KAPWA nabuhay ang pag-asa sa mga puso nina Angela, Bernard at Andrea nang matagpuan nila ang dalaga sa harap ng dati nilang tahanan. Agad silang nagpa-DNA upang makasiguro sa katotohanang inaasam nila.
Nang maiabot na ng doktor ang resulta ng DNA test ay agad binasa ni Angela ang hulihang bahagi nito.
Natigilan siya at saglit na natulala.
Nagkatinginan sina Bernard at Andrea. Kapwa pigil ang hiningang hinihintay ang sasabihin ni Angela.
Nanginginig ang mga kamay na unti-unting ibinaba ni Angela ang hawak na papel. Kasabay nito ay ang mabilis na pag-agos ng luha sa kanyang mga mata. Tumingin siya kay Bernard. Pagkatapos ay marahang lumipat ang tingin niya kay Andrea.
Humakbang ang mga paa niya palapit dito.
Pakiramdam ni Andrea ay hindi siya makahinga. Parang may mabigat na bagay na nakadagan sa kanyang dibdib o may malaking harang na pumipigil sa pagtibok ng kanyang puso.
Buong pusong niyakap ni Angela ang dalaga.
“I’m sorry Andrea…I’m sorry…”
Agad napayuko si Bernard sa narinig mula sa asawa. Ibig sabihin ay bigo na naman sila.
Napaiyak na rin si Andrea sa binigkas ni Angela. Pero tinugunan pa rin niya ang yakap nito.
“Ok lang po ma’am, okay lang po kahit hindi ako si Bela, hindi ako ang anak nyo…masaya pa rin po ako na nakilala ko kayo…” marahang kumalas si Andrea mula sa yakap ni Angela.
Ngunit nagpatuloy si Angela sa pagitan ng kanyang pagluha at garalgal na boses.
“I’m sorry…I’m sorry Andrea…aking Bela, sa mga panahon na wala kami sa tabi mo…sa mga panahon na kinailangan mo ng magulang pero hindi mo kami matagpuan…I’m sorry sa mga panahon na nasugatan ka, nagkasakit ka, nangulila ka sa yakap ng isang tunay na ama at ina…patawarin mo ako anak noong araw na nabitawan kita sa gitna ng malaking pagbaha…mula nang mawala ka, walang araw na hindi kita inisip…at sa tuwing maiisip kita, paulit-ulit na namamatay ang puso ko…”
Hindi makapaniwala si Andrea. Nanlaki ang mga mata niya at sa wari niya’y tumindig ang kanyang mga balahibo dulot ng hindi maipaliwanag niyang emosyon sa mga sandaling iyon.
Nilapitan ni Bernard ang kanyang mag-ina at hindi rin napigilan ang mapaluha sa pagyakap niya sa pinaka-emosyonal at masayang pangyayari sa kanilang buhay. Ang araw na muling binuo ni Lord ang kanilang pamilya.
Mahigpit, punumpuno ng pagmamahal at pananabik ang yakap na iginawad ng mag-asawa sa kanilang si Bela.
“Bela, anak ko!” umiiyak na sabi ni Angela.
“Hindi po ako makapaniwala…hindi ko po alam ang sasabihin ko…basta masayang masaya po ako, ito na ang pinakamasayang araw sa buhay ko…ang makita at makasama ko kayo…bilang tunay kong mga magulang…huwag po kayong humingi ng sorry sa mga nangyari, hindi nyo po iyon ginusto…”
Sa kabila ng kasiyahang nag-uumapaw sa puso ay nag-aalangan si Andrea kung ano ang itatawag niya sa tunay niyang mga magulang.
“Bela anak, tawagin mo kaming daddy at mommy tulad ng tawag mo sa amin noong maliit ka pa.” ani Bernard.
“D-daddy…m-mommy…” lumuluha pa ring sabi ni Andrea at muling humilig ng yakap sa ina. At pagkatapos ay sa ama.
Nagpahid din ng luha ang doktor dahil sa eksenang kanyang nasaksihan.
Mula roon ay dumiretso sila sa isang pinakamalapit na restaurant at cinelebrate ang resulta ng DNA test.
Hindi magkandaugaga ang mag-asawa sa pag-aasikaso kay Andrea. Gusto sana nilang kasama na nila ito sa kanilang pag-uwi ngunit tumanggi ang dalaga.
“Mommy, daddy, gusto ko lang muna po sanang magpaalam ng maayos sa mga amo ko, kay Sir Jeff at sa mga magulang niya…at saka gusto ko rin muna pong puntahan yung tao na sumalo sa akin matapos akong mawalan ng pangalawang mga magulang…gusto ko pong ibalita sa kanya na natagpuan ko na po kayo.”
“Teka, bakit hindi mo kami isama sa kanila lalo na roon sa sinasabi mong tumulong sa’yo. Gusto rin namin silang makilala.” ani Bernard.
“Ahm, sa ibang pagkakataon na lang po. Hayaan nyo pong ako na lang muna ang kumausap sa kanila.”
Hinawakan ni Angela ang kamay ni Bela.
