NANG UMALIS sina Jeff at Bela sakay ng motor, napansin ng huli na may kotseng sumusunod sa kanila. Nakumpirma nila ito nang lumiko sila sa isang kanto at sumunod pa rin ito. Pinaharurot ni Jeff ang motor. Napatili naman si Bela nang bigla na lang silang paulanan ng bala ng humahabol sa kanila.
“EEEEEE!”
“KUMAPIT KA LANG SA’KIN BELA, HUWAG KANG BIBITAW, HIGPITAN MONG MABUTI ANG KAPIT MO!”
“OO JEFF, HINDI AKO BIBITAW, SINO BA SILA, BAKIT NILA TAYO BINABARIL?”
“HINDI KO ALAM, WALA AKONG KAAWAY!”
“MAS LALO NAMAN AKO, WALA RIN AKONG KAAWAY!” pagkasabi niyon ay biglang sumagi sa isip ni Bela si Regine.
Hindi pinanghinaan ng loob si Jeff. Idiniretso pa rin niya ang pagpapaharurot sa motor sa kabila ng mga balang humahabol din sa kanila. Naramdaman ni Bela na tinamaan siya sa balikat. Pero hindi lumuwag ang kapit niya sa binata. Sa halip ay lalo pa niyang hinigpitan. Hindi niya sinabi rito na tinamaan siya dahil ayaw niyang mawala sa pokus sa pagmamaneho si Jeff. Tinatagan na lang niya ang loob.
Ngunit ang mga nasa loob ng kotse ay desidido sa kanilang pakay. Walang balak huminto. Hanggang sa masapul si Jeff sa likuran ng ilang beses. Lingid sa kanya ay nauna nang matamaan si Bela dahil ito ang nasa likuran niya. Unti-unting lumuwag ang pagkakakapit ng dalaga sa beywang ng binata. Sa tingin niya ay makakabitaw na siya. Hindi na niya kaya…
“Jeff…”
Nakadama na rin ng panghihilo ang binata at panlalabo ng paningin. Nagsimula silang gumewang dahil hindi na halos nito makontrol ang manibela. Matapos nilang magpagewang gewang ay tuluyang bumagsak ang motor kasabay ng kanilang pagbagsak.
Saka lamang huminto ang pag-ulan ng bala. Bumaba ang isa sa mga lalaking nasa loob ng sasakyan. Lalapitan sana nito ang dalawa upang siguraduhin ang kamatayan ng mga ito ngunit biglang may dumating na police patrol kaya’t nagmamadali ring bumalik sa sasakyan ang lalaki at agad na silang umalis sa lugar.
Parehong duguan na nakahandusay sa kalsada sina Jeff at Bela. Pilit inaabot ni Jeff ang kamay ni Bela na nakapikit na.
“B-Bela…Bela…” paulit-ulit niyang tawag sa nanghihina niyang boses.
Nang sa wakas ay mahawakan niya ang kamay ng dalaga ay sinikap niyang makausad ng gapang palapit dito.
“Bela… Lord, save her…” ani Jeff sa tinig niyang siya lang din ang nakakarinig.
Niyakap niya si Bela hanggang sa unti-unti na ring pumikit ang kanyang mga mata.
Patakbong nagpunta sa emergency room sina Bernard at Angela. Subalit hanggang pintuan na lamang sila dahil pinigilan na sila ng isang staff na makapasok sa loob kung saan inaasikaso na ng mga doktor sina Jeff at Bela.
Napatingin sila sa mag-asawang kinakausap ng isang pulis. Napatingin din sa kanila ang mga ito. Lumapit sila.
“K-kami po ang mga magulang ni Bela, kayo po ba ang mga magulang ni Jeff?” si Angela.
“Yes.” sagot ng mommy ni Jeff.
Sa gitna ng kanilang pagluha ay pinag-usapan nila ang nangyari sa kanilang mga anak.
“Gagawin namin ang lahat para malaman kung sino ang may gawa nito sa kanila.” anang ama ni Jeff na isang businessman.
“Kami rin. Pagtulungan nating resolbahin ito. Hindi kami papayag na hindi magbayad ang nasa likod ng pananambang sa kanila.” sagot ni Bernard.
Sa chapel ng ospital nilapitan ni Cecille si Angela at naupo sa tabi nito.
