WAGING-WAGI si Marian Rivera dahil siya ang tinanghal na best actress sa 20th Cinemalaya Film Festival noong Linggo, August 11, bisperas ng kanyang ika-40 na kaarawan.
Dahil ito sa mahusay na pagganap bilang Teacher Emmy sa Balota, na certified box-office hit kasama ang Gulay Lang, Manong! at The Hearing.
Ka-tie niya si Gabby Padilla para sa Kono Basho (This Place) na shot entirely sa Rikuzentakata City sa Japan, na kung saan nakasama niya ang Japanese actress na si Arisa Nakano.
Ang nanalong best actor ay ang 15 years old na si Enzo Osorio para sa The Hearing ni Direk Lawrence “Law” Fajardo. Gumanap siya bilang 12-anyos na deaf-mute na ginahasa ng isang pari.
Anyway, tuwang-tuwa at proud na proud nga ang escort ni Marian sa awards night, na walang iba ang kanyang hubby na si Dingdong Dantes.
Bahagi ng acceptance speech ng Kapuso Primetime Queen:
“Sa lahat po ng bumubuo ng Cinemalaya, marami pong salamat sa inyo. To my GMA Family, thank you.
“Direk Kip, umpisa pa lang ng shooting natin, ramdam ko ang 100 percent na pagtitiwala mo sa akin kung paano ko iaarte si Teacher Emmy. So thank you, Direk Kip.
“Sa lahat ng staff at crew sa loob ng anim na shooting days, ramdam ko yung pag-aalala. Yes, sorry to say that, six shooting days!
“Sa lahat ng mga cast na kasama ko dito, napakahuhusay ninyo.”
Pagpapatuloy pa niya, “At siyempre hindi matatapos ang pasasalamat na ito kung hindi dahil din sa asawa ko. Thank you, dad.
“Kuwento ko lang nang short. Sabi ko sa kanya, ‘Mahal, may offer sa akin sa Cinemalaya. Tatanggapin ko ba? Kakayanin ko ba?’
“Sabi ng asawa ko, wala pang ilang minuto, sabi niya, ‘Kailangan mong gawin yan. Kailangan mong ipakita kung sino ka.’
“Salamat, Dad, sa pagtitiwala, at sa mga anak kong very excited tuwing uuwi ako kung ano’ng nangyari sa Balota shooting days ko. At yung bunso ko, binibilang po yung sugat ko araw-araw tuwing uuwi ako. So salamat.
“Birthday ko po bukas. Salamat po sa napakagandang regalo! Taos puso po akong nagpapasalamat. Thank you.”
Pahabol pa ni Marian, “Sa lahat po ng Teacher Emmy na matapang na ginagawa ang lahat para protektahan ang boto ng sambayanan, kahit na ang sarili nilang buhay ang malaan sa panganib…
“Teacher Emmy, para sa yo ito! Mabuhay po kayo! Mabuhay ang pelikulang Pilipino!”
Narito ang complete list of winners sa full-length feature film category:
Best Film: ‘Tumandok’ by Richard Jeroui Salvadico and Arlie Sweet Sumagaysay
Best Director: Jaime Pacena II – ‘Kono Basho’
The Cinemalaya 20 Special Jury Award for Full-length Film: ‘Alipato at Muog’ by JL Burgos.
Best Actress: Gabby Padilla – ‘Kono Basho’, and Marian Rivera – ‘Balota’
Best Actor: Enzo Osorio – ‘The Hearing’
Cinemalaya 20 NETPAC (Network for the Promotion of Asian Cinema) Award for Full-length Film: Richard Jeroui Salvadico and Arlie Sweet Sumagaysay – ‘Tumandok’
Best Supporting Actress: Sue Prado – ‘Kantil’
Best Supporting Actor: Felipe Ganancial – ‘Tumandok’
Best Screenplay for Full-length: Arden Rod Condez and Arlie Sweet Sumagaysay – ‘Tumandok’
Best Cinematography: Dan Villegas – ‘Kono Basho’
***
TATLONG Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) at ilang R-16 (Restricted 16) at R-18 (Restricted 18) na mga pelikula ang nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ngayong linggo sa pahintulot ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, sa ilalim ng PG, maaaring manood ang mga edad labingtatlo (13) at pababa na kasama ang kanilang mga magulang o nakatatanda sa kanila.
Ang lokal na pelikulang “When the World Met Miss Probinsyana” ay may PG rating, sa takda nina MTRCB Board Members (BM) Jan Marini Alano, Racquel Maria Cruz, at Richard John Reynoso. Sinabi nila na ang pelikula ay naglalaman ng mga tema, eksena at aksyon na kakailanganin ang gabay ng magulang.
Ang Korean action movie na “Project Silence” ay nabigyan din ng PG rating nina Cruz, Reynoso, at Antonio Reyes. Sinabi nila na ang pelikula ay may marahas na paglalarawan at hindi pangkaraniwang mga salita na hindi angkop sa mga bata.
Ang pelikulang “Borderlands” mula sa Pioneer Films ay PG rin ayon kina BMs Cruz, Federico Moreno, at Lillian Ng Gui dahil ito’y naglalarawan ng ilang wika at eksena na kailangan ng gabay ng nakatatanda sa mga batang manunuod.
Samantala, nabigyan naman ng markang R-16 ang “It Ends With Us” mula sa Columbia Pictures Industries Inc. Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 at pataas. Sinabi nina BMs Cruz, JoAnn Bañaga, at Wilma Galvante na ang materyal ay may grapikong paglalarawan ng karahasan at ilang sekswal na mga eksena.
Ang “Unang Tikim” ng Viva Communications, Inc., ay nabigyan ng R-16 at R-18. Ang R-18 ay para lamang sa mga edad 18 at pataas. Ayon kina BMs Gui, Juan Revilla, at Antonio Reyes, ang pelikula ay may mga sekswal na eksena na hindi akma sa mga menor-de-edad.
Sa R-16 namang “Unang Tikim,” sinabi nina BMs Galvante, Moreno, at Jerry Talavera na may grapikong eksenang sekswal ang pelikula, paglantad ng mga maselang parte ng katawan at mga salitang hindi angkop sa mga batang edad 15 at pababa.
Pinaalalahanan ni Chair Sotto-Antonio ang mga manonood na ang MTRCB Ratings system ay nagsisilbing gabay ng publiko tungo sa responsableng panunuod. Sinabi niyang sa pamamagitan ng pagpapalakas ng media literacy at responsableng panunuod, magiging matalino ang publiko sa pagsusuri ng mga angkop na pelikula para sa kanilang pamilya tungo sa isang makabuluhang Bagong Pilipinas.
(ROHN ROMULO)