“Bela anak, sige, kung iyan ang desisyon mo, basta hihintayin ka namin, ipapakita namin sa’yo ang restaurant na ipinangalan namin sa’yo. Maraming marami pa tayong gagawin, maraming pag-uusapan, sabik na sabik na kaming makasama ka!”
“Ako rin naman po eh, may ilang bagay lang muna po akong aayusin. At pagkatapos magkakasama na po tayo sa iisang bubong. Sabik na rin po akong makita at makasama ulit si Lola Corazon na sabi nyo po ay palaging nananalangin na mabuo tayong muli.”
“Tama. Naisip ko na magprepare tayo ng party para sa pagbabalik ni Bela. Tapos ay imbitahan mo Bela ang kumupkop sa’yo at lahat ng mga gusto mong imbitahan.” suggest ni Bernard.
“T-talaga po?”
“Oo Bela, gusto namin makabawi sa’yo sa mga panahon na ipinagkait sa atin ng tadhana. At isa pa, dadalawin natin si Janine, siguradong matutuwa siya.” nakangiting sabi ni Angela.
“Opo, siguradong sigurado po ako na mapapangiti siya mula sa langit…”
Pinaghalong saya at lungkot ang naramdaman ni Bela nang makabalik sa bahay ng kanyang amo. Alam niya kasi na hindi na magtatagal at kakailanganin niyang umalis na rito at sumama sa kanyang mga magulang. Nangangahulugan iyon na magkakalayo na sila ni Jeff.
Nasa gitna siya ng pagmumuni-muni habang pabalik sa kanyang kuwarto nang magulat siya sa pagkalabit ni Manang Sonya.
“Ay kalabaw na hinog!”
“Asus, masyado ka namang magugulatin bata ka, dumating ang mag-asawa kaya magmadali ka at tulungan mo ako sa kusina, kanina pa nga kita hinihintay eh!”
“Ay gano’n po ba, biglaan yata ang pagdating nila, sige po tara na sa kusina, mamaya na lang ako magbibihis!”
Sa isip ng dalaga, timing ang pagdating ng mga magulang ni Jeff dahil makakapagpaalam na siya sa mga ito.
Matapos mapagsilbihan sa dinner ang mga amo ay tumiyempo na si Andrea na makapagpaalam sa mag-asawa. Nabigla ang mga ito sa sinabi niya tungkol sa sariling mga magulang. Ngunit hindi naman sila humadlang sa bagong kapalaran ni Andrea at masaya raw sila para sa dalaga.
Subalit ang usaping ito ay inilihim na lang ni Andrea kay Jeff.
Lihim niya itong minamasdan habang nasa pool. Inaalala niya ang gabing nagdulot sa kanya ng magkahalong tamis at pait sa unang karanasan niya sa piling nito. Napangiti siya dahil sigurado siyang habambuhay ng tatatak sa isipan niya ang pangyayaring iyon. Kahit pa ang namagitan sa kanila ay balewala lang sa lalaki.
Tumalikod na siya at iniwan ito. Lingid sa kanya ay habol tanaw siya ng binata, alam kasi nitong naroon lang siya sa isang sulok at nakamasid.
Araw na ng pag-alis ni Andrea sa malaking bahay. Kung meron mang nalulungkot sa kanyang pag-alis iyon ay si Manang Sonya na naiyak din sa kuwento niya.
“Andrea, bumalik balik ka pa rin dito ha, dalawin mo ako, ngayon pa lang nami-miss na kita!”
“Huwag kang mag-alala Manang Sonya, palagi kitang tatawagan saka pag may pagkakataon pupuntahan talaga kita!”
“Sige pangako mo ‘yan ha, gusto ko ring makilala ang napakasuwerteng mga magulang mo!”
“Opo, promise!”
Palabas na siya sa pintuan nang mula sa labas ay humarang si Jeff.
“Sir…”
“O, may bitbit ka pang bagahe, saan ka na naman maglalakwatsa, pinag-day off ba kita?”
“Ahm…aalis na po ako sir…”
“Anong aalis?”
“Nagpaalam na po ako kina ma’am at sir…”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Padaanin mo na lang ako sir…magkakaroon naman po kayo ng bagong kasambahay eh…kailangan ko na pong umalis.”
Inis na hinawakan ni Jeff sa braso ang dalaga.
“Bakit, nasulsulan ka ba ni Jared? Pagsinabi kong hindi ka aalis, hindi ka aalis, dito ka lang sa tabi ko maliwanag ba?”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay binawi ng dalaga ang braso niyang hawak ng binata at matapang na sumagot.
“Serbisyo ko lang po ang binayaran nyo, hindi ang buo kong pagkatao. Pero simula sa araw na ito, hindi nyo na po ako kasambahay kaya wala ka na pong karapatan na pigilan ako sa pag-alis ko. Salamat sa lahat Sir Jeff.” Pagaksabi niyon ay humakbang na si Andrea at nilampasan ang binata.
Napakunot noo si Jeff.
“ANDREA! ANDREA!” sigaw nito. Pero hindi na siya nilingon ng dalaga.
(ITUTULOY)