SA APARTMENT ni Madam Lucia. Ilang mahihinang katok ang nagpalingon sa kanya sa pintuan. Humugot muna siya ng malalim na paghinga bago binuksan ang pinto. Bumungad ang dalaga niyang apo na si Cecilia.
“Cecilia, paano mo nalamang dito na ako nakatira?”
“Una sa lahat, Cecille, hindi Cecilia. Pangalawa, alam mo namang hindi mo ako mapagtataguan lola.”
“Ikaw na rin ang nagsabi na ayaw mo akong makasama diba?”
“La naman, syempre joke lang ‘yon, hindi ka pa rin ba nasanay sa’kin?”
“Sanay na sanay na nga ako sa katigasan ng ulo mo, kaya nagsasawa na akong pagsabihan ka.”
“Okay fine. Basta dito muna ko.” sabay lapag ng dalaga sa bag niya sa maigsing sofa.
“Nag-away na naman ba kayo ng papa mo?”
“Lagi naman eh. Pagdating talaga ni mama, malalagot ‘yan si papa…”
Nilapitan ni Madam Lucia ang apo at hinawakan sa balikat.
“Dalaga ka na. Hindi na ikaw ‘yung batang musmos na palasumbong. Kaysa magmarakulyo ka lagi sa papa mo, mas pagtuunan mo ng pansin ang sarili mo.”
Hindi kumibo si Cecilia. Sa halip ay inalis nito ang kamay ng lola niya sa balikat niya.
Umaga.
Nagmulat ng mata si Angela. Kakaiba ang nararamdaman niya. Para siyang nahihilo na hindi niya mawari. Dahan dahan siyang bumangon. Gigisingin sana niya si Bernard pero mas pinili niyang tunguhin na lang ang kusina. Saktong sakto lamang pagharap niya sa lababo ay napaduwal siya.
“GWAAARK!”
Matapos magsuka ay nasapo ni Angela ang noo. Pinakiramdaman niya ang sarili. Mula sa kusina ay tinungo naman niya ang silid ng nag-iisa nilang anak na si Bela. 4 years old na ito. Tinabihan niya ito sa higaan at niyakap habang nahihimbing pa ito.
Nang araw ding iyon matapos makapasok sa trabaho ni Bernard ay nagpunta naman si Angela sa kakilala niyang ob.
RIIINNG!
Dinampot ni Cecilia ang cellphone.
“Tropa, Villa Luna Subdivision tayo, sama ka ba?” tinig ng isang lalaki ang nasa kabilang linya.
“Gusto ko na sanang magbagong buhay eh…”
“Naku naman, kalimutan mo muna ‘yang drama mo, malaking atik ‘to. Alam mo namang ikaw ang asset namin sa grupo!”
Hindi umimik si Cecilia.
“Tropa ano? Teka nakalimutan mo na yata na may kulang ka pa sa aming kuwarenta mil, ‘yung pinangpaopera ng lola mo!”
Saglit na nag-isip ang dalaga bago muling sumagot.
“Oo na, sige na. Pero itong lakad na ito, ito na ang magiging kabayaran ko sa utang ko maliwanag ba ‘yon?”
“Okay. Sana lang umabot ng kuwarenta ang makukuha natin doon!”
Inis na pinatay na ni Cecilia ang phone niya.
Gabi.
Kinabahan si Bernard nang mula sa gate ay makitang patay ang mga ilaw ng kanilang bahay sa first floor. Madilim ang mga bintana maliban sa kuwarto nila sa itaas. Agad niyang idinial ang numero ni Angela.
“Come on sweetheart, sagutin mo…”
Pero puro ring lang ito. Nag-alala siya para sa kanyang mag-ina.
Kinuha ni Bernard ang tinatago niyang baril sa upuan ng kotse at saka marahang humakbang palapit sa kanilang pintuan. Nang nasa harap na siya ng pinto ay unti-unti niyang pinihit ang seradura upang malaman kung nakabukas ito. Lalo pa siyang kinabahan nang matiyak na nakabukas nga ito. Agad niya itong binuksan at itinutok ang baril sa loob.
Nang biglang mabuhay ang ilaw at sumabog sa harap niya ang mga confetti.
“CONGRATULATIONS!” sabay sabay na bati nina Angela, Bela at Lola Corazon.
“T-Teka, sweetheart, pinakaba mo ako ng husto, para saan ito at sino ang sumundo kay Lola Corazon?” naguguluhang tanong ni Bernard.
“Si Lola Corazon pinasundo ko sa driver nating si Mang Delfin. At ‘yung congratulations naman ay dahil dito!” sabay abot ni Angela ng pregnancy test sa asawa.
Nanlaki ang mga mata ni Bernard. Malinaw ang dalawang pulang guhit doon.
“M-Magkakaroon na tayo ng bunso?” hindi makapaniwalang tanong nito.
Isang matamis na ngiti at pagtango ang itinugon ni Angela. Agad siyang binuhat ni Bernard at isinayaw sayaw sa hangin.
“YES! THANK YOU LORD! MAGIGING DALAWA NA ANG ANAK NAMIN, SANA PO JUNIOR NA ITO!” at saka nito pinupog ng halik ang asawa.
“Sweetheart, pwede pakitago mo na ‘yang baril mo, baka pumutok eh!”
“Sorry sweetheart, sige itatago ko muna!”
Isinuksok ni Bernard ang baril sa likod ng pants niya at saka binuhat at hinalikan din ang anak, pagkatapos ay si Lola Corazon naman ang nilapitan at mahigpit itong niyakap.
“Lola, magkakaroon ka na ng pangalawang apo sa tuhod!”
“Masaya ako para sa inyo ni Angela. Sa wakas ay magkakaroon na ng kalaro si Bela!”
“Sweetheart. Lola, tara po sa kusina at pagsaluhan na natin ang inihanda kong espesyal na putahe! Ang paborito ni Bernard na buttered shrimp at ang favorite naman ni Lola Corazon na sinigang na panga ng tuna!”
“Napaka-sweet mo talaga Angela. Talagang ang mga paborito namin ang niluto mo, dapat ay sinamahan mo rin ng paborito mong fried chicken!” tuwang tuwang sabi ng matanda.
“Kaya nga hindi ako nagsisisi lola na ipinagtulakan nyo sa akin itong si Angela noon!” biro naman ni Bernard.
Nang gabing iyon, habang nahihimbing na sila ng tulog ay hindi nila namalayan ang pagdilim ng paligid.
Lingid sa kanila ay nasa kinaroroonan ng main switch ng kanilang bahay si Cecilia at siyang kumakalikot niyon.
(ITUTULOY)