IPINAKITA ng mga taga-Taguig ang kanilang solidong suporta sa tambalan ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sa kanyang running mate vice presidential frontrunner Mayor Inday Sara Duterte nang dumagsa sila sa grand rally ng tambalan sa Arca South, Taguig City nitong Linggo ng gabi.
Umaga pa lang ay may marami nang tumungo sa lugar upang makapuwesto ng malapit sa entablado para malapitang makita ang mga pambato ng UniTeam, dala ang kanilang mga tubig, pagkain, tarpaulin at suot ang kanilang mga pula at green na t-shirt na may mukha ni Marcos at Duterte.
Ayon kay Nanay Rosie Matibag, sabik sila na makita sina Marcos at Duterte.
Aniya, ang dalawa ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa kaya naman todo ang suporta nila sa kanila.
“Gustong namin makita si BBM tsaka si Sara dahil alam namin na sila lang ang may kakayahan mamuno sa ating bansa, pumunta kami ng maaga para makapuwesto ng maayos, naghanda din kami ng mga pagkain, tubig pati itong tarpaulin dinala ko na,” ayon kay Nanay Rosie.
Sabi naman ng grupo ng mga kalalakihan ay solid BBM-Sara UniTeam sila at totoong taga-Taguig sila na sumusuporta sa tandem ng BBM-Sara UniTeam.
“Solid kami, solid BBM-Sara, magkakaibigan po kami, pinag-usapan na namin kagabi na pupunta po kami dito para suporatahan sila, pero bukod para makita ko rin sila pati si Andrew E,” sambit ng magkakaibigan.
“Hindi kami hakot! Hindi din kami bayad, taga-Taguig mismo kami na sumusuporta sa UniTeam, sila ang gusto namin na maging lider ng bansa,” dagdag pa ng grupo.
Habang nagpasalamat naman si Mayor Inday Sara sa organizer ng programa at sa mga Taguigeño na nakibahagi at naghintay sa kanila ni Marcos.
Nagpaalala rin siya na kung maari ay magdala ng kodigo o sample ballot sa araw ng botohan.
“Pasalamat tayo sa organizers dahil tinulungan nila tayo na mabuo ang pagsasama-sama natin ngayon gabi na ito at sa inyo mga taga-Taguig maraming salamat sa oras at oportunidad na binigay ninyo sa amin para makilala kayo, marami sa inyo kanina pang umaga,” ayon sa alkalde ng Davao City.
“Paalala lang din sa ating mga kababayan, sa inyong lahat, napakahalaga ng ating kodigo, sample ballot sa araw ng halalan dahil napakarami ng pangalan na kailangan natin alalahanin,” dagdag pa ng alkalde.
Lubos naman ang galak ni BBM, ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa ipinakitang suporta ng Taguigeño dahil sa matiyagang paghihintay ng mga ito sa tambalan nila ni Mayor Inday Sara.
“Maraming salamat, alam ko po na marami sa inyo ang kanina pa nandito, nakakataba naman ng puso na nagtiyaga kayo na maghintay na nakabilad sa araw na hindi umaalis,” ayon sa kanya.
Habang nagsasalita naman ang dating senador ay sumisigaw ang mga tao ng “hindi kami bayad, panalo ka na, solid Taguig” ani Marcos na kitang kita na sa Taguig ay nagkaisa na sa tambalang Marcos at Duterte.
“Tama yan isigaw pa ninyo, para marinig ng buong Pilipinas na dito sa Taguig buo ang suporta ng Taguig sa likod ng UniTean at sa tambalang Marcos at Duterte,” ayon sa dating senador.
Inorganisa ng Next Gen For BBM ang naturang programa, si Ai Ai Delas Alas, Bayani Agbayani at Randy Santiago ang mga naging host na mas nagbigay saya sa grand rally.
Kinilig naman ang mga supporters lalo na ang mga kababaihan nang tumugtog ng ukulele ang bunsong anak ni Marcos na si Vincent.
Nag-perform din ang ilang mga banda tulad ng Silent Sanctuary, Aegis at maging ang rap group na Ex-Battalion ay nagbigay saya din sa supporters ng BBM-Sara UniTeam. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)