• November 8, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 2nd, 2024

Public safety at security measures sa mga mall, aprubado ng NPD

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

APRUBADO sa Northern Police District (NPD) ang mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng publiko na ginagawa ng mga shopping mall sa mga lungsod ng Caloocan, Valenzuela at Malabon.

 

 

Personal na pinangasiwaan at ininspeksyon ni NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas ang security forces ng SM Malls sa Grand Central at Sangandaan sa Caloocan, gayundin ang SM Valenzuela at SM Savemore Market ng Malabon sa general assembly at joint tactical inspection na ginanap sa parking lot ng Grand Central.

 

 

“Pinupuri namin ang inisyatiba ng pamunuan ng SM Malls sa pagsasagawa ng kanilang regular assessment sa kanilang security and safety measures na mahalaga para sa interes ng publiko lalo na ang mga mall-goers,” aniya.

 

 

Ang aktibidad ay naglalayon sa assessing the security manpower skills upang subukan ang kahusayan sa pagsasanay ng mga frontline staff ng mall sa pagresponde nang ligtas, responsable, at epektibo sa mga emergency na sitwasyon, sabi ng pinuno ng Security Affairs ng SM na si Almus Alabe.

 

 

Sa ginanap na event, ipinakita ng mga Emergency Response Team (SMERTs) ng SM ang kanilang kahandaan at paghahanda sa sakuna para sa mga potensyal na panganib na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng customer at pagpapanatili ng negosyo.

 

 

Pinuri at ginawaran naman ang mga empleyado at guwardiya na nagpakita ng huwarang pag-uugali sa pamamagitan ng pagsasauli ng pera at iba pang mahahalagang bagay sa mga parokyano ng mall.

 

 

“The General Assembly and Joint Tactical Inspection is part of the annual exercise conducted by SM to assess personnel compliance with the company’s security standards and policies and this exercise is observed across all SM Supermalls nationwide,” ani SM’s Senior Vice President for Special Projects Bien Mateod.

 

 

Hinikayat din ni Gapas ang iba pang mga shopping mall at supermarket sa kanyang teritoryo na magsagawa ng katulad na mga hakbangin dahil mahalaga aniya mapanatili ang epektibong mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng publiko at kanilang mga manggagawa at mall-goers.

 

 

Dumalo rin para siyasatin ang performance ng security force ng malls sina Vice President for Mall Operations Junias Eusebio, Senior Assistant Vice President for Mall Operations Johanna Melissa Rupisan at Senior Assistant Vice President for Customer Relations Services Charleston Tan. (Richard Mesa)

2 kulong sa baril at patalim sa Caloocan

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

LAGLAG sa selda ang dalawang lalaki matapos mahuli sa akto na may dalang baril at patalim habang pagala-gala sa lansangan sa Caloocan City.

 

 

Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang maaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 5 sina alyas “Balong” alyas “Rudy” sa Reparo St., Brgy. 149, Bagong Barrio dahil sa pagdadala ng baril at patalim.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang isang cal. 9mm na may isang magazine na kargado ng dalawang bala at isang folding knife.

 

 

Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang SS5 mula sa Brgy. 149 at inireport sa kanila ang hinggil sa dalawang kahina-hinalang lalaki na paikot-ikot malapit sa paligid ng Barangay Hall kung saan isa sa mga ito ay armado umano ng baril.

 

 

Kaagad rumesponde sa lugar ang mga pulis subalit, nang mapansin ng mga suspek ang kanilang presensya ay nagtangkang tumakas ang mga ito ngunit nagawa naman silang makorner at maaresto ng mga parak.

 

 

Ayon kay Col. Lacuesta, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC, BP 6 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act. (Richard Mesa)

Peralta, itinalaga ni PBBM bilang PNP OIC

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Lt. Gen. Emmanuel Peralta bilang officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng pagreretiro ni Gen. Benjamin Acorda Jr.

