• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 15th, 2021

BARBIE, ‘di na malilimutan dahil sa wakas nakatrabaho na ang iniidolo na si CHRISTOPHER

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

VERY excited na si Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza na tuloy na ang airing ng I Can See You: The Lookout.

 

 

Isa ito sa bagong episode sa second season ng drama anthology, na dapat ay ipinalabas noong Monday, April 12, pero dahil sa biglaang pagla-lockdown sa National Capital Region (NCR), hindi nila natapos ang lock-in taping nila.  Kaya sa halip, ni-replay muna ng GMA Network ang suspense-thriller episode na Truly. Madly. Deadly. nina Jennylyn Mercado, Rhian Ramos at Dennis Trillo.

 

 

  “Na-excite po ako talaga nang malaman kong bagong cast naman ang makakasama ko rito, at hindi ko makakalimutan na sa wakas, makakatrabaho ko na rin ang isa sa mga iniidolo at nirirespeto kong actor, si Mr. Christopher de Leon,” kuwento ni Barbie.

 

 

“I’m glad po rin na muli kaming magtatambal ni Paul Salas na una kong nakasama sa KaraMia. Huwag po ninyong kalimutang panoorin ang episode namin dahil naiiba po ang story at mga mahuhusay na artista ang kasama ko.  For these, nagpapasalamat po ako sa GMA sa bagong opportunity na ibinigay nila sa akin.”

 

 

Makakasama rin ni Barbie sina Adrian Alandy, Benjie Paras, Arthur Solinap, Elija Alejo, Marina Benipayo, at Ella Kristofani.

 

 

      ***

 

 

“QUALITY time” ang post ng Kapuso Royal Couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa kani-kanilang Instagram account, habang magkasama sila sa kanilang bahay last Sunday, April 11.

 

 

Caption ni Marian: “Quality time with my husband tonight.  Thank you for always putting a smile on my face.”

 

 

Ang sweet and simple moment caption naman ni Dingdong with wife Marian: “tanggal ang pagod ko.”

 

 

May isa pa siyang post habang nagkukulitan silang mag-asawa.

 

 

“Sunday kulitan in her new office.  Naaaks…new office day, o!  Sometimes all we have to do is just rearrange what is there to make things feel and look new, kahit hindi naman, kaya ayun, good vibes tuloys.” 

 

 

Dagdag pa ni Dingdong, iyon daw ang favorite spot ni Marian. Work from home talaga si Marian, lahat ng trabaho niya, kahit ang pagti-tape niya ng mga spiels ng kanyang OFW docu-drama na Tadhana, ay doon niya isinu-shoot na si Dingdong naman ang nagdidirek.

 

 

Ngayon ay busy ang mag-asawa sa paghahanda para sa coming second birthday ng bunso nilang si Sixto, na tulad last year ay wala pa ring bonggang birthday celebration, dahil under MECQ naman tayo.

 

 

This Friday, April 16 ang birthday ni Ziggy.

 

 

***

 

 

AFTER manalo ni EA Guzman ng Best Supporting Actor sa pelikulang Coming Home sa katatapos na The EDDYS, mas gusto niyang makagawa ngayon ng mga pelikula at magampanan ang mga dream roles na matagal na niyang gustong gawin.

 

 

     “May mga roles pa rin akong gustong gawin, isa na rito iyong may sakit ako, like may epilepsy, gusto ko pa ring gumawa ng mga dramatic roles,” sabi ni EA.

 

 

“At siyempre po, gusto ko pa ring gumawa muli ng mga gay roles, kahit once in a while, dahil nakaka-miss din.  Sa tingin ko po naman ay magagawa ko pa rin ang mga roles na ganoon at mabibigyan ko pa rin ng justice.”

 

 

May coming primetime romantic-drama series si EA, ang Heartful Cafe, kasama sina Julie Anne San Jose, David Licauco, at Victor Anastacio, na mapapanood sa GTV.  (NORA V. CALDERON)

Martinez sasaklolohan ni Cheng, PHSU sa training

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

URA-URADANG umaksiyon ang Philippine Skating Union (PHSU) at ang presidente nito na si Dyan ‘Nikki’ Cheng sa pangangalampag ni two-time Winter Olympic figure skater Michael Christian Martinez na kasalukyang nasa United States at nagti-training.

