• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 13th, 2024

Ika-161 na Malasakit Center, binuksan sa bayan ng Bocaue

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang makapagbigay ng accessible na serbisyong pangkalusugan at suporta sa mga Bulakenyo, pinangunahan nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Senador Joel “Tesdaman” Villanueva kasama sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang Pagbubukas ng Ika-161 na Malasakit Center sa Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan kamakailan.

 

 

Layong magsilbi bilang one-stop shop sa mga ahensiya kabilang na ang PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Department of Social Welfare and Development, magkakaloob ang Malasakit Center ng tulong medikal at pinansiyal sa mga kapus-palad na pasyente nang hindi na kinakailangan pang umalis sa lugar ng ospital upang ma-access ang mga serbisyo ng mga nabanggit na ahensiya.

 

 

Ipinaabot naman ni Fernando ang kanyang pasasalamat kina Senador Go at Villanueva at sa lahat ng mga taong nasa likod ng pagkakatayo ng ikaapat na Malasakit Center sa lalawigan.

 

 

“Ang center na ito ay nagpapatunay sa ating kolektibong adhikain na magbigay ng mas abot-kamay, abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat. Access to healthcare is a fundamental human right, and it is our duty as public servants to ensure that this right is upheld for every Bulakenyo,” anang gobernador.

 

 

Samantala, dinaluhan din ang paglulunsad ng mga opisyal ng Department of Health kabilang na sina Asec. Ariel Valencia, Usec. Maria Rosario Singh-Vergeire, Usec. Emmie Liza Perez-Chiong, Director Girlie Velozo, Regional Director Corazon I. Flores; Congressman Ambrosio Cruz, Bocaue Mayor Eduardo Villanueva, Jr., at Bocaue Vice Mayor Abgd. Sherwin Tugna; Dr. Renely Tungol, Medical Center Chief ng Joni Villanueva General Hospital; at iba pang mga kinatawan mula sa mga katuwang na ahensiya.

Grupo ni Manny Pangilinan may planong magkaroon ng buy out sa Ayala’s LRT1 stake

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TULOY ang plano ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) sa ilalim ni Manny Pangilinan na bilihin ang 35 porsiento investment ng mga Ayalas sa operator ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) upang mas mapalakas ang MPIC’s portfolio na siyang magbibigay daan sa tuluyang pag-bid sa nasabing railway.

 

 

 

“Our company is looking to acquire the Ayala’s stake in the Light Rail Manila Corp. (LRMC) to become its majority owner with a 70.8 percent share,” wika ni MPIC chairman Manuel V. Pangilinan.

 

 

 

Ayon kay Pangilinan ang acquisition ng MPCI sa interes ng mga Ayalas sa LRMC ay siyang magpapatibay at magtataas sa kanilang operasyon ng railway at palalakasin ang kanilang hangad na mag-bid sa concession upang sila na ang mag-operate at mag- maintain ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).

 

 

 

“I think the principle we are (keen on buying the Ayala stake in LRMC) for a number or reasons. One is the possibility of being able to bid for the MRT3,” dagdag ni Pangilinan.

 

 

 

Dati pa nagbigay ng isang unsolicited proposal ang MPIC upang sila ang mag manage ng MRT 3 subalit ang Department of Transportation (DOTr) ay hindi ito tinanggap sapagkat gusto ng DOTr na magkaroon ng mga bagong offers para sa proyekto.

 

 

 

Sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos, Jr. at sa pangunguna ni DOTr Secretary Jaime Bautista ay nakita ang kanilang kagustuhan na magkaron ng solicited bidding ang privatization ng transport assets.

 

 

 

Kung kaya’t gagawin ng DOTr ang kaparehong sistema sa operasyon ng maintenance ng MRT3 kapag ang kasundaan sa pagitan ng Sobrepena-led Metro Rail Transit Corp at DOTr ay nag- expire na sa 2025.

 

 

 

Noong nakaraang January, si Pangilinan ay nagpahayag ng kanyang intensyon na  makipag- partner kay San Miguel’s Ramon Ang sa isang bidding para sa kontrata na hahawak ng nasabing rail line. May plano rin ang San Miguel Corp. (SMC) na kunin ang operasyon at pangangasiwa ng MRT3 dahil ito ay makapagpapalakas sa operasyon ng ginagawang Metro Rail Transit Line 7 (MRT7) na kanilang tinatayo.

