• November 2, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 7th, 2022

Pacquiao No. 3 sa Top 10 Richest Boxer

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Muling napasama si Manny Pacquiao sa lista­han ng pinakama­ya­yamang boksingero sa mundo.

 

 

Retirado na si Pacquiao sa boxing at nakasentro ang atensiyon nito sa buhay pulitika sa kasalukuyan.

 

 

Matatandaang bilyon ang kinita ng eigth-division world champion sa mahigit dalawang dekadang karera nito sa boxing.

 

 

Kaya naman sumampa ang Pinoy champion sa Top 10 Richest Boxer of All Time base sa mga nalikom nitong salapi mula sa kanyang mga laban at endorsements.

 

 

Nasa No. 3 spot si Pacquiao sa listahan tangan ang kabuuang 163 million Euros o mahigit P9 bilyong kinita sa kanyang boxing career.

 

 

Milyones ang kinikita ni Pacquiao sa tuwing sumasalang ito sa laban.

 

 

Isa sa pinakamalaki ang kinita ni Pacquiao sa blockbuster fight nito laban kay undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. noong 2015 kung saan lumasap ang Pinoy pug ng unanimous decision loss.

 

 

Sa kabila ng kabiguan, tumabo ng milyones si Pacquiao sa naturang laban mula sa fight purse hanggang sa pay-per-view buys na bumasag ng record sa mundo ng boxing matapos maglista ng 4.4 million pay-per-view buys.

 

 

Nasa unahan ng lista­han si Mayweather na may kabuuang net worth na 400 million Euros o mahigit P22 bilyon habang pumapa­ngalawa si George Foreman na may 222 million Euros o P12 bilyon.

 

 

Kasama rin sa listahan sina No. 4 Oscar de la Hoya (148 million Euros), No. 5 Canelo Alvarez (105 million Euros), No. 6 Lennox Lewis (103 million Euros), No. 7 Tyson Fury (100 million Euros), No. 8 Sugar Ray Leonard (88 million Euros) at No. 9 Anthony Joshua (60 million Euros).

MAINE, may katambal na rin sa comedy show nila ni VIC sa katauhan ni YASSER MARTA

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

FINALE night na mamaya ng romantic-drama series na The World Between Us nina Alden Richards, Jasmine Curtis-Smith, Tom Rodriguez, Sid Lucero, Dina Bonnevie at Ms. Jaclyn Jose.

 

 

Kaya mas excited na ang mga netizens kung ano ang gagawin ni Louie (Alden) para maipaghiganti ang mga pananakit na ginawa ni Eric (Sid) kay Lia (Jasmine), na halos patay na ito nang abutan niya, sumumpa siya sa sarili na siya ang maghihiganti para kay Lia, kahit patayin pa niya si Eric.

 

 

Hindi pa natatauhan si Lia sa mga inabot na sakit nito mula kay Eric, na kahit ang doctor ay hindi pa makapagbigay ng assurance kung matatauhan pa siya.

 

 

Will it be a happy ending ng love story nina Louie at Lia, na mapapanood at 8:50PM, sa GMA-7, after ng I Left My Heart in Sorsogon.

 

 

Meanwhile, marami nang netizens ang nakikiusap sa GMA kung pwedeng unahin na nila ang teleserye na pagtatambalan nina Bea Alonzo at Alden.

 

 

Naiinip na raw sila, kung matutuloy pa ba ang movie na dapat ay first project nila together after nilang nag-sign ng contract sa Viva Films, GMA Pictures at APT Entertainment last July, 2021, mga producers ng movie, na adaptation ng isang Korean series.

 

 

***

 

 

WISH granted sa new Kapuso actress na si Beauty Gonzalez na makatambal niya sa isang project si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

 

 

Sila ang magkatambal sa nagbabalik na serye ng GMA, ang I Can See You, sa episode nitong “AlterNate” na first time na gaganap si Dingdong ng dual role at first time niyang makakasama sina direk Ricky Davao at actress-wife nitong si Jackie Lou Blanco.