 

 

“In the exigency of the service, and to ensure the continuous and effective delivery of service, please be informed that Police Lieutenant General Emmanuel Baloloy Peralta is designated as concurrent Officer-in-Charge, Office of the Chief, PNP, effective 31 March 2024, until a replacement is appointed or until otherwise directed by this office,” ang nakasaad sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

 

 

Ang naturang memorandum, may petsang Marso 27, ay naka- addressed kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr.

 

 

Ang PNP ay isang attached agency ng DILG.

 

 

Si Peralta ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sambisig” Class of 1991 kung saan bago ito mapili bilang PNP OIC Chief ay nagsilbi siya bilang deputy chief for administration.

 

 

Samantala, nagpapasalamat ang buong hanay ng Pambansang Pulisya kay Pangulong Marcos at Abalos dahil sa tiwala at suporta kay Gen. Peralta.

 

 

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo maituturing na crucial ang pagkakatalaga kay Peralta bilang OIC chief ng PNP kung kaya’t sinabi nitong committed ang buong hanay ng pulisya sa mga programa ng kasalukuyang administrasyon na layong itaguyod ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.

 

 

Sa ilalim aniya ng panunungkulan ni Gen. Peralta ipagpapatuloy ang mga magagandang programa ng mga nakalipas na pinuno ng PNP tulad ng iiwang legasiya na “KASIMBAYANAN” ni outgoing PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. (Daris Jose)

Umaasang mamahalin din ang role sa bagong serye… GABBY, constant ang communication sa mga kapatid lalo na kay ANDI

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BILANG mabait at matapang na commander ng Earth Defense Force, minahal ng publiko ang karakter ni Gabby Eigenmann bilang si Commander Robinson sa ‘Voltes V: Legacy’ na umere sa GMA noong 2023.

 

 

Marami nga ang naapektuhan at nalungkot noong namatay si Commander Robinson sa kamay ng mga aliens na Boazanian habang ipinagtatanggol ang anak niyang si Jamie Robinson na ginampanan ni Ysabel Ortega.

 

 

At kagabi, April 1, 2024 ay ipinalabas na ang ‘My Guardian Alien’ kung saan gaganap si Gabby bilang si Dr. Ceph.

 

 

Kung minahal siya bilang Commander Robinson, ganoon rin ba ang magiging reaksyon ng publiko kay Dr. Ceph?

 

 

“To answer that question, iyon ang goal ko,” umpisang tumatawang sagot sa amin ni Gabby, “na sana mahalin.

 

 

“But, kasi yung character ko bestfriend ni Tukayo,” pagtukoy ni Gabby sa male lead ng kanilang serye na si Gabby Concepcion, na amily friend nila.

 

 

“Kung babasehan natin sa back story iba yung paniniwala ko sa alien, medyo hindi maganda.

 

 

“Kaya I don’t think people would love, but I hope people would understand kung saan nanggagaling yung character ko kasi hindi naman siya pinalaki or lumaki na masamang tao.

 

 

“Pero siyempre they would expect na, ‘O pag sinabing Gabby Eigenmann another contravida role.’

 

 

“Panoorin nila, panoorin niyo para malaman niyo hindi siya masamang tao. So may chance na puwede niyo siyang mahalin at maawa sa kanya.”

 

 

 

Kinumusta naman namin si Gabby sa kanyang muling pagsabak sa trabaho, sa taping ng ‘My Guardian Alien’, gayong kagagaling lamang niya sa isang malungkot na karanasan at marahil ay patuloy na nagluluksa sa pagpanaw ng aktres na si Jaclyn Jose na stepmother ni Gabby.

 

 

 

Si Jaclyn ay naging karelasyon ng ama ni Gabby na si Mark Gil; pumanaw ang mahusay na aktres nitong March 2 dahil sa heart attack.

 

 

Lahad ni Gabby, “Actually masasabi ko na yes it’s nice to go back to work kasi nga these past few weeks e medyo, has really been heavy, sa family.

