NAGPAHAYAG ng pagsuporta ang ilang alkalde sa Metro Manila para sa mga programa ng pamahalaan na naglalayong matugunan ang housing backlog sa bansa na aabot sa mahigit 6.5 milyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na nakatanggap sila ng positibong tugon para sa housing programs kasunod nang ginawa nilang pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal sa Kalakhang Maynila.
Nabatid na nakipagpulong si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar kina Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, Pasig City Mayor Vico Sotto, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, Caloocan City Mayor Dale Malapitan, San Juan City Mayor Francis Zamora, at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano hinggil dito.
Binigyang-diin ni Acuzar ang kahalagahan na makuha ang suporta ng mga Metro Manila local government units (LGUs) para sa ikatatagumpay ng programa sa pabahay.
Ito’y dahil karamihan sa 3.7 milyong informal settler families (ISFs) sa bansa ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR).
Base sa kasalukuyang datos ng DHSUD, nasa 500,000 ISFs ang nasa NCR, na pawang naninirahan sa mga riles, daanang tubig, estero at iba pang high-risk areas.
“We see the role of LGUs as one of the key components to gradually address or even put an end to the challenges we are facing in the housing sector. They are our allies in development,” ani Acuzar.
Sa naturang pulong, ibinahagi rin naman ni Acuzar sa mga lokal na opisyal kung paano ita-tap ang mga pribadong developers at financial institutions para sa mas mabilis na pagtatayo ng mga bahay.
Inaasahan namang sa mga susunod na araw ay makikipagpulong si Acuzar sa iba pang opisyal ng capital region upang matiyak ang maayos na implementasyon ng housing programs ng pamahalaan.