• October 31, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 26th, 2024

VP Sara biyaheng Germany kasama pamilya

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

UMALIS ng bansa patungo Germany si Vice President Inday Sara Duterte, kasama ang pamilya nito at ang kanyang ina, madaling araw ng July 24 .

 

 

 

Pasado ala-una ng madaling araw kahapon ng makalipad sa NAIA ang Emirates Airlines flight EK-335, matapos ma-delay ito patungong Munich, Germany via Dubai.

 

 

 

Hindi pa nagbibigay ng ano mang opisyal na statement ang Office of the Vice President kung bakit umalis si VP Inday Sara sa gitna ng delubyong nararanasan ngayon ng Sambayanan Filipino lalo na sa Metro Manila dulot ng baha at sama ng panahon.

 

 

 

Kasama ni VP Sara ang kanyang asawang si Mans Carpio mga anak nila at ina nitong si Elizabeth Zimmerman. (Daris Jose)

Mga guro, makatatanggap ng P5,000 chalk allowance sa Hulyo 29

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Education Secretary Sonny Angara na nakatakdang ipalabas ang P5,000 “chalk allowance” para sa mga guro kasabay ng pagbubukas ng klase sa Hulyo 29, araw ng Lunes.

 

 

 


“‘Yung chalk allowance will be released very soon, in time for the opening [of classes]. ’Yun talaga ‘yung timing nun eh,” ayon kay Angara.

 

 

“Pagka-bukas ng klase, may allowance na si teacher para iyong pangangailangan, iyong pagkukulang doon sa kanyang classroom, pwede niyang punan o dagdagan,” aniya pa rin.

 

 

Sinabi pa nito na ang cash allowance ay tax-free.

 

 


Madaragdagan pa aniya ito at magiging P10,000 sa susunod na taon.

 

 


Nauna rito, ganap nang batas ang panukalang magtataas sa P10,000 teaching allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan sa buong bansa.

 

 


Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang RA 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act sa Palasyo ng Malacañang.

 

 

Sa ilalim ng batas, mula sa P5,000 ay gagawin nang P10,000 taunang teaching allowance ng mga guro na maaaring gamitin sa pagbili ng teaching supplies at materials tulad ng chalk, incidental expenses, at iba pang gastos kapag nagtuturo.

 

 

Samantala, para naman kay Angara, isa sa may akda ng batas noong siya ay isa pa lamang senador, na ang batas ay “results in fewer instances when teachers have to make out-of-pocket expenses in the performance of their duties.” (Daris Jose)

Pagkagutom, pinakamataas simula noong 2020

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAS maraming pamilyang Filipino ang nakaranas ng involuntary hunger nito lamang second quarter ng 2024 kumpara sa nakalipas na quarter.

 

 

 

 

Ito ang lumabas sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), ipinalabas araw ng Martes, Hulyo 23, natuklasan ng SWS na may 17.6% ng pamilyang Filipino ang nakaranas ng involuntary hunger, pagiging gutom at wala talagang makain, kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

 

 

Sinabi pa ng SWS na “the figure was 3.4 points above the 14.2 percent in March 2024 and the highest since the record high of 30.7 percent during the Covid-19 lockdowns in September 2020.”

 

 

Gaya nitong Marso, natuklasan sa June survey na ang Kalakhang Maynila ang pinakamataas, naapektuhan ang 20% ng pamilya, sinundan ng Balance Luzon (Luzon sa labas ng Metro Manila) na may 19.6%, Mindanao na may 15.7% at Visayas na may 13.7%.

 

 

Iniugnay ng SWS ang 3.4-point na pagtaas sa pagkagutom sa pagtaas sa Mindanao (mula 8.7% hanggang 15.7%), Balance Luzon (mula 15.3% hanggang 19.6%), at Metro Manila (mula 19% hanggang 20%), sinamahan ng bahagyang pagbabago sa Visayas ( mula 15% na naging 13.7%).

 

 

Sinabi ng SWS na ang 17.6% hunger rate nito lamang Hunyo ay kabuuan ng 12.8% na nakaranas ng “moderate hunger” at 4.9% na nakaranas naman ng “severe hunger.”

