TINATAYANG umabot na sa 49 katao ang namatay habang mahigit isang milyong katao naman ang apektado ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng (international name: Nalgae).
Sa “8 a.m. situational report” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na 37 katao ang kumpirmadong namatay habang 11 naman ang nananatiling bina- validate.
Tinatayang 40 naman ang mula sa Bangsamoro region lamang, sinundan ng tatlo mula sa Soccsksargen, dalawa sa Western Visayas at dalawa sa Eastern Visayas, habang isa naman sa Bicol region.
Mayroon namang 22 indibidwal ang napaulat na nawawala habang 40 naman ang nasaktan.
Sa kabilang dako, may kabuuang 932,077 katao o 277,383 pamilya ang apektado sa 2,445 barangay sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera Administrative Region (CAR).
“As of Sunday,” 168,453 displaced people o 44,847 pamilya ang nananatili sa 2,125 evacuation centers, habang 196,293 displaced people o 88,348 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation centers.
Mayroon namang 40,319 katao o 10,948 pamilya ang “preemptively evacuated” sa iba’t ibang rehiyon dahil kay Paeng.
Ang pinsala sa agrikultura ay umabot naman sa P54,965,924.13 sa Western Visayas at Soccsksargen ayon sa Department of Agriculture.
Nakapagtala naman ang NDRRMC ng 714 houses damaged dahil kay Paeng, may 555 ang partially damaged at 159 naman ang totally damaged.
Mayroon namang 147 lansangan at 53 mga tulay ang hanggang sa ngayon ay hindi madaanan dahil kay Paeng.
May kabuuang 124 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng kawalan ng suplay ng kuryente.
Gayunman, naibalik naman na ang suplay ng kuryente sa 31 lugar.
Tinatayang 8 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng water supply interruption. Wala naman sa mga nasabing lugar ang naibaik agad ang suplay ng tubig ayon sa NDRRMC.
Sinasabing may 39 lugar sa Eastern Visayas ang dumanas ng interruptions sa kanilang communication lines.
Mayroon namang 75 seaports ang napaulat na non-operational o nagdeklara ng suspensyon ng byahe.
Sa airports o paliparan, 143 domestic at 20 international flights ang kanselado.
May kabuuang 7,782 pasahero, 2,433 rolling cargoes, 68 vessels, at 20 motor bancas ang na-stranded sa National Capital Region (NCR), Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Idagdag pa, sinabi ng NDRRMC na mayroong 379 flooding incidents, 60 landslides, anim na flash floods, 11 fallen o uprooted trees, at isang roadslip dahil kay Paeng.
Dahil sa bagyo, may 662 klase at 201 work schedules ang suspendido.
May kabuuang 55 lungsod at munisiplaidad ang idineklarang nasa ilalim ng state of calamity. (Daris Jose)