HINIKAYAT ng Department of Education ang Commission on Elections na bayaran ang mga teaching at non-teaching personnel na nagbigay ng kanilang extra work nito lamang katatapos na halalan sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na nakipag-ugnayan na sila sa Comelec sa bagay na ito at ipinanukala ang karagdagang bayad na ₱3,000.
“As reports of extended hours of service were raised, mainly by reasons of vote-counting machines malfunctions and SD cards issues, it is but appropriate that our personnel be justly compensated for the extra hours they have rendered,” ayon sa DepEd.
Ang koordinasyon sa pagitan ng DepEd Election Task Force sa pamumuno ni Education Undersecretary Alain Pascua at Director Marcelo Bragado Jr. at Comelec ay nangyari noong Mayo 11.
Sa kabilang dako, sinabi ni acting Comelec spokesperon Rex Laudiangco na nakatanggap sila ng liham mula sa DepEd na humihiling para sa karagdagang bayad sa personnel nito.
“Bilang naman namin sila. Accounted sila and we know who we will give this additional honoraria to… This is not overtime pay as overtime pay is not allowed, at hindi rin ito across the board—not all electoral borads. Dun lamang sa affected ng VCM issues,” ani Laudiangco.
Kinilala rin nito ang naging kahilingan ng DepEd para sa ₱3,000 additional honoraria, subalit ang pinal na halaga aniya ay magiging subject sa “the availaility of funds and…in accordance with accounting and aufiting rules.”
Samantala, sa isang panayam, sinabi naman ni Laudiangco na ang mga poll workers na apektado ng delays ay makatatanggap ng ₱2,000 hanggang ₱3,000, base sa halaga na ibinigay sa panahon ng nagdaang eleksyon, idagdag pa ang pinal na halaga ay kahalintulad para sa lahat.
“Yung P2,000 may basis na tayo…last elections ‘nung 2019. So it will not go below ₱2,000,” anito.
Sinabi ng DepEd na ang honoraria at allowances para sa kanilang mga personnel ay dapat na ibigay bago o sa mismong araw ng Mayo 24.
Ayon sa Comelec Resolution No. 10727, ang honoraria at allowances ay babayaran sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng eleksyon. (Daris Jose)