 

 

 

Ang LRT 1 at MRT 7 ay magdudugtong sa MRT 3 kapag natapos ng pamahalaan ang pagtatayo ng Unified Grand Central Station sa lungsod ng Quezon. Kung kaya’t magiging importanteng asset ang MRT3 sa pag take-over ng MPIC at SMC sapagkat magdudugtong ito sa kanila-kanilang railways sa north at south ng Metro Manila.

 

 

 

Noong February, sinabi ni Ayala Corp. chief finance officer Alberto de Larrazabal na ang grupo ng Ayala ay umaasang makaalis na sa railway business sa darating na anim na buwan bilang bahagi ng kanilang divestment program.

 

 

 

Inaasahan ng grupo ng Ayala na makakakuha sila ng $350 milyon mula sa kanilang disposal ng kanilang 35 porsiento na bahagi sa LRMC at bukas din sila sa idea na ibenta ang kanilang stake sa grupo ni Pangilinan. LASACMAR

Contingency plan sa El Niño, gawin – Sen. Win

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Sen. Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na gumawa ng mga contingency plan ngayong painit nang painit ang panahon para matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa gitna ng El Niño phenomenon.

 

 

Ayon sa PAGASA, inaasahang mararanasan ng bansa ang rurok ng El Niño ngayong summer season.

 

 

Sinabi ni Gatcha­lian, vice-chairperson ng ­Senate Committee on Energy, na noong 2022 humigit-kumulang 9% ng power capacity ng bansa ay mula sa hydroelectric power plants.

 

 

“Ang epekto ng El Niño ay magiging isang mala­king problema hindi lamang sa usapin ng seguridad sa pagkain, kundi pati na rin sa seguridad sa enerhiya. Malaking bahagi ng ating hydro areas ang makakaranas ng tagtuyot, at mababawasan ang kanilang output na magkakaroon ng epekto sa ilang bahagi ng bansa, kaya kailangan ng contingency plan lalo na’t parating na ang mas mainit pang mga buwan,” ani Gatchalian.

 

 

Upang mapawi ang epekto ng mas tuyong kondisyon ng panahon, kailangang tiyakin ng DOE na ang lahat ng kinakailangang pagkukumpuni at preventive maintenance ay maisagawa na upang maiwasan ang brownout.

 

 

Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga planta ng kuryente ay madaling bumigay pagdating ng tag-init dahil sa mas mataas na demand. (Richard Mesa)

Mister kinatay ng kapitbahay sa Navotas

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SINAMPAHAN na ng pulisya ng kaso ang isang mangingisda na walang habas na inundayan ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang naka-alitang kapitbahay sa Navotas City.

 

 

Kasong murder ang isinampa ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes sa Navotas City Prosecutor’s Office laban sa 43-anyos na si alyas “ Victor”, residente ng A. Cruz St. Brgy. Tangos South matapos siyang madakip sa follow-up operation nina P/Capt. Edward Adriano, Commander ng Navotas Police Sub-Station-2.

 

 

Ayon kay Col. Cortes, nangyari ang insidente ng pananaksak sa biktimang si alyas ‘Alfredo’, 45, dakong alas-9:10 ng Sabado ng umaga sa eskinitang malapit sa tirahan ng suspek sa A. Cruz St. na nakuhanan umano ng video ng kanyang mga kapitbahay.

 

 

Sa nakalap na pahayag ng ilang mga residente sa lugar, gabi pa lamang ng Biyernes ay nagkaroon na umano ng alitan at nagkainitan ang biktima at suspek na naawat naman ng kanilang mga kapitbahay.

 

 

Sabado ng umaga nang makita ng suspek ang biktima na patungo sa kanilang lugar, kasama ang isa pa, at sa pag-aakalang susugurin siya ng mga ito, kumuha ng patalim at sunod-sunod na tinarakan ang kaaway na narinig pang nagmamakaawa sa video na kuha ng kapitbahay.

 

 

Tanging isang matandang babae na posibleng kaanak ng suspek ang nakita sa video na pilit na umaawat kay ‘Victor’ sa patuloy na pananaksak kahit bulagta at nagmamakaawa na ang biktima.

 

 

Matapos ang pananaksak, isinugod ng ilang kalalakihan sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival. (Richard Mesa)

PBBM inimbitahan ang mga US companies na makiisa sa Build, Better, More High-Impact Projects

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT  ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga American companies makiisa sa proyekto ng administration ang “Build, Better, More” program na kinabibilangan ng 198 high-impact priority infrastructure flagship projects (IFPs), na nagkakahalaga ng US$148 billion o nasa mahigit P8 trillion.