 

 

Binigyang-credit din ni Dingdong ang outstanding portrayal ng stand-in actor na kasama niya sa mga eksena nila: “gusto ko lang sabihin na hindi rin mabubuo itong AlterNate kung hindi dahil sa literal na alternate ko.  Mystery pa kung sino siya na ipakikilala naming after the run.  Napakahusay niya and I respect him so much and excited na ako na maipakita siya sa mga televiewers soon.”

 

 

Nagpasalamat naman si Dingdong sa asawang si Marian Rivera, na siya namang naiwan niya sa mga anak nilang sina Zia at Sixto, habang nasa 30-day lock-in taping ng serye niya.  At hindi lamang iyon, madalas magpadala si Marian ng mga pagkaing niluluto nito na pinagsasaluhan nila sa set ng mga co-stars niya.

 

 

Muling idinirek ni Dominic Zapata si Dingdong sa ICSY: AlterNate after nilang ginawa ang Pinoy adaptation ng Descendants of the Sun last year.

 

 

Sa Monday, January 10 ang world premiere ng serye, after ng I Left My Heart in Sorsogon.

 

 

***

 

 

LAUNCHED as GMA Artist Center in 1995, may new name na ito, ang ‘Sparkle.’

 

 

Ilan sa mga most luminous names in Philippine showbiz that they produced, ay sina Alden Richards, Heart Evangelista, Julie Anne San Jose, Barbie Forteza, and Ken Chan, to name a few.

 

 

After two and a half decades, this 2022, they promise of housing the country’s biggest stars and honing its up-and-coming artists.  It is spearheaded by Mr. Johnny Manahan together with Ms. Gigi Santiago-Lara, Senior Assistant Vice President for Alternative Productions.

 

 

Ayon kay Mr. M, “Only the brightest stars sparkle.  Our aim is to leave a little Sparkle wherever we go.”

 

 

***

 

 

SA wakas ay naikuha na rin si phenomenal star Maine Mendoza ng bagong katambal para sa comedy show nilang Daddy’s Gurl ni Vic Sotto.

 

 

Dati kasi ay may weekly guests lamang sila every Saturday ng katambal ni Maine as Stacy.  Simula ngayong Saturday evening, after ng Magpakailanman, makikilala na ang new leading man niya, si Yasser Marta.

 

 

Wala pang detalye kung ano ang role na gagampanan ni Yasser, pero nakasama na raw siya ni Maine noon pa sa isang project, kaya magkakilala na sila.

(NORA V. CALDERON)

DepEd hinihintay ang abiso ng DOH hinggil sa expansion ng in-person classes

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Hinihintay pa sa ngayon ng Department of Education (DepEd) ang abiso mula sa Department of Health bago pa man nila ituloy ang pagpapalawak ng in-person classes sa bansa.

 

 

Ayon kay Education Sec. Leonoro Briones, kakatanggap lamang nila ng abiso mula sa DOH na kung puwede ay hintayin muna matapos ang assessment period sa Enero 15 bago pa man magdesisyon kung papalawakin ba o hindi ang pilot implementation ng face-to-face classes.

 

 

Nauna nang sinabi ng DepEd na mabubukas sila ng mas marami pang mga paaralan para sa physical classes ngayong Enero bilang bahagi ng expansion phase.

 

 

Pero ayon kay Briones, sa ngayon ay isinasapinal pa nila ang kanilang report, na nakatakdang isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

 

 

Sa kasalukuyan, sinusunod ng DepEd ang three-phased plan para unti-unting buksan ang mga basic education schools, na karamihan ay sarado magmula noong Marso 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

 

 

Kalagitnaan ng Nobyembre hanggang noong Disyembre ang pilot phase, na sinalihan ng nasa 300 paaralan.

 

 

Samantala, sinabi naman niEducation Assistant Secretary Malcolm Garma na suspendido pa rin ang in-person classess sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Australia binawi ang visa ni Djokovic

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Pinawalang bisa ng gobyerno ng Australia ang visa ni Serbian tennis star Novak Djokovic.