“Minsan din niya akong naging ina…at sa mga panahong iyon, itinuring ko talaga siyang akin.” pagbubukas ni Cecilia ng usapan. “Hindi ko akalain na siya pala ang batang matagal nyo nang hinahanap…nang maduda ako sa narinig ko mula kay Chief Marcelo, natakot ako…natakot ako na dumating ang panahon na mawala na siya sa akin, kaya kahit masakit, pilit ko nang sinanay ang sarili ko na wala na talaga siya sa buhay ko, alam kong dinamdam niya ‘yon…ngayon ko lang na-realize na hindi ko talaga kayang mawala si Bela sa akin, ang aking si Andrea…”
“Noong mawala sa akin ang anak ko…pakiramdam ko gumuho ang mundo ko.” tugon ni Angela na ang mga matang may luha ay nananatili sa altar. “Ngunit nang ibalik siya sa akin ng langit, sa isang iglap ay muling nabuo ang mundo ko, ang mundo namin ni Bernard…kaya kung mawawala ulit siya sa akin, baka hindi ko na kayanin…”
“Angela, bilang isang ina, karamay mo ako, karamay mo ako sa panalangin para sa kaligtasan niya at gayundin ni Jeff.”
Tumingin si Angela kay Cecilia.
“Salamat Cecille…”
Nakarating na rin sa ospital si Regine. Agad nitong nilapitan si Bernard nang makitang mag-isa itong nakaupo sa mahabang upuan na nasa tapat ng operating room.
“Bernard!”
“Regine?”
“Nabalitaan ko ang nangyari, sinabi ng assistant mo.” sabay upo ng babae sa tabi ni Bernard. Hinawakan niya ito sa balikat bago muling nagsalita.
“I am so terribly sorry you’re having to go through this…I’m sorry for your loss…” puno ng emosyon ang mukhang anang babae.
Napamaang si Bernard.
“Regine, buhay pa ang anak ko!”
“What?” namula sa pagkapahiya ang babae. “I-I’m sorry, mali ang nakarating sa aking balita…”
Napapailing at napahugot ng malalim na paghinga si Bernard. Iniwan niya si Regine sa upuan.
Inis namang kinuha ng babae ang cellphone sa handbag. Naglakad sa lobby habang nakikipag-usap sa tinawagan.
“Akala ko ba okay na?”
“Yeah!”
“Yeahin mo ang mukha mo, she’s alive at malamang pati ‘yung idinamay nyo buhay pa.” mahina ngunit may gigil sa boses ni Regine.
“WHAT?”
“Now what?”
“Ok calm down. Stay close to the family. Kailangan kong malaman ang bawat galaw nila para matapos ko ang pinasimulan ko.”
Matapos makipag-usap ay bumalik si Regine sa upuan at doon naghintay sa pagbalik ni Bernard. Pero maya-maya lang ay nakaramdam na siya ng pagkainip dahil walang nangyayari. Hindi pa bumabalik si Bernard o si Angela man. Wala pa ring doktor na lumalabas mula sa operating room para malaman niya ang lagay ni Bela. Tumayo, umupo, nagpalakad lakad na siya.
Hanggang sa maulinigan niya ang pag-uusap ng isang lalaki at isang pulis sa di kalayuan.
“Kahit maubos ang pera namin chief, mapagbayad ko lang ang may gawa nito kina Jeff at Andrea.” anang lalaki kay Chief Marcelo na kadarating lang. “Kaisa-isa naming anak si Jeff kaya gagawin namin ang lahat para makuha ang hustisya.”
“Huwag po kayong mag-alala Mr. Dominguez, gagawin din po namin ang lahat para maresolba ang kasong ito at mahuli ang mga bumaril sa kanila.”
Napalunok si Regine sa narinig. Bumalik siya sa upuan na hindi mapakali. Hindi siya pwedeng madamay kung sakali. Nag-iisip siya kung paano maipagkakanulo si Roden nang hindi siya madadamay.
“Tama, galit si Roden kay Bernard kaya anak niya ang ginantihan nito…kung idadawit man ako ni Roden, wala siyang ebidensya na makapagpapatunay na kasabwat niya ko…tama, tama ang naisip ko…” gulo ang isip na lumabas nan g ospital si Regine.
Pagdating sa apartment ay nagbukas agad siya ng wine at muling nilunod ang sarili sa alak.
Ilang saglit pa at nakabalik na sina Bernard at Angela sa harap ng operating room. Naroon din si Cecilia at mga magulang ni Jeff. Matiyaga nilang hinintay ang resulta ng operasyon.
Maya-maya pa ay lumabas ang isang doktor.
“Mr. and Mrs. Cabrera?”
“Kumusta po ang anak namin?” tanong agad ni Angela.
“Naalis na po namin ang lahat ng bala sa katawan niya. Thank God dahil naging responsive naman ang mga vital signs niya. She is still unconscious pero huwag na po kayong masyadong mag-alala, she is a survivor.”
Nagyakap sina Bernard at Angela nang marinig ito mula sa doktor. Hindi nila mapigilan ang luha.
Bumaling naman ang doktor sa mag-asawang Dominguez. Pero hindi na nito pinarinig sa iba ang sinabi sa mag-asawa. Ikinabahala ni Angela ang emosyong rumehistro sa mukha ng mga ito.
(ITUTULOY)