INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) na kagyat na magbigay ng tulong sa pag-rehabilitate ng agriculture sector ng Bulacan, Pampanga, at Bataan matapos ang naging pananalasa ng Super Typhoon Carina-pinatinding southwest monsoon na humagupit sa Luzon.
Sa isang briefing sa Malolos, pinulong ng Pangulo ang mga local chief executives ng tatlong lalawigan para i-assess ang situwasyon at i-check ang mga pangangailangan habang ang relief operations ay nagpapatuloy sa rehiyon.
“In terms of the relief and rescue, I think we are alright. Now, we are talking about rehabilitation, the biggest – I think the three governors agree na ‘yong agri muna ang aayusin natin. ‘Yong infra, we will look at that also ,” ayon sa Pangulo.
Iniulat ng Bulacan na P103 million ang nawala sa agri-fisheries sector, habang ang Pampanga naman ay P378 million at ang Bataan naman ay P92.92 million.
Ang pinagsamang epekto ng Carina at “habagat” na nagresulta ng pagbaha sa 220 barangay sa Pampanga, nakaaapekto ng mahigit sa 127,000 pamilya.
Sinabi ni Bulacan, Governor Daniel Fernando na 100% o 24 lungsod at munisipalidad, ng lalawigan ang apektado ng pagbaha, ang Meycauayan at Malolos ang tinamaan ng malakas na hambalos ni Carina at Habagat.
Sinasabing 11 mula sa 12 munisipalidad at lungsod sa Bataan ay tinamaan din ng pagbaha, naapektuhan ang 208,371 pamilya.
“Na-assess na natin ‘yong majority ng nasira na kailangan bigyan kaagad ng tulong. We’ll have to get determination from the DA as to what areas will go first na puwede nang padalhan ng tulong,”ayon kay Pangulong Marcos.
Ang tulong na ito ay maaaring dumating sa “form of equipment o provision of seedlings, fingerlings, at brood sow.”
“We’ll move on now to the recovery at rehabilitation ng agriculture sector, infrastructure ganoon din pero hindi natin magagawa na immediate ‘yan,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Binigyang diin pa rin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na magtayo ng mas maraming water-impounding systems sa Central Luzon para pagaanin ang pagbaha sa panahon ng taga-ulan.
Tinukoy nito ang iba’t ibang aerial inspections ng mga apektadong lalawigan, ibinahagi ng Pangulo ang kanyang naobserbahan na ang wala kahit saan mapuntahan ang tubig-baha.
“Mataas ‘yong tubig ng dagat. Mataas ‘yong tubig ng ilog. May baha pa doon sa mga farmlands,” aniya pa rin.
“Ang laki ng bumaba na tubig, sabay sabay, bigla. Hindi na nakayanan ng ating mga slope protection, ng ating flood control, ng ating mga dike, so we have to find another way to do it. Kaya palagay ko ‘yong impounding talaga,” ang sinabi ng Pangulo.
Sa pag-uulat ng lawak ng pinsala dulot ng bagyo at “habagat,” sinabi naman ni Fernando na ang Bulacan ay handang makipagtulungan sa national government para sa isang permanent solution sa pagbaha sa rehiyon.
Nauna nang ipinagbigay-alam naman ni Fernando kay Pangulong Marcos ang tungkol sa programa ng provincial government para mapagaan ang pagbaha, kabilang ang River Dredging and Restoration Program nito.
Sinabi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na mahigit sa 250,000 relief packs ang ide-deliver o maghihintay ng pick-up para sa typhoon victims sa Bulacan, Pampanga, at Bataan.
Sinabi pa rin niya na ang DSWD, ay nagpo-proseso na ng 247,000 karagdagang requests sa mga nasabing lalawigan.
Tiniyak naman ni Gatchalian na makikipag-ugnayan ang DSWD sa lahat ng apektadong LGUs para sa probisyon ng cash assistance sa mga apektadong pamilya.
“Once we get all of those (requests), we’ll evaluate them and figure out how to go, how to move forward, whether we use AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), or the emergency cash transfer (ECT) that we use,” ayon sa Kalihim.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, na ang kanyang departmento ay naglaan ng P176 million para sa TUPAD or Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers program sa Central Luzon.
Sa naturang halaga, P62 million ang inilaan para sa Bulacan, Bataan, at Pampanga.
Ang TUPAD ay isang community-based package of assistance para tulungan ang emergency employment para sa mga displaced workers.
Ilan sa mga benepisaryo ng TUPAD ay idineploy para tulungan ang DSWD na mag- repack ng food items at tulungan ang Department of Public Works and Highways sa clearing operations nito.
Samantala, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na tutulong ang ahensiya na tiyakin ang mental at physical health ng mga bakwit na tinamaan ng kalamidad.
Winika nito na ang mga health workers ay idineploy sa lahat ng mga evacuation centers sa iba’t ibang rehiyon.
“The DOH would also deploy “psychological first aid” teams for fisherfolk and farmers whose sources of income were destroyed by the typhoon,” ani Herbosa. (Daris Jose)