“ANDREA, akala mo ba porke’t nagbihis ka na ng maganda at naglagay ka ng mga kolerete sa mukha e mag-iiba na ang tingin ko sa’yo? Ikaw pa rin ang Andrea na nakilala ko. Simple, tahimik at mahal ko.”
Nabigla si Bela sa huling tinuran nito.
“M-mahal?”
“Ano ka ba, bingi, manhid o tanga? Ang sabi ko mahal kita.” pabulong pero madiin ang pagkakasabi ni Jeff.
Daig pa ni Bela ang natuklaw ng ahas. Hindi siya makagalaw. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang saya. Pero agad din siyang nahimasmasan nang maisip na baka pinapasakay lang siya ng binata.
“Alam mo okay lang kahit huwag ka nang sumagot, basa na kita, kita ko na sa mata mo na mahal mo rin ako. Dinig ko rin kung ano ang isinisigaw ng puso mo, Sir Jeff tama ba?” nangingiting anang binata. “Sa sobrang lakas nga malamang nadinig din ni Jared!”
Bahagyang dumistansya si Bela kay Jeff.
“Alam mo ang kapal ng apog mo. Pwede ba Sir Jeff, hindi porke’t may nangyari na sa atin e mahal na kita at pag-aari mo na’ko. Walang gano’n, kaya huwag kang ilusyunado!” pabulong ngunit mariin ding sabi ng dalaga sabay irap at talikod.
“What?” naiwang naguguluhan si Jeff. Sa isip isip niya, linya niya iyon sa mga babaeng pinaglaruan lang niya. Walang love na involve. Purely sex lang. At ngayon iyon din ang narinig niya mula sa babaeng mahal niya. “Ano ‘to karma?”
Sinamantala naman ni Jared ang pagkakataon na malapitan si Bela nang makitang iniwanan nito si Jeff.
“Bela!”
“Jared, bakit?”
“Ang ganda ng tugtog ah, sayaw tayo?”
Sinulyapan muna ni Bela si Jeff na nanatili sa kinatatayuan nito bago tumango kay Jared.
Lumukso naman sa tuwa ang puso ni Jared nang pumayag ang dalaga na maisayaw niya sa saliw ng malambing na musikang nagmumula sa violin.
“Salamat Bela at pumayag ka.”
“Ba’t naman ako hindi papayag, wala namang masama sa pagsasayaw at ikaw lang naman ang nag-aya sa akin.”
Naningkit ang mga mata ni Jeff nang makita ang mga kamay ni Jared na nakakapit sa beywang ni Andrea habang ang mga kamay ni Andrea ay nasa balikat ni Jared. Gustong gusto niyang lapitan ang mga ito at hatakin si Andrea para itakas sa okasyong iyon ngunit napigilan pa niya ang sarili. Kahit papa’no kasi ay nahiya rin siya sa mga magulang ng dalaga. Kaya sa halip na lapitan ay pinili niyang humakbang palayo roon.
Kinabahan naman si Andrea nang makitang palabas na si Jeff.
“S-saan siya pupunta?” tanong niya sa isip.
“Ahm, Jared, sandali lang ha.” bumitaw siya sa kanilang pagsasayaw at palihim na sinundan si Jeff. Nakita niya itong sumakay ng motor at pinaharurot iyon paalis. Hindi maiwasan ng dalaga na hindi makadama ng lungkot habang tinatanaw niya ang lalaking mahal palayo.
Habang abala si Angela sa pakikipag-usap sa mga bisita ay nilapitan ni Regine si Bernard at inabutan ng isang basong wine.
“Cheers for Bela!” anang babae.
“Cheers!” tugon naman ni Bernard.
“You know what? You are so very lucky to have your family. Isang buo at masayang pamilya. Parang gusto ko na ngang magsisi na pinakawalan pa kita noon.”
“Regine, mukhang tinatamaan ka na ng alak?” natatawang tanong ni Bernard.
“Ano ka ba, ang aga pa para malasing, naalala ko lang naman ang family ko, they’re all gone. Mabuti na lang nandiyan ka pa.”