 

 

“But… actually in the middle of the whole week, na during the process of the wake nakapagtrabaho ako in between. I just needed a new scenery.

 

 

“So that helped a lot,” pakli pa ni Gabby.

 

 

“And ngayon we’re still in constant communication kami ng mga kapatid ko especially si Andi,” banggit naman ni Gaby tungkol sa half-sister niyang si Andi Eigenmann na anak nina Jaclyn at Mark, “we’re okay.

 

 

“We’re okay, we’re holding on to each other, we’re giving each other strength, as we face new life.

 

 

“Okay naman, okay,” pagtatapos pa ni Gabby.

 

 

Sa naturang serye ay bida sina Marian Rivera bilang si Katherine at Gabby bilang si Carlos kasama sina Raphael Landicho as Doy, at Max Collins as Venus.

 

 

Kukumpleto sa cast sina Marissa Delgado as Nova, Kiray Celis as Marites, Josh Ford as Aries, Caitlyn Stave as Halley, at si Christian Antolin as Sputnik.

 

 

Mapapanood ito weeknights @ 8:50 pm sa GMA Prime sa direksyon ni Zig Dulay.

(ROMMEL L. GONZALES)

Ads April 2, 2024

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Dahil sa kakaibang husay sa pag-arte… ROYCE, umani ng mga papuri mula sa veteran cast ng ‘Makiling’

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MULA nang magsimula noong 2024 bilang opening salvo ng GMA Public Affairs, ang revenge drama na ‘Makiling’ ay nabighani ng mga manonood sa bawat episode, at sa mga teaser nito na nakakuha ng milyun-milyong view online.

 

 

Ang lead actress nito, Sultry Leading Lady Elle Villanueva, ay binihag ang madla sa kanyang kagandahan at epektibong paglalarawan ng kanyang karakter na si Amira.

 

 

Mula sa pagiging biktima ng isang grupo ng mayaman, makapangyarihan, at sadistikong mga bully, bumalik si Amira upang maging makapangyarihang CEO ng sarili niyang kumpanya na ngayon ay hinahabol ang kanyang mga kalaban.

 

 

Nakatanggap din ng papuri kamakailan para sa kanyang mga acting chops ang kapwa Sparkle artist na si Royce Cabrera, na ang karakter na si Ren, ay nabunyag na may malalim at madilim na lihim. Isang sikreto na naging dahilan upang maging ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay tumalikod sa kanya.

 

 

Bilang isa sa Crazy 5, ang karakter ni Royce ay nakakaakit ng galit ng mga manonood – at nararapat lang. Kasama nina Kristoffer Martin, Myrtle Sarrosa, Teejay Marquez, at Claire Castro, ginawa ni Ren na isang buhay na impiyerno ang buhay ni Amira.

 

 

Inagaw pa niya ang lola ni Amira na si Lola Ising (Lui Manansala), na nagbanta sa buhay nito.

 

 

Sa isang nalalapit na episode ng Makiling kung saan humihingi ng tulong si Ren sa kanyang mayaman at makapangyarihang mga kamag-anak, hinangaan ng kanyang mga beteranong co-stars ang husay sa pag-arte ng Cinemalaya actor.

 

 

Ang award-winning na aktor na si Mon Confiado, na gumaganap bilang Franco Terra sa serye, ay nagsabi kung paano si Royce ay isang ‘kamangha-manghang, matalino’ na aktor.

 

 

“Yung scene namin na nagmamakaawa si Ren (Royce) was a total twist of his character. Grabe yung ibinigay niyang transformation, from his tough character (as one of the Crazy 5) to a weak one begging for our mercy,” pagbabahagi ni Mon.

 

 

“And during that begging scene, hindi bumibitaw si Royce sa emotions niya kahit madaming shots and angles ang aming director. Grabe yung discipline ni Royce as an actor. Ang galing niya!”

