TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang magiging problema sa kanilang pamamahagi ng tulong para sa mga kababayan nating naapektuhan ng bagyong Florita.
Sa ulat ni DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez, sa kasalukuyan kasi ay nasa Php 760 million pa ang halaga ng quick response fund ng kagawaran mula sa kanilang central office habang nasa Php 30 million pa naman ang quick response fund na available sa kanilang mga regional offices.
Ayon pa kay Lopez, sa ngayon ay nasa Php7.2 million na ang halaga ng tulong na kanilang naipapamahagi sa mga kababayan nating naapektuhan ng kalamidad.
Php 4.8 million dito ay mula mismo sa DSWD, habang Php 2.1 million naman ang galing sa mga local government unit, at nasa 30,000 pesos naman ang tulong na nagmula sa mga non government organization at iba pang partners ng kagawaran.
Samantala, bukod sa mga family food packs ay sinabi rin ng tagapagsalita na namimigay din sila ng tulong pinansyal at psyco-social intervention o counselling sa mga Pilipinong apektado ng pananalasa ni “Florita”.
Sa ngayon ay nasa 29,447 na mga pamilya o 113,000 na mga indibidwal na naapektuhan ng nasabing bagyo mula 558 na mga barangay sa region 1, 2, 3, calabarzon, NCR, at CAR ang binabantayan ng DSWD.
Nasa 1,400 na mga indibidwal na lamang nananatili sa 19 na temporary shelter ng kagawaran habang nasa 123,000 na lamang ang kasalukuyang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.