 

 

Ang “moderate hunger” ay tumutukoy sa mga nakaranas ng pagkagutom “only once” o “a few times” sa nakalipas na tatlong buwan habang ng “severe hunger” ay tumutukoy naman sa mga nakaranas ng “often” o “always” sa nakalipas na tatlong buwan.

 

 

Kumpara nitong buwan ng Marso, ang “moderate hunger” ay hirap na gumalaw mula 12.2% habang ang “severe hunger” ay tumaas ng 2%.

 

 

Sa Kalakhang Maynila, ang “moderate hunger” ay bumaba sa 13.3% mula sa 14.3% habang ang “severe hunger” ay tumaas sa 6.7% mula sa 4.7%.

 

 

Sa Balance Luzon, tumaas ang “moderate hunger” sa 14.5% mula sa 13.1% habang ang “severe hunger” ay tumaas sa 5.1% mula sa 2.1%

 

 

Samantala, sa Visayas, bumaba ang “moderate hunger” sa 10.7% mula sa 13.7% subalit ang “severe hunger” ay tumaas sa 3% mula sa 1.3%

 

 

Sa Mindanao, tumaas ang “moderate hunger” sa 10.7% mula sa 8%, at maging ang “severe hunger” sa 5% mula 0.7%

 

 

Ang SWS Survey ay isinagawa mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adults na may edad na 18 taon pataas sa buong bansa. (Daris Jose)

PERSONAL na binisita at kinamusta nina Mayor John Rey Tiangco, at Cong. Toby Tiangco

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na binisita at kinamusta nina Mayor John Rey Tiangco, at Cong. Toby Tiangco ang nasa 200 pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Tanza National High School matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay dahil sa pananalasa ng bagyong Carina. Pinaalalahanan nila ang lahat na mag-ingat at manatili muna sa kanilang tahanan para sa manatiling ligtas ang bawat isa dahil sa possible pa rin na mga pag-ulan at mataas na high tide, ngunit operational naman anila lahat ng kanilang mga pumping stations para mabawasan ang pagtaas ng tubig. (Richard Mesa)

Antas ng tubig sa Marikina River, umabot sa ikatlong alarma

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGPATUPAD ang Marikina City Government ng forced evacua­tion sa kanilang mga residente at inilikas sila sa ligtas na lugar kasunod na rin ito nang tuluyan nang pag-apaw ng Marikina River, dulot ng malalakas na pag-ulan dahil sa bagyong Carina at Habagat.

 

 

 

Mismong si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na ang nagkumpirma na hanggang 2:00PM Miyerkoles ng hapon ay umabot na sa 20 metro ang antas ng tubig sa Marikina River.

 

 

Ito ay nangangahulugang nasa ikatlong alarma na ang ilog, na hudyat na kinakailangan na ng puwersahang paglilikas ng mga residente. Bukas na rin umano ang lahat ng flood gates ng Manggahan.

 

 

Sa update naman ng Marikina Public Information Office, dakong 5:30AM nang itaas ang unang alarma sa ilog, matapos na tumaas ang antas ng tubig sa 15 metro. Nangangahulugan ito na kailangan nang mag­handa upang lumikas ang mga residente.

 

 

Pagsapit naman ng 6:45AM, tumaas ang antas ng tubig sa ilog sa 16 na metro o ikalawang alarma, na nangangahulugan ng boluntar­yong paglikas ng mga residente.

 

 

Dakong 10:00AM naman nang umabot sa 18 metro ang water level sa Marikina River, na hudyat ng ikatlong alarma.

 

 

Patuloy ang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa, kaya’t inasahan na ang patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog, gayundin ng mga pagbaha.

 

 

Inaasahan namang mananatili muna ang mga inilikas na residente sa mga evacuation cen­ter hanggang sa tulu­yang humupa ang baha sa kani-kanilang mga tahanan.

