NAKAPAGBIBIGAY ng lakas ng loob sa mga filipino ang resulta ng bagong Social Weather Survey (SWS) na nagpapakita ng pagbaba ng vaccine hesitancy at skepticism o pag-aalinlangan.
Napaulat kasi ang patuloy na ang pagbaba ng mga nag-aalinlangan na magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, walong porsiyento na lang ng adult Filipinos ang duda sa immunization, kumpara sa 18 percent noong September 2021.
Ayon sa SWS, ang survey na isinagawa mula December 12 hanggang 16, 2021, lumalabas na mula sa eight percent na ayaw magpabakuna, isa ang nagsabi na siya ay posibleng hindi magpapabakuna, habang ang pito porshento ay nagsabing “surely not.”
Ang vaccine hesitancy ay bumaba ng nine percentage points sa Visayas, mula sa 24 percent noong September 2021 sa 15 percent noong December; at seven percentage points sa Luzon, mula sa 15 percent noong September 2021 sa eight percent noong December.
Lumalabas din sa survey na ang Metro Manila ang may pinakamababang vaccine hesitancy drop, mula sa seven percent noong September 2021 sa four percent noong December.
“Senyales ito ng matagumpay nating pagtutulungan, tayong lahat—kayo na nasa media na nagbibigay ng tamang impormasyon, and then of course government making sure na nandyan yung supplies sa lahat ng regions at ginagawa po natin ang lahat ng hakbang para maging accessible po ang bakuna sa lahat ng areas dito sa ating bansa, and of course, ang taong bayan,” ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Binigyang diin ni Nograles ang kahalagahan ng pagtutulungan at kooperasyon ng lahat sa pagkumbinsi sa mga natitirang unvaccinated population na magpabakuna laban sa Covid -19.
Hinikayat ni Nograles ang publiko na kumbinsihin ang mga taong personal nilang kilala na hanggang ngayon ay nag-aalinlangan na magpabakuna na magpabakuna na laban sa COVID-19.
“Malinaw po na habang dumadami po ang nagpapabakuna at nakikita ng ating mga kababayan na mabisa at ligtas ang mga ito, anuman brand ito, bumababa po ang tinatawag na vaccine hesitancy,” ani Nograles.
Ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard, “as of January 20, 2022,” mahigit sa 56.8 milyong indibiduwal ang fully vaccinated na ngayon at 65 milyon naman ang nakatanggap ng kanilang first dose ng bakuna.
May kabuuang 122,321,531 vaccine doses naman ang naiturok sa buong bansa “as of January 20, 2022,” kabilang na ang 5.87 milyong booster doses ang naiturok.
Samantala, sa kabila ng availability ng mga bakuna sa bansa, may malaking bilang pa rin ng mga indibiduwal ang nananatiling unvaccinated, dahilan para ang national government at ilang local government units ay magpatupad ng mobility restrictions sa hanay ng mga unvaccinated, gaya ng “No Vax, No Ride policy.”
Inulit naman ni Department of Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr., resource person sa isinagawang press briefing, ang No Vax No Ride policy ay ipinatutupad lamang sa Kalakhang Maynila habang ang National Capital Region ay nasa ilalim ng Alert Level 3, o kung ang isang lugar ay nasa Alert Level 4 o 5.
Binigyang diin ni Usec. Tuazon na ang mga unvaccinated workers na papayagan na sumakay sa public transportation ay kailangan na kabahagi o kabilang sa mga industriya na pinapayagan na mag-operate sa ilalim ng Alert Level 3
Kaugnay sa nasabing polisiya, binalaan naman ng Malakanyang ang publiko sa false information hinggil sa tinatawag na COVID-19 “Vaccination Exemption Cards,” na di umano’y maaaring gamitin ng mga unvaccinated para maging exempted mula sa “stay-at-home orders” at payagan ang mga ito na gumamit ng public transportation.
“Hindi po totoo. Wala pong ganun. No document like this is being issued by government. Kung may mga taong mag-aalok sa inyo ng ganitong card, agad makipag-ugnayan sa mga otoridad sa inyong lugar at isuplong ang ganitong gawain. Pwede rin pong tumawag sa hotline 8888 para isumbong ang ipinagbabawal na gawaing ito. Maliban sa peke, hindi po ito nakakatulong sa ating laban kontra COVID-19,” diing pahayag ni Nograles.
Idagdag pa, sinabi ni Nograles na sa halip na maghanap ng COVID-19 “Vaccination Exemption Cards,” hinikayat ng gobyerno ang mga unvaccinated individuals na magpabakuna.
“Ito ang alok sa inyo ng inyong pamahalaan: libreng bakuna kontra COVID-19. Dito ka na sa totoo. Dito ka na sa ligtas, epektibo, at libreng bakuna—anuman ang brand ng mga ito,” ayon kay Nograles.
Samantala, para makatulong na matugunan ang tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa bansa, hinikayat ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang publiko na maayos na magsuot ng face mask upang mabigyan ang magsusuot nito ng “maximum protection,” pumili ng face masks na makapagbibigay ng maximum filtration, tiyakin na ang face mask ay “properly fitted,” regular na palitan ang face mask at alamin ang tamang impormasyon sa pagsusuot ng face mask. (Daris Jose)