LUNGSOD NG MALOLOS – Bumida ang matitingkad na kulay ng LGBTQ+ communities nang parehong ipagdiwang ng Singkaban Festival ang pagiging inklusibo at pamanang kultural sa pamamagitan ng Bulacan Gay Pride 2024 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kamakailan.
Dinaluhan ang gala night ng iba’t ibang LGBTQ+ federations na may mahigit 500 mga miyembro na sama-samang itinataguyod ang pagkakapantay-pantay sa lalawigan kung saan ilan sa mga beauty contestant ay naglaban para sa kauna-unahang titulo ng ‘La Baklakenya 2024’, habang naggawad din ng special awards para kilalanin ang katangi-tanging mga indibidwal at grupo na nagbigay ng mahahalagang ambag sa LGBTQ+ community at pangkalahatang Bulakenyo.
Kabilang sa mga titleholder sina Izza Galvez ng Lungsod ng Malolos para sa kauna-unahang La Baklakenya 2024 award na may premyong P10,000 at mga parangal na Tradisyonal na Kasuotang Baklakenya at Talento Baklakenya na kapwa may P2,000 na premyo; Anjo ‘Sofia’ Bautista ng Bocaue para sa La Baklakenya Turismo na may premyong P7,000 at Kasuotan Panlangoy award na may premyong P2,000; Lian Tadeo mula Bustos para sa La Baklakenya Sining at Kultura na may premyong P5,000, Harlin Budol ng Lungsod ng Meycauayan para sa La Baklakenya Kasaysayan na may P3,000 premyo at Jane De Leon ng Plaridel para sa Saya La Baklakenya award na may premyong P2,000.
Kinilala rin ang Creative Guild of Marilao bilang Most Active Club at Bahaghari de Mayumo ng San Miguel bilang Most Compliant Club na kapwa nag-uwi ng premyong P10,000, habang si John Carlo Manahan ng San Miguel ang kinilala bilang Most Compliant Secretary, Eduard Raymundo ng Marilao bilang Most Active President, at Miguel Migs Delos Reyes ng San Miguel bilang Most Compliant President, lahat ay nag-uwi ng P5,000 papremyo.
Sa kanyang mensahe, inanunsyo ni LGBTQ+ Bulacan Federation President Peter John T. Dionisio ang pagka-apruba kamakailan ng resolusyon na nagkakaloob ng isang LGBTQ+ scholar bawat barangay sa lalawigan, gayunpaman, pinaigting ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang suporta para sa komunidad sa pamamagitan ng pagdoble ng bilang ng mga iskolar na dalawa bawat barangay.
Samantala, sa pamamagitan ni Crispin De Luna, inihayag ni Fernando ang kaniyang paghanga at suporta sa LGBTQ+ community, at sinabi na malapit sa kaniyang puso ang mga miyembro nito dahil sa kanilang mga natural na talento at kasiyahang ibinibigay nila sa mga komunidad.
“Ano mang anyo ng mukha at pag-ibig, ito ay dapat na ipinagdiriwang, ibinabahagi at ipinadarama. Iisa lamang ang hiling ng bawat isa, ay kalayaang magmahal at mahalin, malayo sa mapanghusgang mata ng ating lipunan. Kaya naman magkakapit-bisig ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at LGBTQ+ community sa pagsusulong ng peace, unity and gender equality,” anang gobernador.
Sinayaw din ng ilang mga kinatawan ang Rigodon De Honor na isang elegante at sopistikadong sayaw na dinala sa Pilipinas ng mga Pilipinong naglakbay sa ibang bansa noong panahon ng Kastila.