 

 

Ginawa ng Pangulo ang imbitasyon ng humarap ito sa mga opisyal ng US government at sa Presidential Trade and Investment Mission (PTIM) delegation sa Malacanang.

 

 

Sinabi ng Pangulo ang mga pangunahing proyektong ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang mga sub-sektor, kabilang ang pisikal na koneksyon, mapagkukunan ng tubig, agrikultura, kalusugan, digital connectivity (telekomunikasyon), at enerhiya.

 

 

Ilalatag din ng gobyerno ang batayan para sa adhikain ng bansa na maging susunod na logistic hub ang Pilipinas sa Asya.

 

 

Ang pamumuhunan sa bansa ay nagtatanghal ng maraming pakinabang para sa mga mamumuhunan na nagnanais na lumago at lumawak.

 

 

Ayon kay Pang. Marcos ang Pilipinas na nasa gitna ng Timog-silangang Asya ay nag-aalok ng isang strategic na lokasyon para sa mga negosyo upang magtagumpay.

 

 

Bukod sa mga proyektong ito, hinihikayat din ang mga mamumuhunang Amerikano na ilagay ang kanilang pera sa pagpapaunlad ng sektor ng enerhiya ng bansa at paggalugad at pagproseso ng mga kritikal na metal, bukod sa iba pang mga lugar.

 

 

Ang pagdating ng US mission sa bansa ay katuparan ng pangako ni US President Joe Biden kay Pangulong Marcos sa kanyang pagbisita sa Washington, D.C. noong Mayo 2023.

 

 

Nangako si Biden na magpadala ng mataas na antas na delegasyon sa Pilipinas para pahusayin ang relasyon sa pamumuhunan at kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa. (Daris Jose)

7 sa 10 Pinoy handang lumaban – survey

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PITO  sa 10 Pilipino ang nagpakita ng kahandaang ipagtanggol ang Pilipinas mula sa mga kaaway na bansa.

 

 

Sa survey na isinagawa ng OCTA Research na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nasa 77% ng Filipino adults ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na idepensa ang bansa.

 

 

      “Across major areas, at least 60% of adult Filipinos are willing to fight for the country, with the highest percentage observed in Mindanao (84%) and the lowest percentage in Visayas (62%),” nakasaad sa report ng OCTA Research.

 

 

      Ang naturang resulta ng survey ay sa gitna ng umiigting na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

 

 

      Sa naturang survey, ang Davao at Caraga region ang nakapagtala ng pinakamataas na percentage na 96% ng adult Filipinos na sasabak sa labanan habang 95% ang Soccsksargen.

 

 

Nasa 52% naman ang Central Visayas  samantalang 54% sa Bicol Region.

 

 

“There are more adult Filipinos in the urban areas (80%) who are willing to fight for the country in the event of a conflict with a foreign enemy compared to those in the rural areas (73%),” anang OCTA.

 

 

      Nasa 80 porsiyento naman ng mga Pilipino sa Class D ang nagpakita ng pagnanasa ng pagkiki­paglaban habang ang mga edad 45-54 na gustong lumaban para sa Pilipinas ay 87%.

 

 

Nakapagtala ng 69% ang mga nasa edad 65-74 na hindi handang lumaban para sa Pilipinas.

 

 

Mas marami namang kalalakihan ang nagpakita ng interes na lumaban sa 82% kumpara sa kababaihan na 72%.

 

 

      Pumalo sa 86% ng mga Pilipino na vocational education ang interesado na makipaglaban para sa bansa kumpara sa mga college at postgraduate na 70%.

 

 

      Matatandaang walang tigil ang China Coast Guard sa pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas na nagsagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal na humahantong sa pagkasugat ng ilang Pilipino.

Sex book, bday gift ni PBBM sa anak na si Sandro

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NIREGALUHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang anak na si Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander ”Sandro” Marcos, ng isang sex book na may pamagat na ”Sex for Lazy People: 50 Effortless Positions So You Can Do It Without Overdoing It.”

 

 

Ang nakababatang Marcos ay nagdiwang ng kanyang ika- 30 taong kaarawan nito lamang Marso 7.

 

 

”I have my own present for you. Because you are practically a senior citi-son, I found you this guide, ‘Sex for Lazy People.’ It is in the mail. Read it well. It will help you. Happy birthday, Sandro,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang kamakailan lamang na vlog.