 

 

Pinangalandakan ng 24 na taong gulang at 5-9 ang taas na dating national athlete sa kanyang social media account ang paglulunsad ng $50K (P2.4M)  fundraising campaign na tinagurian niyang “Michael Martinez: Road to 2022 Winter Olympics.”

 

 

Martes naman nang ipahayag ni Cheng, na nakipag-ayos na siya sa tubong Parañaque pero Muntinlupa na residente na manlalaro para masaklolohan sa pangangailangang pinansiyal habang nasa Estados Unidos.

 

 

Klinaro nga lang ng opisyal na hindi maibibigay ng PHSU ang buong halagang lilikumin ni Martinez bunsod sa aniya’y may lima pang atleta sila na kagaya ng veteran figure skater na nangangarap ding mag-qualify sa Beijing, China 24th Winter Olympic Games 2022. (REC)

DALAWANG WEEKEND SHUTDOWN ANG LRT

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG weekend ngayon Abril na pansamantalang shutdown ang Light Rail Transit (LRT 1) para sa pagsasaayos ng kanilang linya at tren na sinimulan na noon pang Semana Santa.

 

 

Sa anunsyo ng Light Rail Manila Corporation o LRMC, walang operasyon ang LRT line 1 sa April 17 hanggang 18, at April 24 hanggang 25, 2021.

 

 

Ayon sa LRMC, magsasagawa ng maintenance and rehabilitation activities o pagsasaayos sa kanilang linya at mga tren at istasyon; at pagpapalit ng overheard cater art wires upang mapabuti pa ang serbisyon sa mga pasahero.

 

 

Ang pagsasaayos ng LRT 1 ay preparasyon din umano para sa inaasahang commercial use ng bagong Generation-4 trainsets sa ika-apat na quarter ng 2021.

 

 

Upang hindi naman mahirapan ang mga mananakay o commuters na maapektuhan  sa pansamantalang weekend shutdown  ay magdedeploy naman ang LRMC ng mga public utility buses sa Route 17 o Monumento hanggang EDSA via Rizal Avenue/Taft Avenue, alinsunod na rin sa Department of Transportation.

 

 

Wala  rin umanong pagbabago sa service schedule ng LRT line 1 sa weekday o Lunes hanggang Biyernes, na 4:30am hanggang 9:15pm, northbound train; at 4:30am hanggang 9:30pm para sa southbound train.

 

 

Patuloy din ang paalala sa mga commuter na tumalima sa health protocols kontra COVID-19. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Open and productive ang miting ng dalawang lider ng bansa

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAROON ng “open and productive telesummit” si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay President Vladimir Vladimirovich Putin ng Russian Federation noong Abril 13, 2021.

 

 

Muling pinagtibay ni Pangulong Duterte at President Putin ang kanilang commitment para mas lalo pang mapahusay ang kooperasyon habang ginugunita ng Pilipinas at Russia ang 45th anniversary ng diplomatic relations ngayong taon at nangakong magtutulungan sa pakikipaglaban sa COVID-19.

 

 

Pinasalamatan ng Pangulo si President Putin para sa naging commitment ng Russia na palakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang aspeto kabilang na ang paglaban sa COVID-19 pandemic.

 

 

Kapwa tinalakay ng dalawang Pangulo ang global at regional vaccine landscapes, kung saan tinukoy ang bakuna gaya ng Russia’s Sputnik V na kailangang i-mobilized sa mas maraming bansa kung posible.

 

 

Um-order ang Pilipinas ng 20,000,000 doses ng Sputnik V mula Russia at kapuwa binigyang diin ng dalawang lider ang kahalagahan ng pagtaas ng global production at supplies.

 

 

Binigyang diin nina Pangulong Duterte at President Putin ang pangangailagan na ipagpatuloy at palakasin ang pakikipagtulungan para labanan ang COVID-19 pandemic.