 

 

Paniniguro ng alkalde, tuluy-tuloy ang paglilikas nila sa mga residente, gayundin ang pamamahagi ng tulong, gaya ng mga pagkain, tubig at mga pangunahing pangangailangan sa mga residente.

 

 

Aminado si Teodoro na kakaiba ang naranasan nilang ulan sa ngayon dahil sa ilang oras na tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan.

 

 

Nanawagan rin si Teodoro ng tulong dahil kailangang-kailangan umano ng mga residente nila sa ngayon ng mga tubig, pagkain, gamot at iba pang mga pangunahing pangangailangan.

DHSUD, pinagana ang regional emergency shelter clusters sa gitna ng pananalasa ni ‘Carina’

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang lahat ng regional directors na maghanda ng emergency shelters para sa mga residente na tiyak na madi-displaced dahil sa mataas na tubig-baha at iba pang matinding epekto ng bagyong “Carina”.

 

 

Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, isang memorandum ang ipinalabas para paganahin ang regional shelter clusters bilang tugon sa epekto ng weather disturbance.

 

 

“This is to ensure readiness of the cluster teams to respond to shelter needs of typhoon-affected areas. We are always ready to provide assistance to our affected kababayan,” ayon kay Acuzar.

 

 

Ang aktibasyon ng pinaganang shelter clusters ay tugon sa advisory mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) hinggil sa malakas na pagbagsak ng ulan sa Kalakhang Maynila, Region 3 at ilang bahagi ng Region 1, 2, 4A, 4B at 5 na maaaring magresulta ng pagbaha at landslides.

 

 

Ang kautusan ay iniatas sa DHSUD Regional Offices 1, 2, 3, 4B, 6, 7, 9, 10, 11, 12 13, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi ni DHSUD Undersecretary for Disaster Response Randy Escolango na ang regional offices ay inatasan na mahigpit na i-monitor ang kani-kanilang ‘areas of jurisdiction’ at kung kinakailangan ay bilisan ang emergency response at humanitarian assistance.

 

 

“The regional directors, are enjoined to coordinate with the respective shelter cluster members within their regions and convene using all available means,” anito.

 

 

“We need to ensure that affected families have enough resources and safe shelter. Our regional offices will lead the consolidation of validated reports from the ground so we can take appropriate actions. Secretary Acuzar made it clear that DHSUD must provide the needs of affected families in a timely manner,” ayon pa rin kay Escolango.

 

 

At upang matiyak ang ‘real-time reporting at corresponding actions’ ay sinabi ni Escolango na inaatasan ang regional directors na magsumite ng araw-araw na situational report.

 

 

Tinatayang daan-daang pamilya ang apektado at napilitan na umalis ng kanilang tahanan dahil sa mataas na tubig-baha dulot na malakas na pag-ulan sa mga nakalipas na ilang araw. (Daris Jose)

