• November 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 26th, 2022

LTO naka-heightened alert sa Undas

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAKA-HEIGHTENED  alert  ang Land Transportation Office (LTO) para matiyak na ligtas ang paglalakbay ng mga motorista sa panahon ng Undas.

 

 

Sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022”  masusing babantayan ng mga elemento ng LTO ang mga aktibidad sa  main thoroughfares at transport terminals sa mga lalawigan, bayan at lungsod mula  October 27  hanggang November 4, 2022.

 

 

Ang lahat ng  LTO regional at district offices nationwide ay naka-alerto kayat ang mga tauhan ng LTO ay walang leave at day off sa naturang mga araw.

 

 

Ang LTO ay nagkaroon din ng multi-sectoral coordination sa  mga  law enforcement, road management at iba pang  concerned government agencies  para sa maayos na preparasyon para sa Undas.

 

 

Nagkaroon din ng  Road Safety and Defensive Driving seminar ang LTO sa mga driver at konduktor ng pampasaherong bus upang mapalakas ang kampanya para maiwasan ang  pagmamaneho ng nakakainom ng alak at paggamit ng droga tuloy ay maihatid ng ligtas ang mga pasahero sa kanilang destinasyon.

 

 

“We are already anticipating our cemeteries to be teeming with more people during the week prior to All Saints’ Day compared to the previous two years since lockdowns and community quarantines have already been lifted. The public can rest assured, however, that the LTO will monitor the situation in our roads in close coordination with various transport groups and other concerned government agencies in the areas of law enforcement and medical emergency response to ensure that road safety will always be observed and maintained,”  pahayag ni  LTO Chief Teofilo Guadiz. (Daris Jose)

MMDA, nagpaalala sa publiko kaugnay sa matinding trapiko simula ngayong araw

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAALALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dapat asahan ang matinding trapiko sa 27th Asean Labor Ministers’ meeting simula Oktubre 25, ngayong araw.

 

 

Nauna nang inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang Asean event ay gaganapin hanggang Oktubre 29 sa Taguig City.

 

 

Sa pagsasagawa ng kaganapan, inaasahang magiging mabigat ang trapiko.

 

 

Gayunpaman, walang re-routing at pagsasara ng kalsada, ngunit pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.

 

 

Dahil sa kaganapan, ang MMDA ay magpapakalat din ng 186 personnel upang tumulong sa pamamahala ng trapiko, paglilinis ng kalsada, pagtugon sa emerhensiya kasama ang mga ambulansya at mga unang tumugon na naka-pre-posisyon sa mga strategic na lokasyon sa kahabaan ng venue at katabing ruta, at pagsubaybay sa mga sitwasyon sa kalsada sa metrobase ng MMDA.

 

 

Ayon sa DOLE, nakatakdang talakayin sa pagpupulong ang ilang mga tema, kabilang ang pagbuo ng iba’t ibang regional programs sa skills development, digitalization, climate change, green jobs, industrial relations, at ang pagbabago ng kalikasan ng trabaho, migration, at social protection, bukod sa iba pa.

Dalaga na nga ang kontrabida sa ‘Prima Donnas’: ELIJAH, nagpasilip na kanyang pre-debut photoshoot sa kinunan sa Tagaytay

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

DALAGA na at hindi na bata si Elijah Alejo na mag-turn 18 na sa susunod na buwan.

 

 

Ang former child actress na nakilala bilang ang kontrabidang si Brianna sa ‘Prima Donnas’ ay papasukin na ang pagiging mature lady at nagpasilip ito ng kanyang pre-debut photoshoot na kinunan sa Chateau De Tagaytay.

 

 

Sa Instagram ng Nice Print Photo, pinost nila ang mga kuha ni Elijah na parang isang prinsesa sa may hinihintay sa balcony.

 

 

Bongga ang suot niyang sparkling gown with matching tiara. Patikim nga ito kung ano ang magiging theme ng kanyang magiging debut party.

 

 

Binalita naman ni Elijah na next year ay mapapanood siya sa bagong teleserye kasama sina Lexi Gonzales at Hailey Mendes titled ‘Underage’.