 

 

Tinukoy din ng dalawang lider ang “steady progress in defense and security cooperation between the two countries, fostered by regular exchanges between defense, intelligence and military agencies, and vowed to sustain the momentum gained over the past five years.”

 

 

Binigyang diin ni President Putin ang positive trajectory ng Russia-Philippines relations at binigyang-diin din na maraming oportunidad para sa mas malaking kooperasyon sa larangan ng trade at investments, agriculture at energy development kahit pa ang dalawang bansa ay nagsusulong ng pagpapahusay ng political-security cooperation.

 

 

Samantala, inulit naman ni Pangulong Duterte ang kanyang imbitasyon kay President Putin na bumisita sa bansa “as soon as circumstances allow” kung saan ay welcome naman kay President Putin.

 

 

Kasama naman ni Pangulong Duterte sa nangyaring telesummit sina Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin, Jr. at Senator Cristopher Lawrence “Bong” Go.

 

 

Tumagal naman ng 30 minuto ang phone conversation. ( Daris Jose)

PDU3O, nakiisa sa mga Kapatid na Muslim sa pagdiriwang ng Ramadan ngayong buwan

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

“In the name of Allah, the Most Gracious, the Most Merciful, may peace, mercy and blessings be upon you all on the holy month of Ramadan”

 

 

Ito ang naging pagbati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga kapatid na Muslim na nagsimula nang magdiwang ngayon ng banal na buwan ng Ramadan.

 

 

Aniya, ang buong bansa ay nakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa paggunita ng rebelasyon ng Quran sa Prophet Mohammad. Isa sa Five Pillars ng Islam.

 

 

Ang panahon aniya ngayon ng paga-ayuno ay nagpapaalala sa lahat ng kahalagahan ng pagsasakripisyo, pagiging masunurin at kawanggawa sa pang-araw-araw na pamumuhay.

 

 

“As we mark this holy occasion, I ask everyone to promote solidarity among all Filipinos by manifesting faith through action and by fostering peace, hope and unity as we face the most challenging of times. Let us all come together and channel the spirit of Ramadan by helping those who are less fortunate and most in need,” ang bahagi ng mensahe ng Pangulo.

 

 

Umaasa ang Pangulo na makasusulong ang lahat na may tapang, pag-asa at kumpiyansa dahil sa ang biyaya ng Ramadam ay may dalang kapayapaan at kasaganahan sa buong bansa.

 

 

“May we all have a meaningful observance. Ramadan Mubarak!,” ang pagbati ni Pangulong Duterte.

 

 

Samantala, nakiisa rin ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga kapatid na Muslim na nagdiriwang ngayon ng banal na buwan ng Ramadan

 

 

“We join our brothers and sisters in this period of heightened spiritual devotion and worship to the Most Gracious and Most Merciful Allah as they observe the start of Ramadan,” ayon kay PCOO Sec.Martin Andanar.

 

 

Ang okasyong ito aniya ay panawagan ng pagmumuni-muni at repleksyon – isang mataimtim na panahon para muling bisitahin ang rebelasyon ni Allah na may ” renewed faith and commitment.”

 

 

“May Allah’s holy teachings be a guiding light for our fellow Muslims towards leading a life of purity and clarity,” ayon kay Andanar.

 

 

Mangyari rin aniya na ang panahon na ito ang makapagpalakas sa pagkakaisa, kapayapaan at pakikiisa sa kapuwa lalo na ngayong panahon na nagtitiis ang lahat sa epekto ng Covid-19.

 

 

“May we also achieve more progress towards creating an equitable and inclusive society,” aniya pa rin.

 

 

Samantala, hiniling naman ni Andanar sa lahat ng mago-obserba ng Ramadan na patuloy na sundin ang minimum health standards para makabangon at maka-recover bilang isang bansa.

 

 

“We wish everyone a solemn, blessed, and safe occasion,” ang pagbati ni Andanar. (Daris Jose)

Diaz seselyuhan ang ika-4 niyang Summer Olympics

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUMAPAG na sa Tashkent, Uzbekistan si 2016 Rio de Janeiro Olympics women’s weightlifting 53-kilogram silver medalist Hidilyn Diaz upang pormalisahin na lang pang-apat na pagsabak sa 32nd Summer Games sa pagbahagi sa 49th Asian Men’s and 30th Women’s Weightlifting Championships 2021 sa Abril 16-25.

