Nakatanggap ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ng ilang sumbong buhat sa mga Transport Network Vehicle Serviceso TNVS providers laban sa isang Transport Network Company o TNC na may come-on na “Drive to Own”at “Kill Switch”program na pang-akit nila sa mga providers.
Talaga naman mae-enganyo ka sa scheme ng TNC na ito. Ayon sa mga sumbong ganito ang sistema ng TNC – sa halagang twenty thousand pesos ay lalakarin nila na magkaroon ka ng kotse, sila ang maglalakad ng provisional authority at prangkisa para maging TNVS ka at may technology na tinatawag nilang “kill switch” kung saan ay maaari nilang ma-disable ang sasakyan at hindi umandar ang makina.
Proteksyon daw ito ng mga drivers at may ari ng sasakyan laban sa mga carnappers dahil hindi nila mapapaandar ang sasakyan. Dahil sa ganda ng offer at pahirapan maka-apply ng prangkisa bilang TNVS at marami ang pumatol sa ‘DRIVE TO OWN, KILL SWITCH OFFER’ ng TNC.
Ayon sa mga pumatol sa offer ay madali nga silang nagkaroon ng sasakyan pero hindi naman agad nakakuha ng provisional authority o kaya franchise ang TNC. Ang sabi ng mga tauhan ng TNC ay basta nasa platform sila ay maaari na silang mamasada at “bahala na sila sa huli”.
Lumalabas kasing colorum ang mga ito dahil walang PA o prangkisa. Pero dahil may monthly na babayaran na ang mga may ari ng sasakyan ay napipilitan sila na mangolorum. Pero dahil hindi naman kalakasan ang pasada ng TNC ngayon ay hindi nakakabayad ng monthly payment ang kumuha ng sasakyan. At heto ang malupit – maaari na i-disable o patayin ng ‘Kill Switch Program’ ng TNC ang makina ng sasakyan. Ibig sabihin ay hindi na ito aandar.
At nangyari nga ito sa maraming providers na hindi makabayad ng monthly payment ng sasakyan. Ibig sabihin hindi sa carnapping invented ang ‘Kill Switch’ ng mga sasakyan kundi para kung hindi makabayad ang kumuha ng sasakyan ay madali sila ma-disable.
Ang tanong – ligal ba itong ‘kill switch’ na ito? May pahintulot ba ang mga car dealers sa technology na ito? Alam ba ng LTFRB ito? Ito ang tututukan ng LCSP at ipararating natin sa LTFRB ang bagay na ito. Sisilipin natin kung accredited pa ng LTFB ang TNC na ito at kung may aplikasyon pa lang ay kailangan harangin ito. Kung mayroon pong nabiktima ng TNC na tinutukoy dito ipaalam po sa amin sa LCSP at gagawa po tayo ng hakbang laban dito. (Atty. Ariel Enrile-Inton, Jr.)