NAKUKULANGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga benepisyo na ipinagkakaloob sa mga nurses o nars sa bansa lalo pa’t iba ang ibinibigay na serbisyo at sakripisyo ng mga ito matiyak lamang ang kaligtasan ng publiko.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa 100th anniversary celebration ng Philippine Nurses Association, sinabi ni Pangulong Marcos na “as of August 19, 2022,” nakapagbigay na ang pamahalaan ng P25.82 bilyong halaga ng benepisyo para sa mga nars.
“Sa palagay ko kulang pa ‘yan eh. Medyo hirap tayo sa pondo ngayon kaya’t sa ngayon ganyan lang muna. Pero palagay ko binubuhay niyo ‘yung may sakit eh. Ibang usapan ‘yan, mahirap lagyan ng dolyar, ng piso, ‘yung trabahong ginagawa ninyo,” ayon sa Pangulo.
Kabilang aniya sa mga kasalukuyang benepisyo para sa mga nars ay hazard duty pay, COVID-19 sickness at death compensation, meals, accommodation at transportation allowances, life insurance, Special Risk Allowance (SRA) at COVID-19 allowance.
Sa kabilang dako, pinuri naman ni Pangulong Marcos ang mga nars sa kanilang sakripisyo sa panahon ng kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Hindi lang kayo nag-aalaga ng pasyente kundi noong panahon ng kabigatan ng COVID, noong 2020, 2021, eh kayo’y pumapasok pa rin kahit alam ninyong high risk ang inyong trabaho, sige pa rin… marami sa inyo ay talagang tinamaan, marami sa healthcare workers ay nawala dahil nga hindi na nga umuuwi sa bahay para hindi madala ‘yung sakit sa kanilang mga pamilya,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Matatandaang, makailang ulit ng nagreklamo ang mga health workers mula sa gobyerno at private hospitals at health institutions ukol sa non-release ng kanilang SRAs at pag-alis sa kanilang benepisyo gaya ng “meal at transportation allowances” sa kabila ng ginagawa nilang patuloy na pagiging frontliners laban sa COVID-19.
Samanatala, ginarantiya naman ni Pangulong Marcos, na kinikilala ng gobyerno ang “hard work at sacrifices” ng mga nars.
Bukas aniya ang Office of the President para sa dayalogo para pag-usapan ang mga concerns ng mga nars at iba pang healthcare workers.
“As your President, you may rest assured that my office is always open for meaningful dialogue to address the issues concerning our nurses and allied healthcare professionals,” ayon kay Pangulong Marcos.
“In fact, I have taken special note of the clamor to address issues in the nursing profession by the passage of the new Philippine Nursing Practice Act,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, maliban sa pagdiriwang ng 100th foundation anniversary ng Philippine Nurses Association, ang nasabing okasyon, idinaos sa Manila Hotel, ay paggunita rin sa 65th Nurses Week. (Daris Jose)