 

 

Abr. 10 nagbuhat sa Malaysia na naging kampo niya sapul noong Pebrero 2020 nang maipit sa lockdown bunsod ng COVID-19 ang 30-year-old,Zamboanga City pride,  4-foot-11, Air Force sergeant.

 

 

Kahit hindi mag-podium finish ang dalagang barbelista, swak na siya 32nd Summer  Games 2020 sa Tokyo, Japan na inabala lang ng Covid-19 sa Hulyo 23-Agosto 8, dahil sa natugunang pagsali sa anim na Olympic Qualifying Tournament.

 

 

“14 months of waiting. See you in Uzbekistan,” bulalas ng 2020 Roma World Cup 59kg at 2020 Oceania Weightlifting Federation Eleiko Email international Lifters Tournament 55kg gold medal winner sa kanyang social media account.

 

 

Asam ni Diaz na malampasan ang silver niya sa RDJ Olympics para maipagkaloob  sa ‘Pinas ng unang gold mula sa quadrennial sportsfest buhat noong 1924 sa Paris, France. (REC)

Ads April 15, 2021

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Hindi ito ang panahon at oras ng pagtitipid–PDU30

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang umiiral na Covid-19 pandemic sa bansa ay nagpapakita lamang na hindi ito ang panahon at oras ng pagtitipid.

 

 

Sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi ay hinikayat ng Pangulo si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and CEO Dante Gierran na gamitin ang kanilang resources para ma-cover ang mas marami pang medical needs na patuloy na tumataas dahil sa Covid-19 pandemic.

 

 

“If the pandemic is there and the beds are intended to be rolled out…sabi ko kay Gierran huwag ka magtipid, hindi ito panahon sa tipid ,” ayon kay Pangulong Duterte.

 

 

Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa PhilHealth na i- cover ang mga bayarin ng isang Covid-19 patients na naghihintay sa tents at iba pang pasilidad na itinayo sa hospital grounds habang naghihintay ang mga ito na sila’y ma-admit.

 

 

Makabubuti aniya na gumastos para sa sobrang medical needs kaysa kapusin ang mga ito.

 

 

“Ilarga mo lahat ‘yan kailangan ng tao. Miski hindi pa kailangan ilagay mo lang diyan tutal aabot rin ‘yan ,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

 

 

“Pagdating ng panahon ‘O bakit ka bumili ng sobra?’ Bakit? Is there a way of knowing how many or how few ang matamaan ng Covid ,” aniya pa rin.

 

 

Samantala, hinikayat naman ni Pangulong Duterte ang lahat ng departamento at ahensiya ng pamahalaan na gastusin ang kanilang pondo sa mga bagay na kailanga lamang para sa ginagawang pagsusumikap ng gobyerno na tugunan ang health crisis.

 

 

“Do not be afraid to spend money because that is intended to be spent. Kaya nilalagay natin ‘yan sa budget tapos para gastusin ,” anito.

 

 

Aniya, maaaring sumulat ang mga ito sa kanya at ipaliwanag kung bakit ang binili nila ay mahalaga.

 

 

Nangako naman si Pangulong Duterte na nasa likod lamang siya ng mga ito sakali’t may nag-kuwestiyon ng gagawin nilang paggasta.

 

 

“Huwag kayong matakot maggastos. Just follow rules…If it is really good masabi ninyo you justify it the moment pagbili ninyo. Nandiyan ako sa likod niyo  And I will vouch for you if the transaction is legal and right,” aniya pa rin.

 

 

Binalaan naman ni Pangulong Duterte ang kanyang mga Cabinet officials na madawit sa corrupt practices.

 

 

“But if it is wrong and there’s money involved at p*t*ng*n*,” diing pahayag ng Pangulo. (Daris Jose)

Chinese vessels sa West PH Sea lalo pang dumami, umaabot na sa 240 barko – Task Force

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Mas lalo pa umanong dumami ang mga barko ng Chinese na nakapaligid sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

 

 

Batay sa latest maritime at sovereignty patrols na isinagawa noong April 11, 2021 nasa 240 Chinese vessels ang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea sa karagatang sakop ng bansa.