 

 

Si Ren ay pamangkin ni Franco, na pinangako sa kanyang sarili na ipagtanggol ang pamilya Terra – kahit na sa kapinsalaan ng pag-abuso sa kanyang kapangyarihan sa puwersa ng pulisya.

 

 

Ang lahat ng kanyang mga pagsisikap ay walang kabuluhan, nang itakwil siya ng pamilya Terra matapos ang isang iskandalo na may kaugnayan sa trabaho ay isinapubliko ni Amira.

 

 

“Napakahusay niya. Carried away kami sa kanyang performance,” sabi ni Andrea Del Rosario kay Royce nang humihingi si Ren ng awa.

 

 

Si Andrea ay gumaganap bilang Natalie Terra sa serye.

 

 

“Naawa talaga ako sa kanya which I was not supposed to feel that way as Natalie but he was so good, of course internally, naramdaman ko yung desperation ko,” sabi niya.

 

 

Nadala ni Royce ang kanyang karakter sa ibang antas nang kailanganin ni Ren na harapin ang kanyang ama, si Chief Santi Ibarrola, na ginampanan ni Ian de Leon.

 

 

Authoritarian at stickler kung paano dapat kumilos ang mga lalaking naka-uniporme, hindi nag-aksaya ng oras si Chief Santi na ihagis ang libro kay Ren.

 

 

Nag din ng papuri ang beteranong aktor para kay Royce.

 

 

“‘Yung eksana natin na bugbugan, medyo mahirap ‘yun but we pulled it off,” sambit ni Ian.

 

 

“Dahil sa utmost talent mo, sa pinakita mong galing, pinakita mong 100 percent na dedication doon sa work mo.”

 

 

“Hands down ako sa’yo (Royce) dahil pinakita mo lahat ng makakaya mo. At higit sa lahat ang iyong kakaibang istilo ng paggawa. Pinakita mo yung signature talent mo,” dagdag pa ng aktor.

 

 

Hinahangaan din ni Ian si Royce sa pagiging “down to earth actor.”

 

 

“Ang galing eh, kasi you wouldn’t expect someone with this caliber doing their craft, doing an acting career na ganoon na yung level ng expertise. Mukhang veteran na rin eh.”

 

 

Panoorin ang matitinding pangyayari sa ‘Makiling’, weekdays, 4 pm after “Lilet Matias: Attorney-at-Law” sa GMA Afternoon Prime.

 

Global Pinoys can catch it via GMA Pinoy TV.

(ROHN ROMULO)

MC Taxi expansion, tigil na – LTFRB

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ITINIGIL na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Motorcycle Taxi expansion o ang pagpaparami pa ng bilang ng mga Motorcycle taxi na magsasakay ng mga pasahero.

 

 

Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, head ng Technical Working Group para sa pilot study ng MC Taxi service sa bansa, magsusumite na ang TWG ng rekomendasyon sa Kongreso ngayong Mayo hinggil sa kalalagayan ng MC taxi service kaya itinigil na nila ang pagdaragdag ng bilang ng mga MC Taxi operators na kasali sa pilot study.

 

 

“Magsa-submit na ang TWG ng recommendation sa Kongreso ngayong Mayo nang resulta ng aming ginawa… ” sabi ni Guadiz. Anya, ang desisyon ng Kongreso ang susundin ng LTFRB hinggil sa magi­ging kalagayan ng mga MC Taxi service sa bansa.

 

 

Nilinaw ni Guadiz na ang MC Taxi ay sagot sa problema ng pagkalat ng mga habal-habal na mga motorsiklo na nagsasakay ng pasahero ng walang permiso mula sa LTFRB.

 

 

Ang MC Taxi service anya ay trained ang mga driver at mayroon ding insurance ang mga pasahero nito. Sagot anya ito sa matinding daloy ng trapiko. Sa ngayon anya ay may 51,000 slots ng MC Taxi sa Metro Manila at hindi na ito madaragdagan pa.