 

 

Dahil sa pangyayari ay magiging malabo na maidepensa ng world’s number 1 tennis player ang kaniyang titulo sa Australian Open na magsisimula sa Jan. 17 hanggang Jan. 30.

 

 

Pagdating nito sa Melbourne ay ilang araw siyang inilagay sa kuwarto at doon kinuwestiyon ang kanyang medical exemptions.

 

 

Paliwanag ng Australian government na hindi nakahingi ang kampo ni Djokovic ng medical exemption dahil sa hindi pagpapabakuna laban sa COVID-19.

 

 

Una nang sinabihan ang kampo nito na maaaring palayasin siya subalit nagmatigas ang abogado ni Djokovic na kanilang kukuwestiyunin ang desisyon.

 

 

Magugunitang binigyan ng medical exemptions ng Tennis Australia si Djokovic para maidepensa nito ang titulo.

 

 

Isa kasi ang Serbian tennis player na komokontra sa pagpapaturok ng COVID-19. vaccine.

‘Pagsalubong ng New Year sa mga residente ng Xi’an, China mas masahol pa sa simula ng COVID sa Wuhan’

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Mas masahol pa umano ang taong 2022 para sa mga residente ng northwestern city ng Xi’an, ang pagsalubong ng bagong taon kumpara sa taong nagsimula ang COVID-19 sa kanilang bansa.

 

 

Mula noong Disyembre, ang ancient city na kilala bilang tahanan ng Terracotta warriors ay nakikipaglaban na sa pinakamalaking community coronavirus outbreak sa China mula noong Wuhan, ang orihinal na sentro ng pandemya.

 

 

Sa ngayon, mahigit 1,600 na kaso na ang naiulat sa lungsod.

 

 

Habang ang bilang ay mahina kumpara sa mga nasa maraming iba pang mga bansa, ang pagsiklab ay nagtulak naman sa caseload ng China sa huling linggo ng 2021 sa pinakamataas na antas mula noong Marso 2020.

 

 

Sa loob ng 12 araw and counting, ang 13 milyong residente ng Xi’an ay nakakulong sa kanilang mga tahanan.

 

 

Ang lungsod, na dating isang tourist hotspot, sinalubong ang bagong taon sa mga mala-disyerto na kalye, mga saradong tindahan, selyadong mga residential compound at isang walang laman na paliparan.

 

 

Ang ipinapatupad na lockdown ang pinakamahigpit at pinakamalaki mula noong Wuhan, kung saan naka-lockdown ang 11 milyong katao noong unang bahagi ng 2020.

 

 

Ngunit ito rin ay kabilang sa mga pinaka-magulo, na nag-iiwan sa mga residente ng kakulangan ng pagkain at iba pang mahahalagang suplay at nakaapekto sa pag-access sa mga medical service.

 

 

Sa loob ng halos dalawang taon, ang mahigpit na hakbang na ito na naprotektahan ang karamihan ng bansa mula sa pinakamasamang aspeto ng pandemya, ay nakakuha naman ng napakalaking suporta mula aq publiko.

 

 

Ngunit habang patuloy ang pagsiklab alng mga lokal na epidemya, ang tanong ng mga residente ng Xi’an ay kung gaano katagal ang zero-Covid bago magsimulang bumaba ang suporta ng publiko, na may milyun-milyong residente na nakakulong sa isang tila walang katapusang cycle ng mga lockdown.

 

 

Sa ngayon, determinado pa rin ang China na makamit ang kanilang layunin na zero-Covid kahit magtulak pa ito ng pagkaubos ng pasensya ng mamamayan.

PDu30, gustong bumalik sa Odette-hit provinces sa kabila ng COVID-19 case surge

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAIS nang bumalik ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga lalawigan na winasak ng bagyong “Odette”.

 

 

Ito’y sa kabila ng pagsirit ng bagong surge ng COVID-19 cases na dahan-dahang winawalis ang iba’t ibang bansa.