PBBM, nais na nakatutok sa gov’t response sa mga flood-hit victims

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang “very focused” na pagtugon ng pamahalaan at aid distribution sa mga apektado ng Super Typhoon Carina-malakas na Habagat.
Inihayag ng Pangulo ang nasabing direktiba sa isang situation briefing sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Huwebes, Hulyo 25 bago pa nagsagawa ng pag-inspeksyon sa mga apektadong lugar sa Metro Manila at Central Luzon.
“What we are trying to do here is, essentially, is to have a very good understanding of what the situation is on the ground so that you know when it comes to these things, whatever assets you have, whatever resources you have they are always not enough and that’s why it has to be focused,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kaya hindi pwedeng basta sasabihin ‘Lahat d’yan, marami d’yan, basta ipadala ko yan.’ We have to be very focused in the use of what we have. So that’s what why we need to determine where are the areas that is still in the rescue phase– na hanggang ngayon nagre-rescue pa tayo ng tao– where are the areas that are now in the relief phase,” aniya pa rin.
Sa kabila ng naturang kautusan, sinabi ng Chief Executive na ang rescue operations at aid distribution ay maaari pa ring magpatuloy nang sabay-sabay.
“Kung minsan sabay ‘yan. That doesn’t mean that it’s not mutually exclusive. You can be in rescue phase and relief phase at the same time. So that’s what we need to know so that all the agencies know where to send our people, where to send our trucks, where to send our relief goods, where to send financial assistance,” ayon sa Pangulo.
Sa kapareho pa ring briefing, iniulat naman ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga sumusunod na lokalidad na kinonsiderang “hard hit areas” ‘as of 6:00 a.m.’ ngayon. Ang mga ito ay ang: Abucay, Bataan,
Baliwag, Bulacan, Obando, Bulacan,
Plaridel, Bulacan, Pulilan, Bulacan, Sta. Maria, Bulacan, Cainta, Rizal, Taytay, Rizal, San Mateo, Rizal
Morong, Rizal, Rodriguez, Rizal
Angono, Rizal, Tingloy, Batangas,
Ang mga hard-hit local government units ay tinukoy base sa ‘little to no access to relief goods, widespread damages, high number of displacement, at lack of non-food items.’
Kanina namang alas-5:00 ng madaling araw, Hulyo 25, iniulat ni Abalos sa Pangulo ang kabuuang 36,319 pamilya o 149,006 indibiduwal na inilikas sa Regions I, II, III, IV-A, IV-B,  Cordillera Administrative Region, at NCR.
Ani Abalos, karamihan sa mga inilikas na residente sa National Capital Region (NCR) na naitala ay mula sa Quezon City na may 22,000.
Nauna rito, inilagay ng Metro Manila Council ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng state of calamity bunsod ng malawakang pagbaha at malakas na pagbuhos ng ulan. (Daris Jose)

PBBM, binisita ang mga pamilyang lumikas sa Barangay Malanday Evacuation Center sa Valenzuela City

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pamilyang lumikas sa Barangay Malanday Evacuation Center sa Valenzuela City dahil sa bahang idinulot ng habagat at bagyong Carina. Pinangunahan din ni PBBM ang pamamahagi ng suporta ng pamahalaan sa mga nasalanta.

Walang takot na lumangoy sa hanggang dibdib na baha… GERALD, muling hinangaan ng netizens sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MULING hinangaan ng netizens ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson dahil sa ginawa niyang pagtulong at pakikiisa sa search and rescue operation para sa mga nasalanta ng baha sa Quezon City, na dulot ng Super Typhoon Carina.

 

Makikita nga sa viral video ang kanyang pantulong sa isang pamilya sa Barangay Sto. Domingo, na kung saan na-trap sa loob ng bahay na lumubog sa baha. Bukod dito ay marami pa siyang natulungang mga residente, na kung saan lakas-loob talaga siyang lumangoy sa hanggang dibdib na baha.

 

 

Nang i-check namin ang video na pinost ni @TmaeOsanomae na may caption na “Thank you gerald #CarinaPH”, meron na itong more thank three million views.

 

 

Kasama ang iba pa niyang mga kagrupo na nagsasagawa ng search and rescue mission, isa-isang inakyat nina Gerald ang bubong ng mga kabahayan doon para mailipat sa mga evacuation center.

 

 

Kitang-kita rin sa isang video ang pagkuha ni Gerald sa mga kagamitan ng mga residenteng nasa bubungan matapos na bahain ang kanilang bahar.

 

 

May dala-dalang pumpboat sina Gerald kung saan nila inilalagay ang mga naisalbang kagamitan ng mga nabiktima.

 

 

At dahil sa naturang viral videos ni Gerald, binalikan ng netizens ang ginawa rin niyang pagtulong sa kasagsagan ng Bagyong Ondoy noong 2009, na kung nagdulot nang matinding pagbaha.

 

 

Ang guwapong boyfriend ni Julia Barretto ay active member ng Philippine Coast Guard Auxiliary unit mule pa noong 2016.

 

 

***

 

 

ITINUTURING ng Puregold na isang malaking tagumpay ang inaugural run ng kanilang film festival na naging launching pad para sa isang bagay na mas malaki pa.

