POSIBLE pa rin umanong masibak sa puwesto si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III, kung mapapatunayang guilty siya sa mga alegasyon ng korapsyon.
Ito ang naging tugon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista matapos na matanong kung maaari pa bang muling ma-dismiss si Guadiz mula sa LTFRB, sakaling mapatunayan sa isinasagawang imbestigasyon na siya ay sangkot sa korapsyon.
Ayon kay Bautista, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na bilisan ang isinasagawang imbestigasyon sa isyu dahil ang magiging resulta nito ang gagamitin nilang basehan sa paglalabas ng pinal na desisyon.
“Siguro ganun (madi-dismiss) mangyayari. Kaya nga hihintayin namin ‘yung result ng investigation ng NBI,” anang kalihim, sa naturang panayam. “So, tatapusin din naman ‘yung imbestigasyon na ‘yan. Kung ano man ‘yung magiging resulta niyan, ‘yun ang magiging basis natin dun sa final decision.”
Matatandaang noong nakaraang buwan ay lumutang ang dating executive assistant ni Guadiz, na si Jeff Tumbado, at inakusahan ang LTFRB chief, gayundin si Bautista, na sangkot sa korapsiyon sa ahensiya.
Nagresulta ito sa agarang pagsibak ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Guadiz.
Malaunan ay binawi rin naman ni Tumbado ang kanyang mga alegasyon at humingi pa ng paumanhin sa opisyal.
Nito namang Nobyembre 3, naglabas si Bautista ng isang special order upang maibalik sa puwesto si Guadiz, at naging epektibo ito nitong Lunes, Nobyembre 6. (Daris Jose)