 

 

Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People,  na nais niyang muling bisitahin ang mga Odette-hit provinces “to make a review and see if my ordered were followed”.

 

 

“So gusto ko lang tingnan ‘yung what was the progress of our government intervention there. Bibisitahan ko lahat yan ulit. Maybe middle of a–second or third quarter of January,” ayon kay Pangulong Duterte.

 

 

Kabilang sa naging kautusan ng Pangulo ay ang paggamit sa BRP Ang Pangulo–presidential yacht–bilang ospital para sa mga nangangailangan na sila’y magamot matapos ang matinding hagupit ng bagyo.

 

 

“That is a presidential yacht which I never used. Kasi sa pangalan pa lang yate eh. So every–itong mga disaster, they should be there. Set sail doon sa mga areas so that they can be easily converted to mini-hospitals where the injured pwedeng magtira doon muna while being treated,” diing pahayag ng Chief Executive.

 

 

Nang kumpirmahin ni Office of Civil Defense Administrator Ricardo Jalad kay Pangulong Duterte sa public briefing na ang BRP Ang Pangulo ay ginagamit na bilang ospital sa Siargao, sinabi ng Pangulo na , “That’s good I’m very happy to hear it. It should stay there for as long as it is needed by the populace.”

 

 

“Anyway we will have a sort of an assessment after I shall have visited those places ngayong January, second or third quarter, maybe. An sha’ allah,” ayon sa Punong Ehektibo.

 

 

“As of Wednesday,” Enero 5,  ang mga lugar ng Bulacan, Cavite, Rizal, at National Capital Region (NCR) ay itinaas sa alert level 3 mula sa alert level 2, na mayroong COVID-19 case surge bilang primary reason. (Daris Jose)

MGA PASAHERO sa KAHABAAN ng COMMONWEALTH AVENUE, PATULOY ANG SAKRIPISYO SA PAGSAKAY ng PUBLIC TRANSPORT

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Ang Commonwealth Avenue ang sinasabing pinakamalapad na highway sa Metro Manila.  Naguumpisa ito sa may Quezon Memorial Circle hanggang sa may Quirino highway.

 

Ang kabuuan nito ay sakop ng Quezon City at ang kabilaang banda ay ang pinakamalalaking barangay ng Quezon City – Old Capitol site, San Vicente, UP Campus, Culiat, Matandang Balara, Commonwealth, Batasan, Holy Spirit, Fairview, Lagro, at iba pa.

 

 

Ito rin ang gateway ng mga pasahero na nanggagaling sa mga karating bayan ng Caloocan, San Jose del Monte, Rodriguez, San mateo. Kaya naman tuwing rush hour ay kalbaryo sa mga pasahero ang makasakay.

 

 

Kulang na kulang ang public transport at malimit ay mga colorum na lang ang sinasakyan ng karamihan. Sa pagdinig sa Senado bilang QC Action Officer ng Transport at Traffic noon, sinabi ko na ang Commonwealth ay isang “emergency situation”, araw-araw. Sa aking pagaaral, lumabas sa mga datos na punuan na ang mga bus na nanggagaling sa may Robinson SM Fairview dahil ang mga pasahero na galing sa Caloocan at Novaliches ay sumasakay na doon alas kuatro pa lang ng madaling araw. Ang galing naman San Jose del Monte ay puno na rin ng pasahero galing Bulacan, kaya pagdating nito sa Doña Carmen, Batasan, at iba pang lugar na pinanggagalingan ng pasahero, ay punuan na talaga.

 

 

Kinausap ko ang MMDA noon at ipinaliwanag ang ganitong sitwasyon. Ang aking solusyon noon ay maglagay kaagad ng mga bus na ide-dispatch sa ilang lugar sa Commonwealth para makasakay ng maalwan ang mga pasahero sa ibat-ibang bahagi ng Commonwealth.  Guminhawa man lang ng bahagya ang sitwasyon ngunit hindi ko na naituloy ang official na koordinasyon sa MMDA nang bumalik na ulit ako sa pribadong buhay.