 

Ang sa ikalawang taon ng makasaysayang ‘Puregold CinePanalo’ ay may nakahandang mas mataas na funding pool para sa mapipiling filmmakers.

 

Ang pitong full-length directors ay nakatakdang tumanggap ng production grant na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso (PHP3,000,000.00), habang dalawampu’t limang piling student short film directors ay tatanggap naman ng production grant na nagkakahalaga ng isandaan at limampung libong piso (P150,000.00).

 

Seven full-length film grants ang ibibigay, na matatandaang anim lang noong nakaraang taon.

 

Binigyang-diin sa press conference na ginanap sa Gateway Cineplex 18 noong July 23, ang 2025 Puregold CinePanalo Film Festival ay muling naghahanap ng film entries na nagpapakita ng hindi matitinag na diwa ng Pilipino sa pamamagitan ng nakaka-uplift at nakaka-inspire na mga kuwentong panalo.

 

Ipinababatid din sa mga interesadong lumahok na kailangang magsumite ng complete screenplay at iba pang requirements hanggang sa Hulyo 30 para sa mga full-length films at sa Agosto 15 naman para sa student shorts.

 

Upang hikayatin ang mga aspiring filmmakers na sumali sa nabanggit na filmfest, nagbahagi ng kanilang karanasan ang mga direktor na mapalad na napili noong nakaraang taon.

 

Dumalo sa filmfest launch si Always Panalo Film awardee Carlo Obispo.  Nagpadala rin ng espesyal na video message ang Best Picture winner na si Kurt Soberano, ng katatapos lang na re-screened na ‘Under A Piaya Moon’, para hikayatin ang mga filmmakers na mag-submit ng kanilang mga panalo stories.

 

Bukod sa mga mensahe mula sa mga full-length directors, apat na student directors din ang nagbigay ng mensahe sa event para maipakita ang mga uri ng karanasan at oportunidad na maidudulot ng Puregold CinePanalo sa young aspiring filmmakers.  Dumalo sina Always Panalo Film awardee Jenievive Adame, Best Director winner Dizelle Masilungan, at regional filmmakers na sina Marian Jayce Tiongzon at Joanah Demonteverde.

 

Ang event ay pormal na binuksan ni Puregold’s Senior Marketing Manager Ivy Piedad, na naghatid ng isang mariing pahayag sa kahalagahan ng pagbibigay ng reward sa Filipino artistry at pagdiriwang ng diwa ng ‘Kwentong Panalo ng Buhay’.

 

Napansin din niya na ang kahalagahan na magbigay ng mga pagkakataon sa mga mag-aaral na gumagawa ng pelikula na maaaring hindi magkaroon ng same access tulad ng mga established directors.

 

“When we first launched Puregold CinePanalo, we envisioned it to champion Filipino stories, advocate for student filmmakers by providing them with a platform for their dream short films, and elevate the local film scene,” ayon kay Piedad.

 

Binanggit din ni Piedad kung paano naging instrumento ang Puregold CinePanalo sa pagbibigay-liwanag sa mga talento ng ilang kabataan, aspiring filmmakers, na ang ilan sa kanila ay ginamit ang momentum mula sa kompetisyon upang higit pang pa-igtingin ang kanilang mga artistic dreams.

 

“We saw the birth of promising talents, with several inspiring stories that came to life on the big screen. Fueled by last edition’s success, here we are once again!” Pagpapatuloy pa ni Piedad, “Back and bigger than ever, ready to celebrate another year of incredible films and mark the second chapter of Puregold CinePnalo.”

 

Kaya muling hinihikayat ang lahat ng interesadong filmmakers na basahin ang lahat ng mechanics ng 2025 Puregold CinePanalo Festival na publicly available sa official social media accounts ng Puregold.

 

Ang mga nagnanais na lumahok ay maaaring magsusumite ng kanilang mga opisyal na aplikasyon sa https://forms.gle/wNUUQ62okYcyW5r37.

