HINDI pinal ang pagkakasama ng Hong Kong Flights bilang bahagi ng pansamamtalang suspensyon ng inbound international flights dahil sa umusbong na Omicron variant.
Ito ang nilinaw ng National Task Force (NTF).
Sinabi ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na hinihintay pa nila ang magiging anunsyo ng Inter-Agency Task Force ( IATF) kasunod ng pinal na rekumendasyon mula sa Technical Working Group on COVID-19 Variants and other agencies.
“The Government through favorable recommendations of the Department of Health (DOH) will work to ensure timely adoption of preemptive measures to prevent or delay the entry of new variants which have the potential for undermining public health,” ayon kay Nograles.
Hangga’t wala pang pormal na anunsyo mula sa IATF, ang HK flights ay papayagan pa rin.
Humingi naman ng paumanhin si Nograles para sa kalituhan dahil sa naunang anunsyo.
Nauna rito, kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na inirekomenda na ng Department of Health (DOH) ang pagba-ban o pagbabawal muna sa mga biyahero mula sa Hong Kong na makapasok sa Pilipinas, kasunod na rin nang deteksiyon sa naturang teritoryo ng B.1.1.529 o omicron coronavirus variant, na idineklara na ng World Health Organization (WHO) bilang isang ‘variant of concern.’
Ayon kay Duque, lumiham na sila kay Executive Secretary Salvador Medialdea upang maaksyunan ito kaagad upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang naturang bagong COVID-19 variant.
“Yes. Ikinokonsidera na rin ‘yan. Kaya nga sumulat na kami, nag-rekomenda kami kay Executive Secretary [Salvador Medialdea] na kung puwedeng maaksyunan ito agad para makasiguro tayo na hindi makapasok ito,” pahayag pa ni Duque, sa panayam sa radyo at telebisyon nitong Sabado.
Nabatid na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pansamantalang suspensiyon ng inbound international flights mula sa South Africa, Botswana, at iba pang bansa na may lokal na kaso o nakitaan ng B.1.1.529 (Omicron) variant, ilang linggo na lamang bago ang panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi ni Duque na kailangang kaagad itong tugunan lalo na ngayong nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan at inaasahang maraming Pinoy mula sa iba’t ibang bansa ang mag-uuwian sa Pilipinas.
Umaasa naman aniya siya na makakatanggap sila ng agarang tugon mula sa pamahalaan hinggil sa kanilang rekomendasyon.
“Kailangan talagang tugunan ito dahil hindi naman ito karaniwang panahon, ito ay Christmas season. Kinakailangan talaga na pag-aralan itong maigi. Hopefully within the morning we can get some answers,” aniya pa.
Inaantabayanan na rin ng DOH ang inamiyendahang rekomendasyon ng IATF ngayong araw na ito.
“Yes it was upon my prodding of IATF members to ban travelers from select African countries and also now our experts’ group will amend yesterday’s recommendation for Hong Kong given the recent declaration by the WHO of the B.1.1.529 as a variant of concern and that we have many OFWs who would want to come home for Christmas. I am awaiting their new recommendation which will be for approval by the office of the Executive Secretary,” aniya pa.
Aminado rin naman si Duque na kung makakapasok sa bansa ang naturang bagong COVID-19 variant of concern ay mayroong posibilidad na mabago ang kasalukuyang nakikitang downward trend ng COVID-19 sa bansa.
“Posibleng magbago, kasi titingnan natin kung ito nga ba ay peligroso. So mag-iingat tayo. Ano ba ang tamang pag-iingat? Kasama riyan ang mas mahigpit na international border controls,” aniya pa. (Daris Jose)