Proud na proud din ang bf na si Ruru… BIANCA, honored na kasama ang movie nila ni NORA sa filmfest sa Nagoya

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPALALABAS sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Japan sa darating na Mayo ang Pinoy horror movie na “Mananambal,” na pinagbibidahan nina Bianca Umali at Nora Aunor.

 

 

Sa Instagram, ibinahagi ni Bianca ang pagkakasama ng kanilang pelikula sa nasabing film festival na gagawin sa Nagoya sa May 25 at 26, 2024.

 

 

“Honored to be given this opportunity and to experience this side by side with our National Artist, the one and the only Ms. Nora Aunor,” caption ng Sparkle actress.

 

 

Ang “mananambal” ay tinatawag ding mga “manggagamot” sa tradisyonal na paraan at may kakayahan din umano na manakit.

 

 

Ang pelikula ay sa direksyon ni Adolfo Alix Jr. at kasama rin sina EA Guzman at Kelvin Miranda.

 

 

Binati naman si Bianca ng kanyang boyfriend na si Ruru Madrid sa bago nitong pelikula.

 

 

“Congratulations sa aking Mahal! Alam ko kung gaano mo ito pinaghandaan at pinagpaguran, kaya sigurado akong magtatagumpay ka at ang lahat ng bumubuo ng pelikula na ito,” caption ng ‘Black Rider’ star sa IG post nito.

 

 

***

 

 

MATAPOS aminin noong nakaraang taon na hiwalay na sila ni Pancho Magno, in love na kaya ngayon si Max Collins?

 

 

Mabilis na sagot ni Max ay “no” pero may mga nagpaparamdam daw sa kanya na mga boys at panay tanggi raw nito na makipag-date.

 

 

In fact, yung huling guy na tinanong siya kung libre ba itong makipag-date, sinagot ito ni Max ng “hindi”.

 

 

Rason ni Max kung bakit tine-turn down niya ang makipag-date, sagot nito na mas gusto raw niyang unahin ang sarili niyang kaligayahan.

 

 

“I finally learned that I should love myself first,” pag-amin ni Max na wala pa raw siya sa stage na gusto niyang makipagrelasyon ulit.

 

 

Kasama si Max sa cast ng ‘My Guardian Alien’ na bida sina Gabby Concepcion at Marian Rivera.

 

 

***

 

 

PUMANAW na sa edad na 87 ang Hollywood actor na si Lou Gossett, Jr. sa Santa Monica, California noong March 28.

 

 

Kilala si Lou bilang first black actor na manalo ng Oscar Award for Best Supporting Actor para sa 1983 film na ‘An Officer And A Gentleman.’

 

 

Taong 1953 noong nagsimula sa pag-arte si Lou sa edad na 16 via the Broadway play ‘Take A Giant Step.’ Sumikat siya dahil sa paglabas niya sa film version ng ‘A Raisin In The Sun’ noong 1961. In 1977, nakasama si Lou sa cast ng groundbreaking mini-series na Roots.

 

 

Huling napanood si Lou sa remake ng pelikulang ‘The Color Purple’ noong 2023.

 

 

(RUEL J. MENDOZA)

Nat’l Maritime Council sa gitna ng ‘range of serious challenges’, tinintahan ng Pangulo

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 57 na lilikha ng National Maritime Council (NMC) para palakasin ang maritime security ng Pilipinas at itaas ang maritime domain awareness ng mga filipino sa gitna ng agresibong taktika at pagbabanta ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).

 

 

Sa anim na pahinang EO 57 na nilagdaan noong Marso 25, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na palakasin ang maritime security at itaas ang kamalayan sa maritime domain sa gitna ng “a range of serious challenges that threaten not only the country’s territorial integrity, but also the peaceful existence of Filipinos.”

 

 

“Strengthening the country’s maritime security and domain awareness is imperative to comprehensively tackle the crosscutting issues that impact the nation’s national security, sovereignty, sovereign rights, and maritime jurisdiction over its extensive maritime zones,” ayon sa Pangulo.