Nalubog ang kotse, apat na t-shirt lang ang naisalba… ANJO, muntik nang ma-trap sa basement dahil sa taas ng baha

Posted on: July 26th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

APAT na t-shirt lamang ang naisalba ng Kapuso weather reporter na si Anjo Pertierra matapos lamunin ng baha ang bahay niya sa Marikina City bunsod ng super-typhoon Carina na nanalasa sa Metro Manila at Luzon ngayong Linggo.

 

Kabilang si Anjo sa mga residente ng Marikina City na napilitang lumikas dahil sa mataas na pagbaha.

 

Mabilis nakapasok ang tubig sa kuwarto ni Anjo na nasa basement kaya hindi raw niya mabuksan ang pinto.

 

“Sa dami ng tubig sa loob at sa tindi ng water pressure,” kuwento pa ng guwapong reporter.

 

Umabot hanggang dibdib ang tubig to think na si Anjo ay may taas na 6’2”!

 

Sa kasamaang palad pa ay pati ang kotse niya sa garahe niya ay nalubog sa baha.

 

Nasaklolohan naman si Anjo at ang iba pang mga residente ng mga rescuers sa pamamagitan ng paddle boat.

 

“Wala akong naisalbang gamit.

 

“Ang nakuha ko lang, apat na t-shirt, gawa nga po ng sobrang bilis po ng pagtaas ng tubig sa aking bahay.

 

“Pero wala po talaga akong nasalba na kahit ano.”

 

Ang suot niya sa ‘Unang Hirit’ ay dala lang ng stylist ng programa para may maisuot siya pagsalang niya sa TV dahil kahit nasalanata ng bagyo ay nag-report pa rin si Anjo sa GMA.

 

Sa Facebook post ng GMA Public Affairs kahapon, July 25, 2024, naka-upload ang mga larawan ni Anjo habang nasa background niya ang Marikina River.

 

Ang caption sa post, published as is: ‘THANK YOU FOR SHOWING UP, ANJO!’

 

“Pinasok at lubog na sa baha ang bahay ni Anjo Pertierra sa Marikina. Ibinahagi rin niya na isang bag lang ang naisalba at naidala niya kahapon.

 

“Pero kahit lubos na naapektuhan ng bagyo, pumasok si Anjo at nag-duty para sa #UnangHirit para maghatid ng ulat tungkol sa bagyong #CarinaPH at habagat.

 

“Maraming salamat, Anjo!”

 

***

 

 

TWO years na nawala, nagbabalik-showbiz ang beauty queen-actress na si Kelley Day.

 

 

Mula sa GMA 7 ang humahawak na ng kanyang career ay ang 3:16 Media Network ni Len Carrillo.

 

 

Paano siyang napunta sa pangangalaga ni Ms Len na may connect sa Vivamax.

 

 

“Wala akong plan to re-enter showbusiness.  Pero I knew that if may opportunity, na sabi ko sa mom ko, at sa boyfriend ko like..I will not..like go out of my way to find that opportunity kasi I guess, I have other things that I want to achieve also.

 

 

“But, if there’s an opportunity that attracts me, then I’m open to it.

 

 

“And then, ayun it happened na tumawag ‘yung mom ko sa akin. Sabi niya ‘I met someone I think, she likes to be your manager.’

 

 

“So, noong nag-meet kami ni ‘Nay Len, sabi ko, this is what I want.

 

 

“Kasi medyo ano ako..sa boundaries ko, sa limitations ko,” kuwento pa niya.

 

 

Ano ang plano niya sa kanyang career?

 

 

“I plan to venture into movies, and do some teleseryes again. Because I really enjoyed that at a time,” wika pa ni Kelley.

 

 

Pero ayon mismo kay Kelley ay hindi siya maghuhubad sa harap ng kamera.

 

 

“Hindi po ako magbi-Vivamax.”

 

 

Marami na ring beauty queen ang nagpaka-daring sa Vivamax pero ayon kay Kelley, 100% siyang hindi gagawa ng movie sa Vivamax at hindi tatanggap ng daring roles sa ngayon.

 

 

“Ayokong maghubad lang ako, just for the viewes. Kaunting pa-sexy. It really depends. Kasi, for me I have my own personal limitations.”