 

 

Ngayon ay problema pa rin ang pagsakay sa Commonwealth Avenue.

 

 

Kailangan ng mas maraming point of origin ang mga buses at hindi lang sa SM Fairview.

 

 

Halimbawa sa may Doña Carmen at Batasan – dapat doon magmula ang public transport para ang mga pasahero doon ay makasakay agad at hindi laging chance passenger sila. Dalawa hanggang tatlong oras na paghihintay ang mga pasahero para lang makasakay. Marahil pag nag operate na ang MRT ay masosolusyunan na ito. Pero habang wala pa, ang panawagan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ay maglagay na ng dispatching ng mga bus at public transport sa ibat ibang bahagi ng Commonwealth Avenue. (Atty. Ariel Enrile-Inton)

Mahigit 100,000 katao sa US kasalukuyang na-admit sa hospital dahil sa Omicron variant

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Pinalawak pa ng US Food and Drug Administration ang otorisasyon sa paggamit ng emergency para sa mga nagpapalakas ng bakuna sa COVID-19 ng Pfizer sa mga batang edad 12 hanggang 15-anyos.

 

 

Sinabi ni Dr. Peter Hotez, dean ng National School of Tropical Medicine sa Baylor College of Medicine na ang mga bata ang siyang apektado sa pagdating ng Omicron na variant ng coronavirus, ang tinawag nilang “the king of transmissible Covid viruses.”

 

 

Nag-ulat ang Washington, DC ng higit sa 9,000 bagong impeksyon sa COVID-19 at pitong pagkamatay sa nakalipas na apat na araw.

 

 

Ang mga pampublikong paaralan sa Detroit ay sarado habang ang lungsod ay nahaharap sa isang mataas na antas ng impeksyon sa virus.

 

 

Mahigit sa 100,000 katao ang kasalukuyang nasa ospital na may COVID-19 sa US sa unang pagkakataon sa halos apat na buwan, ayon sa pinakabagong data mula sa US Department of Health and Human Services (HHS).

 

 

Ang mga ospital sa COVID-19 ay umabot sa record high na higit sa 142,000 sa humigit-kumulang isang taon na ang nakakaraan, noong Enero 14, at huli silang nangunguna sa 100,000 noong Setyembre 11.

 

 

Nagkaroon lamang ng 67 araw sa buong pandemya ng higit sa 100,000 katao ang naospital na may coronavirus.

 

 

Sa kasalukuyan, halos three-quarters ng mga kama sa ospital sa buong bansa ay puno, at isa sa pito ay para sa mga pasyente na may COVID.

 

 

Ang mga hospitalization rates ay kasalukuyang pinakamataas sa New Jersey, Ohio at Delaware, kung saan mayroong higit sa 50 COVID-19 na mga ospital para sa bawat 100,000 katao.

‘Poblacion Girl,’ 8 pa kinasuhan na ng PNP

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Sinampahan na ng reklamo ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Makati Prosecutor’s Office ang tinaguriang “Poblacion Girl” na si Gwyneth Anne Chua at walong iba pa.

 

 

Kasong paglabag sa R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isinampa kina Chua.

 

 

Bukod kay Chua, kinasuhan din ang ama nitong si  Allan Chua;  inang  si Gemma Chua,  at  nobyong si Rico Atienza.

 

 

Damay din ang limang staff ng Berjaya Hotel Makati na sina Gladiolyn Blala, hotel resident ma­nager; Den Sabayo, assistant resident manager; Tito Arboleda, security manager; Esteban Gatbonto, security/doorman; at Hannah Araneta, front desk/counter personnel.

 

 

Hindi naman kinasuhan ng CIDG ang mga close contact ni Chua pero inirerekomenda at hinihikayat nila ang mga ito na maghain ng reklamo laban sa dalaga.

 

 

Base sa CCTV ­footage, sinundo si Chua ng kanyang ama noong ­Disyembre 22 at bandang alas-9 ng gabi na noong Disyembre 25 bumalik ng hotel  sa tulong ng kanyang ina.