 

 

Pinayuhan din ng Pangulo ang kanyang anak at iba pa na 30 taong gulang na ”learn to slow down when you must.”

 

 

”Listen to your body. Don’t burn the candle at both ends too much,” ayon payo ng Chief Executive.

 

 

Pinayuhan din niya ang batang Marcos na huwag ikompromiso ang ilang prinsipyo gaya ng Panginoon, kanyang pamilya at bansa.

 

 

Para naman kay Unang Ginang Louise ”Liza” Araneta-Marcos, ang birthday gift nito sa kanyang anak ay isa ring libro na may pamagat na “Be More Taylor: Fearless Advice on Following Your Dreams and Finding Your Voice.”

 

 

Pinayuhan din niya ang kanyang anak na palaging bigyan ng importansiya ang kahalagahan ng pamilya at palaging humingi ng paumanhin sa lahat ng oras. (Daris Jose)

Dahil hindi pa tapos ang buhay… GELLI, hoping pa rin sa KathNiel dahil nagkabalikan sila ni ARIEL nang mag-break

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ANG huling proyekto ni Gelli de Belen ay ang ‘2 Good 2 Be True’ ng Kapamilya Channel noong 2022. 

 

 

Bida rito sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, na tulad ng alam na ng lahat ay hiwalay na matapos ang labing-isang taong relasyon.

 

 

Hiningan namin si Gelli ng reaksyon tungkol sa breakup ng KathNiel.

 

 

Lahad ni Gelli, “Oo nga. It’s unfortunate pero tingin ko parang lahat naman tayo sa buhay, di ba parang, we all go through heartbreak and changes.

 

 

“And maybe ito yung time para sa kanila… mga bata pa yang mga yan, kung nauukol bubukol, malay mo?

 

 

“Pero kung hindi maybe it’s time for them to do other things and discover themselves. Feeling ko more than anything sa kanila parang, baka iyon ang pinaka-importante.”

 

 

Kanino siya mas close, kay Kathryn o kay Daniel?

 

 

“Well both… maybe because siyempre kaibigan ko si Karlalu [Karla Estrada na ina ni Daniel], pero siyempre, si Kath baby girl ko iyan sa 2 Good 2 Be True so mas madalas ko nakakasama si Kath.

 

 

”Siyempre pag girl di ba mas open? Pero si DJ [Daniel], si DJ yan e, parang pamangkin ko na rin yan, e, so ano yan…”

 

 

So kanino siya mas kampi o nakikisimpatiya?

 

 

“Wala! Wala, wala, wala. Wala, none at all.”

 

 

Noong nagte-taping sila ng ‘2 Good 2 Be True’ wala bang naikuwento sa kanya si Kathryn?

 

 

“Wala naman.”

 

 

At dahil isa sina Gelli at mister niyang si Ariel Rivera sa pinakamatibay at matatag na relasyon sa showbiz, ano ang maaaring ibahagi ni Gelli sa mga mas nakakabatang showbiz couples para magtagal rin ang pagsasama?

 

 

“Siguro talagang ano, pag mahal mo ang isang tao, kapag nahihirapan kang masyado at sumasama ugali mo baka mamaya… it’s time to move on,” at tumawa si Gelli.

 

 

“But pinaka-importante talaga,” pagpapatuloy pa ni Gelli, “yung kumpleto ka na sa sarili mo, huwag mong iaasa sa kanya yung kaligayahan mo.

 

 

“Kailangan maligaya ka on your own. You love yourself, you’re happy to be yourself and happy with yourself, iyon ang importante bago ka puwedeng talagang may makasama na magwo-work.

 

 

“Kasi ang tendency is kung marami kang insecurities, hindi ka happy sa sarili mo, hindi ka proud kung sino ka hahanapin mo sa ibang tao yung happiness at pride na yun, e.

 

 

“Kawawa sila dahil hindi nila maibibigay sa iyo yun ng buung-buo. So kailangan buo ka muna.”

 

 

Ganoon raw sila ni Ariel.

 

 

“Tsaka siyempre pag may mahal ka di ba parang gusto mo talagang mag-give? Huwag kang magbilang, na kung ilan ang ibinigay mo, kung ilan ang ibinigay mong bulaklak, kung ilan ang binigay mo na service sa kanya.

 

 

“Huwag mong bibilangin. Basta if you love someone give it! If it doesn’t come back, it doesn’t come back pero happy ka kasi binigay mo…”

 

 

Sa tingin ba niya ay may pag-asa pang magkabalikan sina Kathryn at Daniel?