 

 

Ang iba pa nilang kasama sa teleserye ay sina Gil Cuerva, Vince Crisostomo, Nikki Co, Sunshine Cruz, Snookey Serna, Jean Saburit, Yayo Aguila, Christian Vasquez, Jome Silayan at Smokey Manaloto.

 

 

***

 

 

NAKA-GRADUATE na sa wakas ang ‘TGIS’ na si Kim delos Santos sa kanyang Masters in Science of Nursing at Psychiatric Mental Health Nurse Practitioner sa Amerika.

 

 

Post pa niya sa Instagram: “It’s been a journey but I made it. Now the hard part begins, passing the boards and looking for a stable job. I am excited for this new journey but I’m scared to grow up, being a dialysis nurse has been my comfort zone.”

 

 

Makakatulong na raw Kim sa maraming taong nakakaranas ng depression at anxiety noong magkaroon ng pandemya.

 

 

“Ngayon I graduated this year sa Masters, may concentration ng psychiatric mental health nurse practitioner. Mental health is something that is more known now. Because a lot of people are experiencing depression, anxiety dahil sa pandemic. So I’ve decided to change the course,” sey ni Kim.

 

 

Tinalikuran ni Kim ang showbiz nang magdesisyon itong mag-migrate na sa Amerika noong 2004 pagkatapos niyang makipaghiwalay sa mister at dating ka-loveteam na si Dino Guevarra.

 

 

Marami raw hirap na pinagdaanan si Kim sa Amerika dahil pinagsasabay daw niya noon ang mag-aral at ang magtrabaho, Ngayon ay worth it naman daw ang lahat ng pinagdaanan niya.

 

 

May lungkot lang daw dahil hindi na nasaksihan ng kanyang ama ang pag-graduate niya. Pumanaw ang ama ni Kim noong 2015.

 

 

Sa kuwento noon ni Kim, ang ama raw niya ang gumawa ng paraan para mapagpatuloy nito ang pag-aaral niya ng nursing. Kahit na raw may iniinda na itong mga sakit, patuloy lang daw itong nagtatrabaho para matustusan ang pag-aaral niya sa Amerika.

 

 

***

 

 

DINIDINIG na sa korte in Los Angeles ang mga kaso ng dating “most powerful man in Hollywood” na si Harvey Weinstein.

 

 

Kinakaharap ng 70-year old former studio executive ang labing-isang kaso na kinabibilangan ng sexual battery by restraint, forcible rape and forcible oral copulation against women in Beverly Hills and Los Angeles hotels between 2004 and 2013.

 

 

Ginamit din daw ng dating producer ang kanyang physical size at ang kanyang posisyon sa film industry para makapambiktima ng mga baguhan at promising actresses.

 

 

If convicted, Weinstein, na nag-plead not guilty to all counts, ay masesentensyahan siya for more than 100 additional years sa bilangguan. Kasalukuyang sine-serve na niya ang 23 years sentence niya sa mga naging sex crimes niya sa state of New York.

 

 

Higit na 90 women ang nagpatunay na naging biktima sila ng sexual harassement and sexual assault ni Weinstein. Kabilang rito ang mga kilalang Hollywood actresses na sina Gwyneth Paltrow, Angelina Jolie, Salma Hayek, Kate Winslet, Mira Sorvino at Ashley Judd.

 

 

Ang kinasanayan na sexual abuse and harassment ni Weinstein ay naisapubliko noong October 2017 dahil sa #MeToo movement. Noong una ay natatakot magsalita ang ibang biktima ni Weinstein dahil sa power nito sa industriya.

 

 

Pero isa-isang lumabas ang mga ito para ikuwento ang mga ginawa ni Weinstein na kahalayan sa kanila.

 

 

Papakinggan ng jury ang bawat testimony ng mga ito bago sila magpataw ng verdict kay Weinstein.

(RUEL J. MENDOZA)

PBBM, inalala ang kabutihan at kagandahang-loob ng mga Pinoy sa Hawaii

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INALALA ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. ang kabutihan at kagandahang-loob ng mga Filipino at mga tao sa Hawaii sa kanyang pamilya noong 1986.

