BUHAY si Angela. Ang ama ni Roden na si tatang ang nakapagligtas sa kanya mula sa trahedya ng malaking pagbaha. Si Roden, ang dating kaopisina at kaibigan ni Bernard na may malaking pagkagusto kay Angela noon pa man kahit na sa pagkakaalam niya ay kasambahay lang ito ni Bernard. Walang nabago sa damdamin ni Roden para kay Angela. Sa muli niyang pagkakita rito ay tila mas lumalim pa ang pagmamahal na matagal na panahon din niyang kinikimkim.
Pinalabas na niya ng silid ang ama at siya na lamang ang sumubok na magpakain kay Angela.
Naiiling naman si tatang habang palabas ng pintuan. Nagsisisi siyang sinabi pa niya kay Roden na nailigtas niya si Angela. Ngayon ay hindi niya malaman ang gagawin. Naninimbang siya sa pagitan nina Roden at Bernard. Kung sino sa kanila ang pagmamalasakitan niya. Anak niya si Roden at batid niya ang kaligayahang maihahatid ni Angela sa buhay nito. Subalit sa isang sulok ng kanyang puso ay inuusig naman siya ng kanyang konsensya para kay Bernard na siyang tunay na nagmamay-ari sa puso ni Angela. Kailangan niyang magdesisyon bago pa mahuli ang lahat.
Pero bago pa man makapagdesisyon si tatang ay nakapagdesisyon na si Roden. Madaling araw nang lisanin niya ang bahay ng kanyang ama kasama si Angela na nananatiling tulala.
Sakay ng isang bangka patungo sa isang isla ay nag-iisip ng malalim si Roden.
“Hindi ko pa maiiwan ang trabaho ko kaya hindi pa tayo pwedeng mangibang bansa. Pansamantala, itatago muna kita sa isla. Kapag naayos ko na ang mga dokumento mo at sapat na ang ipon ko para makaalis sa trabaho, wala ng makakapigil sa atin Angela. Lalayo tayo sa lahat. Tayong dalawa lang ang magsasama at walang makakaagaw sa’yo sa akin…”
Nakatitig lang si Angela sa dagat. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang anak. Maya-maya’y unti-unting nangilid ang kanyang mga luha.
“B-Bela…”
Nakita niya si Bela sa imahinasyon niya. Kumakawag ito sa tubig. Sumisigaw ng mommy. Sumisigaw ng daddy. Humihingi ito ng tulong.
“Bela…Bela…”
Nakita niyang nahihirapan sa paghinga ang kanyang anak. Pilit niyang inaabot ang kamay nito subalit patuloy lamang silang pinaghihiwalay ng agos ng tubig.
“Bela, anak…”
Parang sasabog ang dibdib niya sa eksenang iyon. Lumuluha ang kanyang puso at kaluluwa sa nakikitang imahe ng anak.
“BELAAAA!”
Nagulat si Roden at mga kapwa nila pasahero sa bangka nang biglang tumalon sa tubig si Angela.
“ANGELAAA!” sigaw ni Roden.
Mabilis na tumalon si Roden upang sagipin ang babae. Nakuha naman niya ito agad mula sa tubig at dagling iniahon sa bangka.
“Bitiwan mo ‘ko, si Bela, kailangan ni Bela ng tulong, kailangan niya ng tulong ko, ililigtas ko siya!”
Hinawakan ni Roden sa magkabilang braso si Angela.
“Makinig ka sa’kin Angela, wala na si Bela, wala na ang anak mo!”
Umiling ang babae.
“Hindi, hindi totoo ‘yan, buhay ang anak ko, buhay siya, buhay siya!”
Patuloy na naghisterical si Angela habang isinisigaw ang pangalan ng anak. Walang magawa si Roden kundi yakapin na lang ito nang mahigpit upang hindi na muling makatalon sa tubig. Ang mga kasakay nila ay mga nakatingin lang na para bang nanonood ng isang eksena sa pelikula. Walang ni isa man na naglakas loob para mag-usisa.
“BELA, BELAAA!”