 

 

Mas mataas ito sa orihinal na iniulat na 220 barko ng China na namataan sa Julian Felipe reef noong nakaraang buwan ng Marso.

 

 

Iniulat ng AFP Western Command na 136 na barko ng Chinese Maritime Militia ( CMM) ang nasa Burgos (Gaven) Reef, siyam sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, 65 sa Chigua (McKennan) Reef, anim sa Panganiban (Mischief) Reef, tatlo sa Zamora (Subi) Reef, apat sa Pag-asa (Thitu) Islands, isa sa Likas (West York) Island, at lima sa Kota (Loaita) Island, at 11 sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

 

 

Ito ay base sa huling maritime at sovereignty patrol nitong linggo, Abril 11.

 

 

Dahil dito, tinuligsa ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang patuloy na “swarming” ng mga barko ng Chinese Maritime Militia sa EEZ ng Pilipinas na pinalalabas ng China bilang mga pangkaraniwang fishing vessels.

 

 

Ayon sa NTF-WPS, kung ang mga barko ay fishing vessels, dahil sa laki ng mga ito na 60 metro, may kakayahan ang 240 na barkong ito na makahuli ng 240,000 kilo ng isda araw araw sa pamamagitan ng illegal fishing sa karagatan ng Pilipinas.

 

 

Ayon sa Task Force, dapat seryosohin ng China ang reklamo ng Pilipinas sa kanilang panghihimasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa alang-alang sa patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa.

 

 

Bukod sa 240 Chinese vessels, na-monitor din ang dalawang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Houbei class missile warships sa Panganiban Reef, isang Corvette class warship sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, isang Navy Tugboat sa Zamora Reef, 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa bisinidad ng Pag-asa Islands, 2 PLAN, 3 CCG, at 10 CMM vessels sa Bajo de Masinloc (Scarborough) Shoal.

 

 

Ayon sa NTF-WPS, ang presensya ng mga barkong pandigma ng China sa EEZ ng Pilipinas ay maituturing na militarisasyon ng karagatan na nakakasama sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.

 

 

Umalma rin ang NTF-WPS sa unang naobserbahan na paghango ng mga Chinese fishermen ng mga giant clams sa bisinidad ng Pag-asa island na umano’y paglabag sa batas ng Pilipinas at Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

 

 

Una nang nanawagan ang Department of Defense sa China na respetuhin ang 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas na kinikilala ng sa ilalim ng United Nations Convention on Law of the Seas (UNCLOS).

 

 

Samantala, sa panayam kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana as of April 10, 2021 maritime patrols nasa 28 na mga Chinese vessels na lamang ang aaligid sa EEZ ng bansa.

 

 

Aniya, may epekto ang presensiya ng mga US warships sa South China Sea na posibleng dahilan na nabawasan ang mga barko. (Daris Jose)

Blancada pangarap ang mag-Olympics surfing

Posted on: April 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

AANGKLAHAN ni 2019 Philippine Southeast Asian Games women’s surfing longboard gold medal winner Nilbie Blancada ang anim-katao pambansang koponan ng Pilipinas na papalaot sa  2021 Surf City El Salvador World Surfing Games sa Mayo- 29-Hunyo 6 sa La Bocana at El Sunzal, El Salvador.

 

 

Isinilang sa Barangay Catangnan, Gen. Luna, Surigao del Norte ang surfer, na ipapadala kompetisyon ng United Philippines Surfing Association 2016 Inc.

 

 

Makakasama niya sina Vea Estrellado ng Gubat, Sorsogon, Daisy Valdez ng La Union, mga kalalawigan niyang sina John Mark Tokong at Piso Alcala, at si Jay-R Esquivel.

 

 

Nakalaan sa nine-day surfest na final Olympic qualifying event ang limang puwesto sa men’s at pito sa women’s divisions para sa mga maglalayag naman sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan na na-move lang pandemya sa darating na Huly 23-Agosto 8. (REC)