 

 

“I wouldn’t be here were if not for the compassion and kindness of our kababayans in Hawaii who gave us food and clothes when we arrived because we had nothing,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang courtesy call  ng mga opisyal at miyembro ng  Filipino Chamber of Commerce of Hawaii (FCCH) sa Palasyo ng Malakanyang.

 

 

Matatandaang, lumipad patungong Hawaii ang pamilya Marcos matapos ang EDSA People Power Revolution noong  1986 at nanatili roon hanggang sa pumanaw ang dating Pangulong  Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1989.

 

 

Sa nasabi pa ring meeting, tinalakay ni Pangulong Marcos sa  mga miyembro ng FCCH  ang inisyatiba ng administrasyon na panatilihin ang  post-pandemic growth momentum ng bansa.

 

 

Ang  FCCH ay kinukonsidera bilang  isa sa pinakamalaki at pinakalumang Filipino chambers sa Estados Unidos, nagbibigay suporta sa mga Filipino entrepreneurs sa Hawaii.

 

 

Nagbibigay din ang organisasyon ng regular networking meetings, valuable workshops at outreach trade missions sa Pilipinas.

 

 

Nauna rito, sa  official Facebook page nito, ibinahagi ng Office of the Press Secretary (OPS)  ang mga larawan ng naturang  courtesy call.

 

 

“Tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa Palasyo ang mga opisyal at miyembro ng Filipino Chamber of Commerce of Hawaii (FCCH) sa isang courtesy call ngayong araw, Oktubre 24,” ayon sa OPS. (Daris Jose)

Urban gardening at aquaponics project, inilunsad sa Navotas

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PORMAL na inilunsad ang Bio-diversified Fitness Project ng Bureau of Fire Protection (BFP), Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Navotas City.

 

 

Ito ay isang urban gardening at aquaponics project na naglalayong pagyamanin ang environmental sustainability at magsulong ng healthy and active lifestyle sa mga bumbero ng ating lungsod.

 

 

Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad ng naturang proyekto ay si Mayor John Rey Tiangco.

 

 

Bilang paunang mga binhi ng proyektong ito, nagtanim sila ng lettuce at sili at nagsimulang mag-alaga ng tilapia.

 

 

Samantala, pinasinayaan at pinabasbasan sa pangunguna ni Mayor Tiangco ang bagong Tangos Fire Sub-Station sa B. Cruz St., Brgy. Tangos North. Ang lumang gusali ay pinalitan ng bago na mayroong tatlong palapag at mas modernong mga pasilidad.

 

 

Ayon kay Mayor Tiangco, bahagi pa rin ito ng BFP Modernization sa Navotas upang maging mas handa sa pag-responde ang mga bumbero ng lungsod sa anumang kalamidad o emergency. (Richard Mesa)

PNP: Pamilya ng broadcaster na si Percy Lapid ‘binabantaan na rin ang buhay’

Posted on: October 26th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INIUTOS na ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. na paigtingin ang seguridad ng pamilya ng pinatay na radio broadcaster na si Percy Lapid (Percival Mabasa) sa dahilang nakatatanggap na rin sila ng death threats.

 

 

Ito ang ibinahagi ni Azurin, Martes, sa panayam sa kanya ng ANC ilang araw matapos maisama sa 160 “persons of interest” sa pagkamatay ng radio commentator ang suspendidong director general ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag.

 

 

“I already ordered the security of the family of Roy Mabasa, the brother [of Percy Lapid], at tsaka ‘yung family po ni Ginoong Percy ‘Lapid’ Mabasa, dahil nga po may natatanggap na silang death threats,” ani Azurin sa isang panayam kanina.

 

 

Lumabas ang nabanggit isang linggo matapos humarap sa publiko ang sumukong “gunman” sa Lapid killing na si Joel Estorial, na siyang tumanggap daw ng utos mula sa loob ng New Bilibid Prison. Una na niyang sinabing itinumba niya si Mabasa sa halagang P550,000 na kanilang pinaghati-hatian.

 

 

Matatandaang nasawi naman daw sa loob ng Bilibid ang isa sa mga “middleman” sa pagpatay kay Mabasa na si Jun Villamor sa parehong araw ng pagsuko ni Estorial, dahilan para masuspindi si Bantag ng 90 araw. (Daris Jose)