WALANG balak si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad pa ng lockdown sa bansa sa kabila nang nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 lalo’t may mga nadidiskubreng bagong variants ng coronavirus.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, araw ng Lunes, Hulyo 25, hindi na kakayanin pa ng bansa ang isa pang lockdown.
“Wala na tayong gagawing lockdown,” pagtiyak ng Pangulo.
Sinabi pa nito na dapat aniyang balansehin nang maayos ang kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan sa isang banda, at ang ekonomiya naman sa kabilang banda.
Nakikipagtulungan aniya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pag-monitor sa mga COVID-19 hospital admission upang makatiyak na may sapat na kapasidad ang health care system, at maiwasan ang pagsipa ng bilang ng nagkakasakit.
Patuloy din ayon sa Pangulo ang vaccine booster rollout para sa pangkalahatang depensa.
“Sa ganitong paraan, kahit pa tumaas muli ang bilang ng mga COVID cases, mananatiling mababa ang bilang ng mga maospital at bilang ng mga namamatay,” ayon sa Chief Executive.
“Sa pamamagitan nito, unti-unti rin tayong masasanay na nariyan ang virus pero hindi na seryoso ang banta sa ating buhay.,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Sinabi pa rin niya na i-aayon niya ang mga health protocols sa kung ano ang pangangailangan sa paglipas ng panahon at lalo pang iibayuhin ang kooperasyon kasama ang pribadong sektor upang tumaas pa ang kumpyansa ng mga mamumuhunan, nang sa gayon ay bumalik na tayo sa “full capacity” lalong-lalo na ang mga negosyo.
“Pagbubutihin pa natin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon ukol sa COVID, kasama ang kahalagahan ng bakuna,” ayon sa Pangulo.
Sa ngayon aniya ay mananatili muna ang Pilipinas sa Alert Level System.
Pinapag-aralan aniya ng pamahalaan ang ibang paraan ng klasipikasyon upang mas babagay sa kasalukuyang sitwasyon lalong-lalo na sa pagbabago ng Covid.
“Sa pakikipagtulungan ng Kongreso, itatatag natin ang ating sariling Center for Disease Control and Prevention at ang isang vaccine institute,” anito.
Samantala, binanggit din ng Pangulo na magtatayo siya ng dagdag na mga health center at ospital.
“Beyond the issues that the pandemic has brought, the need for a stronger health care system is self-evident. We must bring medical services to the people and not wait for them to come to our hospitals and health care centers,” lahad nito.
Sinabi ng Pangulo na napakinabangan nang husto ng mga mamamayang Filipino ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute.
Kaya maliwanag aniya na na hindi lang dapat sa National Capital Region, kundi maging sa ibang parte ng bansa kailangan na magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan.
“Bukod dito, upang mailapit natin ang health care system sa taumbayan nang hindi sila kailangang pumunta sa sentro ng kanilang bayan, lalawigan o region, ay maglalagay tayo ng mga clinic, mga RHU na pupuntahan ng mga doktor, nurse, midwife, medtech, isang beses, dalawang beses sa isang linggo — nang sa gayon, magiging mas madali sa may karamdaman na magpapagamot nang hindi na kailangang magbiyahe nang malayo,” lahad ng Pangulo.
“One of the cornerstones of a strong healthcare system is the provision of competent and efficient medical professionals. We will exert all efforts to improve the welfare of our doctors, our nurses, and other medical frontliners,” aniya pa rin. (Daris Jose)