HUMANDA sa pagdagundong nang dalawa sa pinaka-feistiest women ng Philippine show business na sina Ms. Alma Moreno at Ms. Dina Bonnevie, sa kakaiba nilang kakulitan na abot sa bardagulan level sa bagong comedy series na Kalye Kweens.
Magpe-premiere na ito sa Oktubre 1 at ipapalabas tuwing Sabado ng 8:30 pm sa TV5 at tuwing Linggo ng 8:00 pm sa Sari Sari Channel.
Pinangungunahan nga ito ng mga beteranong aktres ang Kalye Kweens na nagha-highlight ng mga relatable at makatotohanang eksena na kinasasangkutan ng nakakatawang tunggalian sa pagitan ng dalawang babae, dalawang pamilya, at dalawang komunidad.
Ang palabas ay nagbibigay din ng nostalgic vibes sa parehong maalamat na aktres na nagbabalik sa TV sa pamamagitan ng isang sitcom na pinagsasama-sama ang ilang pamilyar at bagong mukha, kabilang sina Marissa Delgado, Jeric Raval, Jojo Abellana, Giselle Sanchez, Marissa Sanchez, Jairus Aquino, Vitto Marquez, Aubrey Caraan, at Lyca Gairanod.
Sa direksyon ni Temi Cruz Abad, ang Kalye Kweens ay umiikot sa kwento ng mga dating matalik na kaibigan na sina Mandy (Alma Moreno), Altaville’s Homeowners Association President, at Telly (Dina Bonnevie), Kapitana ng Kapit-bisig.
Ang dalawang babae ay dating pinakamalapit na magkaibigan noong bata pa sila, ngunit naging maasim ang kanilang pagkakaibigan nang manalo ang ama ni Mandy sa lottery jackpot at lumipat ang kanilang pamilya sa middle-class subdivision na Altaville. Higit pa sa pagkakaiba ng klase na dulot ng kanilang paghihiwalay, nag-alab ang kanilang tunggalian nang pakasalan ni Telly ang ex-boyfriend ni Mandy na si Roy (Jeric Raval).
Tumindi ang sigalot sa pagitan ng mga kalapit na komunidad ng Altaville at Kapit-bisig nang italaga ng LGU ng San Diego ang mga nagsasalubong na kalye ng Calachuchi (sa Kapit-bisig) at Lavender (sa Altaville) bilang mga pampublikong daanan patungo sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Dahil sa kanilang mga tungkulin bilang kani-kanilang mga pinuno ng kanilang mga komunidad, gagawin nina Mandy at Telly ang lahat sa ilalim ng kanilang kapangyarihan upang ipaglaban ang kanilang mga teritoryo.
First time pa lang magsasama nina Alma at Dina sa isang TV show, at
pag-amin naman ng ina nina Danica at Oyo, “dahil sa comedy series na ito, parang feeling ko kay Ness, parang matagal na kong siyang friend.
“Dahil sa rami ng napagkuwentuhan, parang I found a new friend.
“Na-discover ko na sobrang hands-on mom siya, very loving mother. Marami ring kaming similarities, parehong naging asawa ng komedyante, na hindi naman nagpapatawa sa bahay.”
Pero mukhang nagka-senior moments pareho sina Alma at Dina, dahil hindi na nila maalala na nagkasama sila sa Regal Films na ‘Throw Away Child’ kasama sina Alfie Anido at Orestes Ojeda na kanilang leading man, at ang anak na kanilang pinag-aagawan ay si Janet ‘Elisa’ Giron at mula sa direksyon ni Arsenio ‘Boots’ Bautista.
Dapat siguradong balikan ng dalawang aktres at panoorin ang kanilang 1982 movie, na 40 years na nga naman ang lumipas, at sa rami ng pelikula nilang ginawa, malamang nakalimutan na talaga nila. At may isang eksena pa doon na ginawa nila, na for sure, ‘pag napanood nila baka masabi ni Dina na, “Ness, ginawa pala natin ‘yun?”
Anyway, saksihan ang laban ng dekada simula ngayong Oktubre 1 habang ginagawa ng Kalye Kweens ang ating weekend. Tutukan tuwing Sabado ng 8:30 pm sa TV5, pagkatapos ng Oh My Korona, at tuwing Linggo ng 8:00 pm sa Sari Sari Channel (available sa Cignal Channel 3, SatLite Channel 30 at Cignal Play).
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang opisyal na social media pages ng TV5 at Sari Sari Channel.
(ROHN ROMULO)