PINASIKAT na movie line ni Superstar Nora Aunor ay ang “walang himala” na hango sa kanyang 1982 film na ‘Himala’.
Pero sa tunay na buhay, ilang beses na raw nakaranas ng himala sa kanyang buhay si Ate Guy.
Sa naging kuwentuhan nila ni Boy Abunda sa ‘Fast Talk with Boy Abunda’, isiniwalat ni Ate Guy na tatlong minuto siyang namatay noong itakbo siya sa ospital noong December 2022 noong bumaba ang oxygen sa kanyang katawan.
Kuwento pa niya: “Namatay na ako ng three minutes. Itong mga nakaraan lang, ewan ko, ngayon ko lang sasabihin ito. Kasi ang nangyari noon, ‘di ba noong nagkakasakit ako, lalabas ako ng gabi sa ospital, madaling araw dadalhin na naman ako pabalik sa ospital.
“So may insidente na sabi ko sa kasama ko, ‘halika na, kasi bumababa na ang oxygen sa katawan’. So takbo na naman kami sa ospital. Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong sa akin. Hindi minadali na lagyan ako ng oxygen. Ang nangyari, humiga ako, pagkahiga ko nawalan na ako ng malay. Pagkagising ko, nandoon na ako ng ICU.”
Isang milagro raw na nagbalik si Ate Guy sa kanyang malay at sinabi umano sa kanya ng mga kaibigan na masuwerte siyang nabuhay muli.
“Ang sabi sa ‘kin, mahal ka ng Diyos, kasi ibinalik ka ulit. Siguro ‘yung misyon mo hindi pa tapos,” sey pa ni Ate Guy.
Noong ginagawa naman daw nila ang pelikulang ‘Himala’, nagkaroon ng matinding aksidente sa sasakyan na minamaneho ni Ate Guy.
“Ang nangyari pala, ‘yung salamin sa harapan, natanggal ‘yon sa sasakyan, pero buo. Hindi nabasag. ‘Yung manibela naman imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis ‘yon sa akin. Wala akong naramdamang sakit. Ang naramdaman ko lang ‘yung nauntog ang ulo ko doon sa may bintana,” kuwento pa niya.
Sa isang eksena naman daw sa Himala, bigla raw nawala ang boses niya: “Tatlong araw po akong walang boses noon. ‘Pag gising ko, sigaw ako nang sigaw, wala ako marinig na boses sa ‘kin.
“Salita ako ng salita, tanong ako ng tanong, bakit wala akong boses? ‘Yun lang ‘yung inaasahan ng mga tao, na makakakanta ako.”
Sa kabila ng nangyari, hindi raw bumitaw sa kanyang pananampalataya sa Diyos si Nora. Bumalik naman daw ang boses niya pagkaraan ng ilang araw. Kaya raw may mga eksena siya sa ‘Himala’ na wala siyang dialogue dahil iyon ang mga araw na wala siyang boses.
Mabuti na lang daw at magaling mangusap ng mga mata niya kaya naitatawid ang mga eksenang hindi siya nagsasalita.
***
BINALIKAN ni Sanya Lopez ang humble beginnings niya noong nagsisimula pa lang siyang mangarap na maging isang artista.
Kinuwento ng bida ng Kapuso mega serye na ‘Mga Lihim Ni Urduja’ na dumaan sa hirap ang pamilya nila noong pumanaw ang kanyang ama. Kaya nakasanayan daw nilang kumain ng tuyo, talbos ng kamote at bagoong bilang ulam nila.
“Lahat naman po yata nakakaalam na hindi po marangya ‘yung buhay namin. Nawalan po ako ng daddy noong isang taon (gulang) pa lang po ako. Kami po talagang magkapatid ni Jak (Roberto) at si mommy ang nagtulungan para maitaguyod ang pamilya. Hindi ko po kino-consider na ako lang din po ‘yun.
“Noong mga bata kami, naranasan namin ‘yung ah, mahirap pala ang buhay namin. Akala namin normal lang ‘yun. ‘Yung normal lang na kumakain kayo ng talbos ng kamote na nakuha lang diyan sa labas. Tapos masaya na kami kasi may bagoong ‘yun, ulam na namin ‘yun.
“May mga time rin, minsan wala pala kaming pangkain tapos uutang na lang tayo, ganoon ang nangyayari sa amin. Akala namin normal ‘yon.”
Dumating pa raw ang pagkakataon na nagkahiwalay silang tatlo. Si Sanya ay nasa Laguna habang ang Kuya Jak niya ay nasa Bulacan. Ang kanilang ina naman daw ay nagtrabaho sa Maynila.
Kaya noong kumikita na si Sanya sa pagsali nito sa mga beauty pageants at noong maging parte sila ni Jak sa programa ni German “Kuya Germs” Moreno na Walang Tulugan With The Master Showman, unang suweldo raw niya ay nanlibre siya sa isang kilalang fastfood reataurant.
“Kumain kami sa isang fastfood. Ang sabi ko ‘Ma masarap pala ito!’ Usually kumakain lang kami sa fastfood kapag birthday ko, kung sino ang may birthday, graduation. ‘Yun ang treat namin sa isa’t isa,” pag-alala pa ni Sanya.
Ngayon ay isa na si Sanya sa prime leading ladies ng Kapuso network na nagbida sa mga teleserye na Encantadia, Haplos, Dahil sa Pag-ibig, Cain at Abel, First Yaya, First Lady at ngayon sa Mga Lihim Ni Urduja.
(RUEL J. MENDOZA)