MAHAL namin si Paolo Contis kaya nababahala kami kapag iniisyuhan siya ng pagiging playboy.
Kaya mabuti naman at nag-guest siya sa ‘Fast Talk With Boy Abunda’ at sa harap mismo ng King of Talk ay kinlaro niya ang mga tsismis tungkol sa kanya.
Sa segment na ‘Talk Or Dare’ sumalang si Paolo at unang ipinalinaw sa kanya ang fake news na may relasyon sila ng Sparkle actress na si Arra San Agustin na co-host nila sa “Eat Bulaga!” ngayon.
Nag-ugat ang tsika sa dalawa dahil sa nag-trending na mga video clips at photos kung saan makikitang sweet sina Paolo at Arra.
Seryosong lahad ni Paolo, “‘Yung kumakalat sa amin ni Arra, it’s an edited video of a portion in “Eat Bulaga!” and it was maliciously edited.
“It’s a skit, a love triangle ni Arra, ako and tsaka ni Candy, played by Betong, and they just keep posting the Arra side of it.”
Nais raw ng ‘Eat Bulaga!’ na magbigay-kasiyahan sa publiko kaya may iba-iba silang pakulo at segment, na inakala naman ng iba ay totoong may ugnayan sina Paolo at Arra.
Bilang patunay na wala silang something ni Arra, isang mariing “Yes!” ang isinagot ni Paolo kay Tito Boy sa tanong ng beteranong host sa actor kung “Kayo pa ba ni Yen?
Early this year kinumpirma ni Paolo ang relasyon nila ni Yen Santos na leading lady niya sa pelikulang “A Faraway Land.”
Samantala, on his professional side, bukod sa ‘Eat Bulaga!’ at ‘Bubble Gang’ ay may pelikula si Paolo, ang ‘Ikaw At Ako’ nila ni Rhian Ramos at ipapalabas sa Disyembre 6 kung saan kasama rin nila sina Ronaldo Valdez, Boots Anson-Rodrigo at ang hunky actor na kaibigan namin, si Andrew Gan.
IKINALUNGKOT ng marami ang pagkakansela ng concert ng SB19 sa Singapore at Thailand at kasunod nito ay ang anunsiyo na hindi na rin tuloy ang show ng phenomenal group sa Dubai.
Parte sana ang mga series of shows ng Asian leg ng PAGTATAG! world tour ng SB19.
Sa pamamagitan ng kanilang post sa X (dating Twitter) ay humingi ng pasensiya ang grupo at ang kanilang talent management na 1Z Entertainment dahil sa twist of events.
“Your continuous patience and understanding are greatly appreciated.
“Pablo, Josh, Stell, Ken, and Justin will continue to work hard and prepare for their future performances with positivity and gratitude knowing that they have your unwavering support and trust,” bahagi ng kanilang announcement.
In-announce rin ang pagre-refund sa Black Star Entertainment Production via email dubai.pagtatagtickets@gmail.com.
Maging ang refund sa merch o merchandise ay sa pamamagitan ng uneckoproductionsmerch@gmail.com.
Kung ano ang lungkot ng mga nasa Singapore, Thailand at Dubai ay siya namang tuwa ng mga nasa Japan dahil may concert doon ang SB19 sa Tokorozawa Sakura Town sa December 9.
Wala pang malinaw na rason sa mga kanselasyon pero konektado ba ito sa pag-alis ng SB19 sa kanilang agency na ShowBT Entertainment at pagkakaroon ng sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment nitong Oktubre kung saan si Pablo ang tumatayong CEO?
(ROMMEL L. GONZALES)