“Nandito kami ni Angela para sa’yo, as friends.”
Humarap si Regine kay Bernard at hinawakan ito sa pisngi.
“You’ re all I have Bernard…and I thank you for being there.”
Napakunot noo si Cecilia nang makita ang tagpong iyon. Hindi niya nagugustuhan ang kilos ng babae. Masyado itong malapit kay Bernard na parang may namamagitan sa kanila.
Nagulat pa siya nang biglang yumakap mula sa likuran niya si Andrea.
“Andrea.”
“Ma, dito ka na matulog kahit ngayong gabi lang.” naglalambing na sabi ng dalaga.
“Alam mong hindi pwede, walang kasama si Lola Lucia. Kaya mamaya hahabol ako sa last trip ng bus.”
“Huwag na ma, sasabihin ko kay daddy na ipahatid ka na lang kay Mang Delfin.”
“Sige ikaw ang bahala. Andrea, kilala mo ba ang babaeng ‘yon na kung makapulupot kay Bernard ay daig pa ang ahas?”
“Ah, si Tita Regine po. Siya ang mama ni Janine. Yung kaibigan ko na naikwento ko na po sa inyo dati. At ang sabi po ni mommy, ex girlfriend daw po ‘yan ni daddy na ngayon ay tinutulungan nilang makarecover mula sa mga mabibigat na pinagdaanan sa buhay.”
“Gano’n ba. Iba ang kutob ko sa babaeng ‘yan. Kaya mag-ingat ka anak at maging mapagmatyag. Huwag mong hahayaang masaktan ang mommy mo nang dahil sa kanya.”
Lumipat ang tingin ni Andrea kay Regine at napaisip.
Kung masama ang kutob ni Cecilia kay Regine ay ganoon din ang iniisip nito sa kanya.
“Isang bagong salta sa pamilya na hindi dapat magkaroon ng lugar dito.” sa isip ni Regine habang sinasalinan ng wine ang sariling baso. Nang masalinan na ito ay naglakad siya palapit kay Cecilia at kunwa’y hindi sinasadyang napatid siya at natapon ang wine sa babae.
Nagulat si Cecilia.
“Oh, I’m sorry my dear!”
Pinunasan ni Cecilia ng tissue ang natapunang bahagi ng suot niyang dress.
“Okay lang. Pero mag-iingat ka na. Kasi baka sa susunod, ikaw naman ang matapunan.”
“What do you mean?” kunot noong tanong ni Regine.
“Wala naman. Gusto ko lang talaga na mag-ingat ka.” makahulugan ang ngiti at tinging iniwan ni Cecilia kay Regine.
“Sweetheart, shall we dance?” aya ni Bernard kay Angela.
“Yes.” tinanggap ni Angela ang kamay ng asawa at naka-abrisyete siya ritong sumama patungo sa gitna.
Tinugtog sa pamamagitan ng violin ang paborito nilang awitin na ‘When the girl in your arms is the girl in your heart’.
“Sweetheart, ngayong narito na si Bela,w ala na akong mahihiling pa. I love you both…” ani Angela.
“Ako man. Mahal na mahal ko kayong dalawa kaya wala na rin akong mahihiling pa.” tugon ni Bernard sabay halik sa noo ng asawa.
Si Bela ay masayang nakamasid sa mga magulang. Natutuwa siyang masdan ang mga ito. Para sa kanya, isang huwaran ang kanilang wagas na pag-ibig sa isa’t-isa.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang lapitan siya ni Manang Sonya.
“Andrea Bela, salamat sa pag-imbita pero mauuna na ako ha.”
“Ho? Pero maaga pa naman Manang Sonya, sabay ko na kayong ipapahatid ni mama kay Mang Delfin mamaya.”
“Hindi na. Tumawag kasi sa akin si Sir Jeff, nasa ospital daw siya,sa St.James, malapit lang dito eh, pupuntahan ko muna.”
“Ha? Bakit anong nangyari kay Sir Jeff?”
“Hindi ko pa alam, basta ang sabi puntahan ko raw siya sa St.James hospital.”
“Sasama po ako.”
“Pero…”
(ITUTULOY)