Naglabas ang Department of Health (DOH) ng updated guidelines para mapigilan, ma-detect at mapangasiwaan ang mpox o dating tinatawag na monkeypox dito sa Pilipinas.
Base sa inilabas na 8 pahinang Department Memorandum No. 2024-0306 na nilagdaan ni Health Secretary Ted Herbosa, pinapayuhan ang lahat na iwasan ang malapit na skin-to-skin contact gaya ng sexual contact, paghalik, pagyakap sa mga inibidwal na suspect, probable o kumpirmadong kaso ng mpox. Sakali man na hindi maiwasan, pinapayuhan ang mga caregiver na gumamit ng kaukulang personal protective equipment (PPE)
Ikalawa, dapat na obserbahan ang madalas at maayos na hand hygiene sa pamamagitan ng paggamit ng alcohol o paghuhugas ng kamay kapag narumihan o nakontamina.
Ikatlo, dapat na tiyaking ang mga bagay at lugar na nakontamina ng virus o nahawakan ng infected na indibidwal ay dapat na masinsinang malinisan at ma-disinfect.
Panghuli, pinapayuhan din ang publiko na iwasang magkaroon ng kontak sa mga hayop partikular na ang mga nagdadala ng virus kabilang ang may sakit o patay na hayop na natagpuan sa mga lugar kung saan may presensiya ng mpox.
Minamandato din ang lahat ng healthcare providers na obserbahan ang ‘high index of suspicion’ para sa mpox kapag sinusuri ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas ng sakit tulad ng hindi maipaliwanag na pantal, mucosal lesions o lymphadenopathy.
Inatasan din ang mga ito na ipaalam sa DOH sakaling may suspect, probable o kumpirmadong kaso ng mpox sa loob ng 24 na oras mula ng madetect ang virus.
Samantala, lahat ng suspect at probable mpox cases ay dapat na masuri para sa laboratory confirmation ng mpox virus.
Kailangang mamonitor kada araw ang kanilang close contact para sa paglabas ng senyales o sintomas ng sakit sa loob ng 21 araw mula ng huling magkaroon ng kontak sa suspect, probable o confirmed case ng mpox.
Ang mga may mataas na banta na makaranas ng komplikasyon kabilang ang may malubha o kumplikadong mpox ay dapat na ma-admit sa ospital.
Samantala, ayon kay Sec. Herbosa, ang updated Mpox guidelines ng DOH ay binalangkas ng mga Filipino expert para sa Filipino communities na nakahanay sa international response. (Daris Jose)