 

 

Sa ilalim ng EO 57, pinalitan ni Pangulong Marcos ng pangalan at muling inorganisa ang National Coast Watch Council (NCWC) sa NMC para bumalangkas ng mga polisiya at estratehiya upang masiguro ang “unified, coordinated and effective governance framework” para sa maritime security at domain awareness ng bansa, bukod sa iba pang kapangyarihan at tungkulin.

 

 

Si Executive Secretary Lucas Bersamin ang tatayong chairman ng NMC na may tungkulin na bumalangkas at magpalabas ng mga alituntunin para sa epektibong implementasyon ng EO 57 sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito.

 

 

Ang mga miyembro ng NMC ay ang mga Kalihim ng Departments of National Defense (DND), Agriculture (DA), Energy (DOE), Environment and Natural Resources (DENR), Foreign Affairs (DFA); at National Security Adviser (National Security Council).

 

 

Kasama rin bilang mga miyembro ng NMC ang mga Kalihim ng Departments of Finance (DOF), Interior and Local Government (DILG) and Transportation (DOTr) kasama ang Solicitor General, at Director General ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

 

 

Ang NCWC Secretariat, na pinalitan ng pangalan bilang Presidential Office for Maritime Concerns (POMC), ay may tungkulin na magbigay ng “consultative, research, administrative and technical services” sa NMC at tiyakin ang episyente at epektibong implementasyon ng mga polisiya ng konseho, bukod sa iba pang mga tungkulin.

 

 

Si Presidential Assistant for Maritime Concerns Andres Centino ay itinalaga bilang POMC head at may atas na direktang mag-ulat sa Pangulo ukol sa mahahalagang at kritikal na bagay at usapin na nakaaapekto sa “maritime security at domain awareness” ng bansa.

 

 

Samantala, ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), ay nilikha para “to orchestrate, synchronize, and operationalize the employment of the capabilities of different agencies for a unified actions in the WPS, will be attached to the NMC and will receive policy guidance from the President through the NMC.”

 

 

Ang EO 57, nilagdaan ni Bersamin na may pahintulot ng Pangulo ay kagyat na magiging epektibo sa oras na mailathala sa Official Gazette, o sa pahayagan na may general circulation kung saan ang kompletong listahan ng kapangyarihan at tungkulin ng NMC, at support agencies ay nakasaad kasama ang mga tungkulin ng POMC at National Maritime Center.

 

 

Nagpalabas si Pangulong Marcos ng EO kasunod ng water cannon attack ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa Philippine supply vessel sa Ayungin Shoal na nagdulot ng labis na pinsala sa barko at nag-iwan ng tatlong Filipino crew members na pawang mga sugatan. (Daris Jose)

Mister todas sa kandila

Posted on: April 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NASAWI ang 59-anyos na padre-de-pamilya na may tinataglay na karamdaman nang ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Navotas City, Sabado ng madaling araw.

 

 

Sa ulat ni Caloocan Fire Marshal F/Supt. Ronaldo Sanchez, nagsimulang sumiklab ang sunog dakong alas-3:49 ng madaling araw sa bahay ng biktimang si alyas “Peter” sa Area 1 Block 26, Brgy. North Bay Boulevard-South (NBBS), Dagat Dagatan na hinihinalang sanhi ng naiwang nakasinding kandila.

 

 

Nagawang makaligtas ang mag-ina ng biktima matapos makalabas ng bahay subalit, hindi na nakalabas si ‘Peter’ na kamakailan lang ay na-stroke sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy na nagsimula sa tinutulugan niya sa 2nd floor ng tatlong palapag nilang tirahan.

 

 

Ayon sa BFP, sementado naman ang pader ng bahay ng nasawi pero gawa sa kahoy ang kanilang sahig at wala ring supply ng kuryente kaya kandila ang gamit ng biktima.

 

 

Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog habang tinatayang aabot sa P45,000 na halaga ng mga ari-arian ang natupok ng apoy. (Richard Mesa)