NASAKOTE ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa 25-anyos na magaling sa larong bilyar habang nakikipag-inuman sa kanyang mga ka-tropa sa Malabon City.
Bukod kay alyas “Raffy”, 43, residente ng Dumpsite, Sitio 6, Brgy. Catmon, binitbit din nina P/Lt. Melanio Medel Valera III, Commander ng Malabon Police Sub-Station 4, ang kanyang kainuman na si alyas “Roque”, 31, nang pumapel at tinangkang pigilan ang mga pulis sa lehitimong operasyon.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/SSg Michael Oben, nangyari ang insidente ng pagpatay habang naglalaro ng bilyar ang nasawing si alays ‘Kirk’ at 23-anyos na testigong si alyas “Jayson” noong Sabado ng gabi sa Pisaca Sitio 6, Brgy, Catmon.
Sa ulat, bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .45 baril at malapitang pinaputukan sa ulo ang biktima sa harap mismo ng kalaro niyang testigo. Naisugod pa ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit, hindi rin ito umabot ng buhay.
Sa pahayag ng live-in partner ng biktima kay SSg. Nalogoc, bago nangyari ang pagpatay ay nanalo pa umano sa larong bilyar ang kanyang kinakasama pero humirit ang kalaro ng isa pa subalit, tinanggihan na ng biktima.
Dahil sa impormasyong ibinigay sa pulisya ng testigo na kalaro ng biktima, walang humpay na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya hanggang matunton ang suspek habang nakikipag-inuman sa Dumpsite Sitio 6 noong Linggo ng gabi na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Araw ng Martes nang isampa na ng pulisya ang kasong murder laban sa suspek at obstruction of justice naman kay alyas Roque sa Malabon City Prosecutor’s Office habang isinailalim pa sa ballistic examination ang isang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola na nakuha sa crime scene. (Richard Mesa)