 

 

Dagdag pa ni Silvio, dapat ay agad na inireport ang ginawa ni  Chua upang agad na na-­quarantine.

 

 

Samantala, sinuspinde na ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation ng Berjaya at binawi rin ang permit bilang Multiple-Use Hotel dahil sa kabiguan na mapigilan si Chua.

 

 

Pinagmulta rin ang Berjaya na katumbas ng doble ng rack rate ng pinakamahal nitong kuwarto.

 

 

May 15-working days ang hotel na umapela sa isinilbing desisyon ng DOT.

 

 

Sinabi ng DOT na ang public apology ng Berjaya ay isang pag-amin sa insidente at sa kanilang pagkukulang na gawin ang responsibilidad.  (Daris Jose)

“No vaccine, no ride” policy suportado ng DOTr

Posted on: January 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Binigyang suporta ng Department of Transportation (DOTr) ang polisia na pinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bawal ang mga unvaccinated na individuals ang lumabas ng kanilang tahanan.

 

 

Kung kaya’t bilang pagsuporta ng DOTr, hindi rin puwedeng sumakay ang mga pasaherong wala pang bakuna.

 

 

“The DOTr and its attached agencies shall closely coordinate with the MMDA on the enforcement of the said policy. We cannot let our guard down. We must remain vigilant so we can reverse the uptick of cases in the country,” wika ni DOTr Secretary Arthur Tugade.

 

 

Dagdag pa niya na ang polisiang ito ay pinatutupad hindi upang maging isang pasakit sa mga mamayan kung hindi ay upang mabigyan ng proteksyon ang sambayanan laban sa COVID-19.

 

 

Sa kabilang dako naman, sinabi rin ni Tugade na mananatiling bukas ang NLEX Bus Terminal kahit na nagbigay ng kanilang appeal ang mga pasahero na payagan ang mga provincial buses na gumamit ng kani-kanilang terminals sa EDSA.

 

 

Ang nasabing mandatory na paggamit ng Integrated Terminal Exchange sa parehas na north at south ng Metro Manila ay naaayon sa mandato ng IATF Resolution No. 101.

 

 

“The same is still existing and in effect. The same is also strongly supported by the MMDA. Until the IATF resolution is rescinded or nullified, the use of the north and south ITX terminals remains valid,” saad pa rin ni Tugade.

 

 

Bago pa man magkaron ng pandemya, mayroon 85 na operasyonal na terminals sa Metro Manila at 47 doon ang nasa EDSA.

 

 

Ayon pa rin kay Tugade na lumalabas sa isang obserbasyon na kahit wala pa ang pandemya, ang mga punong-punong mga pasilidad katulad ng mga terminals kung saan madaming tao na galing kung saan-saan ang nagtitipon-tipon ay siguradong magiging isang sanhi ng pagkalat ng mga viruses.

 

 

“Reopening private terminals along EDSA means authorizing 85 potential sites of viral transmission for the Filipino commuters,” sabi ni Tugade.

 

 

Samantala, ang DOTr naman ay magkakaron ng random antigen testing para sa mga sumasakay sa mga rail lines na gustong sumailalim sa nasabing testing.

 

 

“As part of the heightened implementation of health measures in all rail lines, the DOTr will conduct random antigen testing of consenting and volunteering passengers,” ayon kay Tugade.

 

 

Ang pasahero na nagboluntaryo na magpa testing ay maaari na rin makasakay pagkatapos ng testing at bibigyan na lamang sila ng results sa pamamagitan ng text message.

 

 

Paiigtingin rin ang paglalagay ng mga train marshalls upang masiguro na sinusunod ng mga pasahero ang mga health protocols sa loob ng mga bagon at estasyon nito. Ang mga bagon, platforms, estasyon at depots ay sumasailalim sa parating disinfection at ang mga empleyado ay kinakailangan rin na sumailalim sa antigen testing regularly.  LASACMAR