KAPWA nagkasundo ang Pilipinas at Israel na palakasin ang pagtutulungan sa turismo lalo pa’t mas maraming filipino ang inaasahan na bibisita sa Holy Land at mararanasan ang mayamang kasaysayan ng bansa at kultura nito.
Tinintahan nina Tourism Secretary Christina Frasco at Israeli Tourism Minister Haim Katz, kasalukuyang nasa bansa, araw ng Martes, Disyembre 3 ang joint declaration para pangalagaan ang pagtutulungan sa larangan ng turismo bilang bahagi ng ‘strategic effort’ ng mga bansa para paghusayin ang relasyon sa turismo.
Sinabi ni Katz na excited na ang Israel na makita ang “such strong interest from Filipino travelers,” at sa nalalapit na Jubilee Year, inaasahan na “even more Filipinos will be eager to experience the Holy Land and the rich history, culture, and hospitality Israel offers.”
“We hope to see direct flights between Israel and the Philippines very soon, this will boost tourism and people to people exchange,” ayon kay Katz.
Sa kabilang dako, sinabi ni Israeli Ambassador to Manila Ilan Fluss na ang pagbisita sa bansa ni Katz ay “proof of the strong, historically friendly bilateral relations” sa pagitan ng Israel at Pilipinas sa turismo.
Umaasa naman si Fluss na ang nasabing hakbang ay makapanghihikayat ng tourism exchanges sa pagitan ng dalawang bansa partikular na ang visa-free travel para sa mga Filipino sa Israel at vice versa.
“I invite Filipinos to experience Israel not just as the Holy Land but to enjoy culinary and experience the Land of Innovation and Start-Up Nation,” ayon kay Fluss.
Mula nang buksan ang tanggapan ng turismo ng Israel sa Pilipinas noong 2017, nasaksihan ng Israel ang 65% na pagtaas ng naging pagbisita ng mga Filipino sa unang taon lamang.
Taong 2023, isang ‘record-breaking’ na 33,000 Filipino ang bumiyahe sa Israel. (Daris Jose)