TINIYAK ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na may pondo para sa P1,000 social pension ng may apat na milyong mahihirap na senior citizens sa bansa.
Ito ay batay na rin sa kumpirmasyon sa kanila ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian na nagsabing ang karagdagan P25.6 bilyon na kakailanganin para sa dobleng halaga ng pensyon ay huhugutin sa “unprogrammed funds” ng kagawaran.
Ipinagmalaki ng kongresista na naging matagumpay ang kanilang pagsisikap na matiyak na magkaroon ng pondo ang dagdag na pensyon.
Sa ngayon, sinabi ni Ordanes na hinihintay na lamang ni Gatchalian ang implementing rules and regulations (IRR) na magmumula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Sa impormasyon naman ni Ordanes, Agosto pa nang simulan ng NCSC, na pinamumunuan ni Chairman Franklin Quijano, ang pagbalangkas sa IRR.
“Ang kailangan na lamang talaga ay ang IRR mula sa NCSC para matanggap na ng mga indigent senior citizens ang dagdag nilang pensyon na matagal na nilang hinihintay,” pahayag ni Ordanes, na lumabas na Top 10 sa performance rating sa hanay ng partylist representatives base sa RP-Mission and Development (RPMD) survey.