LUNGSOD NG MALOLOS- Nilinaw ni Gobernador Daniel R. Fernando na tuloy pa rin ang konstruksyon ng paliparan sa Bulacan at hindi ito apektado ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa bill na lumilikha sa Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport.
Pinaliwanag ni Fernando, magkahiwalay na institusyon ang dalawang proyekto at sang-ayon siya na kailangan nito ng sapat na oras upang maingat na mapag-aralan, masuri, at mabisitang muli.
“The only issue that we have as of the moment is the approval of the proposed special economic zone which I strongly believe will just need to be justified, revisited, and reviewed,” anang gobernador.
Idinagdag pa ng gobernador na nagpapasalamat siya at positibo ang kanyang pananaw patungkol sa malaking progreso sa lalawigan.
“Tuloy ang airport, tuloy ang kaunlaran at magandang oportunidad sa ating mga kalalawigan. Nagtitiwala po tayo na ano man ang kahihinatnan ng nasabing usapin, ito ay masusing pag-aaralan, at maayos na mapag-uusapan dahil ang ating bagong administrasyon ay para sa kabutihan ng mamamayang Pilipino,” aniya.
Sinabi rin ni Fernando na walang dapat ipangamba ang mga dayuhang mamumuhunan dahil marami pang maihahandog ang Bulacan na lugar na pang-negosyo.
“Hindi nito maaapektuhan ang foreign investors dahil may mga site pa naman na pwedeng paglagyan ng foreign investments. Wala akong nakikitang dahilan para umatras sila. Still welcome sila sa Bulacan,” pagsisiguro ni Fernando. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)