AMINADO ang Malakanyang na hindi pa tuluyang napupuksa ang korapsyon sa bansa sa kabila ng patuloy na pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pigilan ang problemang ito ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tanggap ng kasalukuyang administrasyon ang papaitaas na laban sa korapsyon.
Dahil dito, binibigyan lamang ni Sec. Roque ng iskor na “8 out of 10″ sa isyu ng kampaya na linisin ang burukrasya.
Ayon kay Sec. Roque, may ginawa nang mga hakbang ang Pangulo para walisin ang mga corrupt officials, habang ang pakikipaglaban naman nito sa korapsyon ay nananatiling “unfinished business.”
“We’re satisfied pero hindi po talaga natanggal. Aaminin naman mismo ng Presidente ‘yan,” ang pahayag ni Sec. Roque sabay sabing “This is one of the unfinished business na sinasabi ng President so by grade I think I would give the President an 8 out of 10 on corruption.”
Sa kabilang dako, nangako naman si Pangulong Duterte na gagamitin niya ang natitira niyang termino para habulin ang mga corrupt public servants.
Nauna nang ipinangako ng Chief Executive na tatapusin nito ang korapsyon kapag tumakbo siya sa pagka-pangulo.
Dismayado kasi ang Pangulo sa walang katapusang korapsyon sa pamahalaan at kalaunan ay inamin na imposible na mapuksa ang banta ng korapsyon.
BIlang bahagi ng kanyang pinaigting na anti-corruption campaign, binabasa ni Pangulong Duterte ang mga pangalan kanyang sinisibak o sinusupinde na mga taong sangkot di umano sa korapsyon.
Giit ni Sec.Roque, hindi kinukunsinti ng Pangulo ang korapsyon sa gobyerno.
“Saan ka naman nakakita ng president na linggo-linggo sa ‘Talk to the People’ ay binabasa ‘yung pangalan ng nasisibak sa gobyerno. It’s to show by means of example to others na hindi kinokonsinte ang korapsyon pero syempre ang katotohanan ay naririyan pa rin,” anito. (Daris Jose)