NAG-ANUNSYO ang transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na maglulunsad sila ng 3-day “tigil pasada” upang tutulan ang pagpapatupad ng PUV consolidation na may deadline sa Dec. 31.
Itinakda ng PISTON ang darating na strike simula sa November 20 kung saan nila pinahayag sa isang press conference na ginawa noong nakaraang Miyerkules sa opisina ng Commission on Human Rights (CHR) sa lungsod ng Quezon.
“The December 31, 2023 deadline will automatically take away the livelihood of drivers and operators,” wika ni PISTON president Mody Floranda.
Sinabi ni Floranda na nakalagay sa provisions ng PUV consolidation na maaari pa rin silang mag-consolidate sa loob ng anim (6), 12, o 27 na buwan. Dagdag ni Floranda na ang ultimate na layunin ng pamahalaan ay magkaroon ng total phaseout ng mga traditional jeepneys.
Ang mga drivers at operators ng traditional jeepneys at UV Express unit ay kailangan mag consolidate bilang isang kooperatiba o korporasyon bago matapos ang deadline sa Dec. 31. Ang mga mabibigong mag consolidate ay kailangan huminto ng kanilang operasyon na siyang nakalagay sa provisions ng programa sa PUV modernization ng pamahalaan.
Ayon kay Floranda ay ito ang sagot ng pamahalaan sa darating na phaseout ng traditional jeepneys na sangayon sa initiative ng pamahalaan upang magkaroon ng pagbabago sa pampublikong transportasyon kung saan ang mga traditional jeepneys ay papalitan ng modern minibuses na “environmentally friendly.”
Ayon naman sa PISTON, ang modern jeepneys ay masyadong mahal na siyang magiging sanhi upang mahirapan ang operator kung siya ay uutang sapagkat ang isang unit ay nagkakahalaga ng P2.8 milyon.
May hinaing ang PISTON kung saan nila sinabi na ang programa ay para lamang mailipat ang pampublikong transportasyon sa mga kamay ng mga malalaking negosyante at korporasyon kung saan nila kukunin ang mga ruta at ang kabuyahan ng mga maliliit na operators.
Naglatag ang PISTON ng kanilang mga demands sa pamahalaan maliban sa pag-aalis ng PUV modernization program.
Ito ang mga sumusunod:
- Alisin ang franchise consolidation requirement at payagan ang may dating operators na nag-comply na mag-withdraw ng kanilang individual franchise.
- Ibalik ang five-year franchises ng PUVs at lahat ng modified PUV routes.
- Magbigay ng madaling cash aid at reasonable financial support sa lahat na affected na PUV drivers at small operators.
- Payagan na magkaroon ng kalayaan na magbuo ng grupo at irespeto ang karapatan na mag welga.
- Magpatupad ng “pro-people” na public transport modernization program na gagamit ng local at national industrialization at hindi aasa sa mga imported na sasakyan.
Magkakaroon ng pagpupulong ang Land Transportation Franchising and Regulation Board (LTFRB) upang pag-usapan ang napipintuhong gagawing welga ng PISTON.
“The LTFRB leadership vows to coordinate with other government agencies and the local government units on ways to provide free rides to the public should the strike pushes through,” wika ni LTFRB spokesperson Celine Pialago.
Dagdag naman ng PISTON na hindi tutol sa PUV modernization subalit kanilang sinusulong ang pagbabago na makatao at patas.
Pinangako naman ni President Ferdinand Marcos na kanyang rerepasuhin ang kontrobersial na modernization program ng mga public utility vehicles. LASACMAR