PAREHONG batikang director ang may hawak ng Pinoy adaptation ng hit Korean drama na Start Up na sina Direk Dominic Zapata at Direk Jerry Sineneng.
Dito pa lang, alam mo na espesyal ang Start-Up para bigyan ng dalawang mabibigat na director.
Ayon kay Direk Jerry, “perfect casting” daw ito. Mula kina Alden Richards at Bea Alonzo hanggang sa mga supporting cast na sina Direk Gina Alajar, Jeric Gonzales at Yasmien Kurdi.
Pareho rin all-out ang mga papuri ng dalawang directors kina Alden at Bea. Si Direk Jerry bilang first time niyang maka-trabaho si Alden. As in, tama raw pala lahat ng mga narinig niya tungkol dito. Mabait at very professional. Same goes with Direk Dom na si Bea raw, napakahusay na actress talaga.
Sinigurado rin nila na may consent ng Korean production ang mga pagbabagong gagawin nila sa serye. Na katwiran din ni Direk Dom, kung gagayahin lang nila as is ang original version, “bakit pa namin gagawin?”
Yun na!
Malapit na malapit na nga itong mapanood sa primetime ng GMA-7.
***
TOP trending ang pangalan ni Asia’s Multimedia Star Alden Richards sa Twitter.
Nang tingnan namin kung ano ang dahilan bakit nagti-trending siya, yun pala, kino-congratulate si Alden dahil sa bagong milestone na na-achieve ng huling serye niya sa GMA Networks, ang The World Between Us.
Simula kasi ngayong June 22, hindi na lamang sa online streaming platform na Netflix ito available, pati sa Amazon Freevee. Ito yung dating IMDb TV.
At ang siste, ang pinagbibidahang serye na ito nina Alden at Jasmine Curtis-Smith lang naman ang kauna-unahang Filipino language o tagalog title na mapapanood dito.
Sa nga comments, nababasa namin na ang Amazon Freevee pa raw ang lumapit sa GMA para makuha ito.
***
NAGPAHAYAG si Paulo Avelino na nakalulungkot na masaya raw ang nararamdaman niya sa ginanap na red carpet premiere ng pelikula nila ni Janine Gutierrez na Ngayon Kaya.
Given na yung masaya siya dahil kahit kami, na-happy nang makita ang crowd sa SM Mega sa kanilang pa-red carpet premiere. Maraming tao at ang dami rin nilang mga kaibigang celebrities na sumuporta sa kanila. Kabilang na sina Jake Cuenca, Jake Ejercito, Ria Atayde, Liza Diño, Ice Seguerra, Ramon Christopher at iba pa.
Kumbaga, parang unti-unti na talagang bumabalik yung dating festive at feel ng mga premiere night.
Sabi ni Paulo, “Medyo nakalulungkot na masaya kasi, ang tagal na nating walang ganito, for two years actually but I’m happy.
“Nakakapanibago, may konting takot pa rin dahil hindi na rin sanay na makakita ng ganitong karaming tao.”
Si Janine naman, excited daw siya na may premiere night muli at ang pelikula nga nila ni Paulo under T-Rex Films sa direksiyon ni Prime Cruz ang isa sa mga unang ipinapalabas muli na Filipino film sa mga sinehan.
“Parang fresh start ulit natin,” sey niya.
Kaya parehong nakikiusap sina Paulo at Janine na sana nga raw, ngayong balik cinema na ang ilang Pinoy movies tulad ng Ngayon Kaya, sana ay marami ang sumuporta at manood nito.
Maganda ang pelikula na para sa amin, very millennial ang approach sa romance pero siguradong marami ang makaka-relate.
(ROSE GARCIA)