PINUPURI ng netizens ang pagganap ni Maricel Laxa bilang ang common-law wife na si Valerie Lim sa GMA primetime teleserye na Mano Po Legacy: The Family Fortune.
Sa mga tagahanga pa rin ng award-winning veteran actress, hindi pa rin daw nawawala ang husay ni Maricel sa pag-arte na hinangaan nila noon sa mga pelikulang Iisa Pa Lamang at Ikaw Ang Lahat Sa Akin.
Natutuwa ang netizen sa pagiging ganid sa pera at pakikipagtarayan ni Maricel kay Sunshine Cruz. Pero may kahinaan din ang character niya dahil sa hindi magandang family background na kanyang tinatago.
Nasabi na noon ni Laxa na homecoming niya ang teleserye with GMA dahil nagsimula siya sa GMA Supershow ni Kuya Germs at doon nagsimula ang lahat sa kanya.
“Para akong nabalik sa magagandang memories of my beginnings. I never imagined that I would be here in this season of my life. Hindi ko ine-expect na in this season of my life na mayroon pa rin akong projects in showbiz.
“Kasi sa totoo lang hindi na ito ‘yung parang ini-imagine ko para sa sarili ko, I’m very content where I am, I am just so happy seeing and supporting my children doon sa mga ginagawa nila on and off screen,” sey pa ng aktres.
Ang anak daw niyang si Donny Pangilinan ang nag-convince sa kanya na tanggapin ang ‘Mano Po’ teleserye.
“Unang-una dati niya akong pinipilit na mag-say yes pero hindi ko rin sila masisisi na pilitin ako kasi kung may magagandang projects na dumadating, parang hindi rin naman tama na mag-no ako di ba?
“Kasi kahit papaano pala, once na nasa dugo mo ang showbiz parang tumatalon ‘yung dugo pag ka may darating na isang bagay na alam mo na tama para sayo,” diin pa niya.
Thankful din si Maricel na hindi lang mga beterano sa showbiz ang nakakatrabaho niya kundi mga baguhan din tulad nila Barbie Forteza, David Licauco, Rob Gomez, Nikki Co at iba pa.
***
INAMIN ni Faith Da Silva na may isang bagay na iniuwi siya mula sa set ng teleseryeng Las Hermanas na nagtapos na noong nakaraang linggo.
Nauwi raw ni Faith ay ang portrait ng character na si Carla Illustre na unang asawa ni Lorenzo (Albert Martinez) na kamukhang-kamukha niya.
Inakala ng mga televiewers na nasira ang buong portrait sa isang eksena ng Las Hermanas. Pero ang totoo ay hindi ito nasira at natanggal lang daw sa frame. Kaya noong hingin daw ito ni Faith sa production, binigay daw sa kanya bilang souvenir.
Sey ni Faith na hindi raw niya malilimutan ang unang pinagbidahan niyang teleserye kunsaan nakasama pa niya sina Yasmien Kurdi, Thea Tolentino at Albert Martinez.
Bukod sa mahuhusay na artista, napabubuting tao rin daw ang mga nakatrabaho niya sa serye.
“Outside sa work hindi mo maitatanggi kung gaano sila kababait na mga tao. Para akong nakaroon ng mga bagong kapatid kina Yasmien at Thea,” sey ni Faith na mukhang magiging regular na sa sitcom ni John Lloyd Cruz na Happy ToGetHer.
***
NAG-CELEBRATE ng kanyang kaarawan si Super Tekla na hindi niya kapiling ang dalawang anak na sina Aira at Angelo.
Ang kanyang 12-year old daughter na si Aira ay bumalik na sa lola nito sa Bacolod. Nagpadala naman ito ng birthday message sa kanyang tatay sa programa nitong The Boobay And Tekla Show.
“Hindi porke umalis ako diyan hindi na kita mahal. Mahal na mahal kita daddy. Kailangan ko lang umalis [para] ‘di na rin ako makaabala sa trabaho mo. Magkikita rin tayo soon, daddy,” mensahe ni Aira.
Paliwanag ni Tekla na pinayagang bumalik sa Bacolod ang anak dahil hirap daw itong maka-adjust sa Maynila. Nami-miss daw nito ang kanyang lola at mga pinsan, pati na ang kanyang mga kaibigan sa school.
“Na-culture shock ang anak ko. Akala ko makakapag-adjust siya sa pagbabago ng paligid niya. Hindi ko na -realize na nilayo ko siya sa lugar na nakasanayan niya. Pati kasi sa pagkain, marami siyang hindi gusto dito sa Manila.
“Kaya ‘nak hindi kita inoobliga na pahalagahan mo ako, just ano lang, connect lang sa akin. Kung anong problema mo, nandito lang ako. Just chat me,” emosyonal na mensahe ni Tekla kay Aira.
Ang kanyang bunsong anak na si Angelo naman ay nasa ex-girlfriend niyang si Michelle Banaag. Birthday wish ni Tekla na bumuti na ang kalagayan ng kanyang bunso.
“Magiging kampante lang ako at masaya ako na parang makakatulog akong maayos kapag nakikita ko yong anak kong si Angelo na stable at maayos.”
(RUEL J. MENDOZA)