Nang makarating sila sa isla ay wala pa ring ibang bukambibig si Angela kundi si Bela. Hanggang sa makatulugan na niya ito sa bahay na kanilang tinuluyan.
Kausap ni Roden sa salas ng bahay ang tiyahin niyang si Manang Fe.
“Roden, sino ba ang babaeng ‘yan, asawa mo ba siya?”
“Asawa ng dati kong ka-opisina.”
Napakunot ang noo ng matanda.
“Ano kamo?”
“Mahabang kwento Manang Fe. Basta, ang masasabi ko lang, ako ang unang nagmahal sa kanya at ako rin ang huling lalaking magmamahal sa kanya.”
“Teka, alam ba ng tatang mo ito?”
“Opo. Ang bilin niya, huwag nyo na lang daw ipagsabi kahit kanino ang tungkol dito.” pagsisinungaling ni Roden.
“Hay nakung bata ka, baka mamaya ay ikapahamak natin ‘yan?”
“Ikaw talaga manang oh masyado kang nerbiyosa. Ilang araw akong mawawala para asikasuhin ang trabaho ko. Ikaw na muna ang bahala kay Angela. Ako na ang bahala sa panggastos nyo. Basta sundin nyo lang po ang mga ibibilin ko sa inyo. Sa ngayon, magpapahinga na rin muna ‘ko.”
Sa silid na ipinahiram ni Manang Fe kay Angela, doon din nahiga si Roden. Pero wala pa siyang balak na galawin ito. Ayaw niyang may mangyari sa kanila na wala pa sa wisyo ang babae. Patutunayan niya na makakaya rin siya nitong mahalin ng higit sa pagmamahal nito kay Bernard. At kapag nangyari na ‘yon, siya na ang magiging pinakamasayang lalaki sa buong mundo. Aangkinin niya si Angela sa lahat ng oras na gusto niya. Sa ngayon, wala siyang ibang gustong gawin kundi titigan ito sa buong magdamag habang ito’y nahihimbing, hanggang sa makatulugan na rin niya.
Bumungad sa pintuan si Madam Lucia na basang basa habang itinitiklop ang payong.
“Lola, saan ka galing?”
“Nagservice ng hula sa kabilang bayan. Hay naku, ang mga tao nga naman, papupuntahin ka roon para magpahula , pero hindi naman paniniwalaan ang sasabihin mo tapos babayaran ka ng kakarampot. Aba’y mahal pa ang ipinamasahe ko patungo roon kaysa sa ibinayad sa akin eh…uho! Uho!”
“Kasi naman tigilan nyo na ‘yang hula hula na ‘yan. Huhulaan ko, magkakasakit ka ngayon at hindi ka iinom ng gamot dahil mas pipiliin mong ipambili ng pagkain natin ang ipambibili mo ng gamot, tama ba lola?”
Napatingin si Madam Lucia sa apo bago nagsalita.
“Aba, mukhang namana mo ang galing ko sa panghuhula ah. Tama ka naman apo. Pero ganoon talaga. Mas pipiliin mong lamnan ang kumakalam na sikmura kaysa sa mga gamot gamot na ‘yan.”
“Makakakain ka nga pero matetegi ka rin naman sa sakit mo. Kapag nakakita na ako ng trabaho, ipangako mo lola na dito ka na lang sa bahay.”
“Kung talagang gusto mo ng trabaho, sundin mo na ang sinasabi ko, humingi ka ng tulong kay Bernard.”
Hindi umimik si Cecilia. Pero pinag-iisipan na niya ang sinabi ng matanda.
Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang nakatayo sa harapan ng bahay nina Bernard. Nagdadalawang isip pa rin siyang humingi ng tulong dito. Tumututol ang isip niya pero may bahagi itong nagsasabi na bakit hindi niya subukan?
Pikitmata siyang nagdesisyon. Marahan siyang humakbang patungo sa gate. Nagtaka siya kung bakit nakabukas ito. Tumuloy na lang siya at saka kumatok sa nakasarang pinto. Ilang beses din siyang kumatok bago ito bumukas.
“Angela?” bungad ng lasing na si Bernard.
(ITUTULOY)