UMAASA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi magiging “fatal’ o nakamamatay ang monkeypox kumpara sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Nagkaroon na kasi ng monkeypox outbreak kung saan ay karamihan sa Europa.
Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, hiniling ni Pangulong Duterte kay Department of Health (DOH) Undersecretary Dr. Abdullah Dumama na ipaliwanag kung bakit mapanganib ang monkeypox.
Ayon kay Dumama, ang mortality rate ng rare viral disease ay isang porsiyento lamang.
“Mayroon din pong fatality ito, fatality rate na at least 1 point — ah 1 percent lamang po. Hindi naman ho ito gaanong ganoon ka-virulent at hindi ito nagbibigay ng malalang sakit, mahal na Pangulo ,” ayon kay Dumama.
Kaya nga, umaasa si Pangulong Duterte na ang monkeypox ay hindi nakamamatay katulad ng Covid-19.
Nagbiro naman ang Pangulo na nag-aalala siya sa mga unggoy.
“Sana ‘wag kasi patay lahat ng unggoy dito pagka ganoon , mass execution,” dagdag ng Punong Ehekutibo.
Sa ulat, naitala ang mga kaso ng monkeypox sa iba’t ibang mga bansa tulad ng Portugal, Spain, United Kingdom, at ngayon maging sa United States.
Sinasabing batay sa abiso ng Centers for Disease Control and Prevention o CDC ng Amerika, naipapasa ang monkeypox virus kapag ang isang tao ay nagkaroon ng contact sa virus mula sa hayop, kapwa tao, o maging sa kontaminadong bagay.
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at likod, namamagang kulane, panginginig at pagkapagod.
Sa loob ng isa hanggang tatlong araw (o mahaba pa) matapos na lagnatin, nagkakaroon ng mga rashes ang pasyente.
Karaniwang nagsisimula ang rashes sa mukha at kakalat ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa CDC, ang incubation period ng monkeypox ay madalas na umaabot ng pito hanggang 14 na araw, o lima hanggang 21 araw.
Tumatagal umano ang naturang sakit sa loob ng dalawang hanggang apat na linggo.
Batay sa pag-aaral ng CDC, isa hanggang 10 katao sa Africa ang namatay dahil sa monkeypox.
Sinabi naman ng DoH na wala pang naitatalang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Masusi raw na sinusubaybayan ng kagawan ang sitwasyon sa mga bansang mayroon nito
Samantala, nanawagan naman si Pangulong Duterte sa mga magulang at mga anak nito na magpabakuna na laban sa Covid-19.
“To date, about more than 69 million or 76.71 percent of the country’s target population have been fully vaccinated against Covid-19 while over 13.9 million have received their booster shots,” ayon sa ulat. (Daris Jose)