 

 

“Hindi pa tapos ang buhay. Kami nga ni Ariel nagkabalikan, e!”

 

 

Isang beses raw silang nag-break ni Ariel noon na umabot ng tatlong buwan bago sila muling nagkabalikan.

 

 

Samantala, 2019 huling napanood si Gelli sa GMA (sa seryeng ‘Beautiful Justice’) at makalipas ang limang taon ay nagbabalik-Kapuso si Gelli bilang host naman ng ‘Si Manoy Ang Ninong Ko’.

 

 

Bakit matagal siyang hindi nagkaroon ng proyekto sa GMA?

 

 

“Well kasi napunta ako sa TV5,” at tumawa si Gelli, “matagal din ako sa TV5, and eventually after TV5 hindi muna ako nag-host.

 

 

“Nag-teleserye, kung anu-ano, pinasok ko. Tapos I’m back,” bulalas pa ng actress/TV host.

 

 

Kasama ni Gelli na mga host ng public service program na Si Manoy Ang Ninong Ko sina Agri Party-list Wilbert Lee, Sherilyn Reyes-Tan at Patricia Tumulak.

 

Mapapanood ito tuwing Linggo, alas siyete ng umaga, sa GMA.

(ROMMEL L. GONZALES) 

Deadma pa rin sa isyu sa lovelife: SUNSHINE, hinangaan sa pagrampa na naka-two piece sa fashion show

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
İSA si Donita Rose nagtataglay ng magandang mukha sa mga member ng programang “That’s Entertainment” noon ng namayapang German Moreno. 
 Pero ayon pa sa aktres at TV host ay hindi man lang sumagı sa isip ng TV host-actress na maganda siya nung mga panahon na yun.
  Basta ang nasa ısıpan niya ay naramdaman niyang kasiyahan dahil isa na nga siya sa mga pinalakpakan at hinangaang kabataan ng “That’s Entertainment”.
  Kakaiba pa rin naman si Donita sa iba niyang mga kasamahang miyembro dahil lumaki siyang mahiyain at mababa ang self-confidence kahit na palagi siyang sinasabihan ng mga tao na mukha siyang manika.
  Pero ngayon ayon pa rin kay Donita ay nawala raw lahat yun dahil na rin sa mga turo at mga natutunan niya sa mga nakasalamuha o nakasama niyang nasa mundo ng pelikula at telebisyon.
***
HANGGANG ngayon ay tikom at ayaw magkomento ni Sunshine Cruz tungkol sa isyung siya na raw ang bagong apple of the eye ng negosyanteng si Atong Ang.
  Katwiran pa raw ni Sunshine ay hindi na siya bata para pag-usapan pa ang kanyang “lovelife” kung meron man.
   Pati ang isyung nagseselos na raw kay Sunshine ang isang na involve romantically sa negosyante ay deadma pa rin siya.
  Mahigpit na raw ang pagbabantay ng sinasabing girlfriend ni Atong Ang at pati pa rin daw mga lakad ni Sunshine ay inaalam raw nito.
   At ang latest itinanggi na raw ni Atong ang tungkol sa panliligaw nito sa isa sa mga bagong endorser ng Bench clothing.
   Ayon pa raw kay Atong ay may ibang girlfriend daw siya pero marami naman ang hindi naniniwala.
   May nagsabi pang hindi raw mismo galing kay Atong Ang ang pahayag na yun. So alam na natin kung kanino galing yun, huh!
   Well, anyway marami ang napahanga sa pagrampa ni Sunshine na naka-two piece sa Bench Fashion Week.
   At 46 na may tatlong equally beautiful daughters ay nagpasalamat si Sunshine dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya ng Bench.
***
MAGKASAMANG um-attend sa 2024 Asian Film Awards sina Janella Salvador at Win Metawin na ginanap sa Hong Kong.
   Sa napanood naming video ay pinalakpakan at tinitian nang husto ng mga fans ang dalawa sa red carpet premiere ng nabanggit na showbiz event.
  Part marahil ng promo ng pelikula nilang “Under Parallel Skies” ang pangyayari ng yun.
  Isang Irish na overseas Filipino worker si Janella sa naturang movie na nakatakdang ipapalabas sa darating na April 17.
  Ngayon pa lang nakapareha ni Janella ang Thai superstar at ito rin ang first international film ni Win Metawin.
(JIMI C. ESCALA)

Ads March 13, 2024

Posted on: March 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments