot.

 

 

Sa loob ng ilang segundo, nagawa ng Sixers na panatilihin ang lead, hanggang sa tuluyan itong tuludukan ni Maxey sa huling dalawang segundo ng laro gamit ang isang 2-pt shot.

 

 

Sa kabila ng panalo, nananatili sa lima ang panalo ng Sixers habang 14 na ang pagkatalong nalasap.

 

 

Para sa Hornets, ito na ang ika-labinlimang pagkatalo nito habang anim pa lamang ang naipapanalong laba.