LUNGSOD NG MALOLOS- Wagi ang bayan ng Pulilan sa Hari at Reyna ng Singkaban sa taong ito sa pagkakapanalo ng kanilang Hari na si Mark Lawrence L. Contreras at Reyna na si Maria Faraseth E. Celso sa parehong titulo sa ginanap na Grand Coronation Night sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Biyernes.
Maliban sa pinag-aagawang titulo, nakuha din ni Celso ang Best Formal Wear at Smart Choice Award; habang tinanggap rin ni Contreras ang Best in Formal Wear.
Sa question-and-answer na bahagi ng patimpalak, tinanong si Contreras ni Miss World Philippines 2018 1st Princess Chanel Morales kung sinong Bulakenyong makasaysayang personalidad ang hinahangaan niya, na kanyang sinagot na si Francisco Balagtas.
“Bilang isang Bulakenyo, ako ay isang manunulat at ang isang modelo ko ay si Francisco Balagtas. Nalaman ko kung gaano makapangyarihan ang mga salita kaya’t alam ko na bilang mga Bulakenyo may mga nakatago tayong kwento sa mga suluk-sulok na kung sisipatin ito, sa mga salitang ito, sa mga istoryang mayroon tayo bilang Bulakenyo, sana matuto tayong magpabago at magwasto katulad ni Francisco Balagtas,” anang bagong koronang Hari ng Singkaban.
Samantala, ang isinagot ng nanalong Reyna ng Singkaban, na tinanong ni National Commission for Culture and the Arts Public Affairs and Information Section Head Rene Napenas kung anong aspeto ng kasaysayan at kultura ng Bulacan ang kanyang bibigyang-pansin kung binigyan siya ng oportunidad na manguna sa kampanya ng turismo ng lalawigan, ay ang agri-eco-tourism.
“As we all know, Bulacan is an agricultural province, and today, we are now introducing agri-eco-tourism to our province. And through this, we do not only help our local farmers but we also introduce the rich cultural heritage of Bulacan as a farming community,” ani Celso.
Sa kabilang banda, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang entablado ng Hari at Reyna ng Singkaban ay daan ng mga kalahok upang ibahagi ang kanilang mga adbokasiya bilang kabataan ng lalawigan.
“Sa gitna ng inyong magagandang ngiti at matitikas na tindig ay makikita ang mga kabataang buong pusong nagsisikap at nagpupunyagi para makamit ang kani-kanilang mga pangarap. Ang tunay na kagandahan at kakisigan ay hindi lamang po makikita sa pisikal na kaanyuan kung hindi higit sa pagkakaroon ng mabuting pusong kumakalinga at nagsusulong sa kapakanan ng kanyang kapwa,” anang gobernador.
Samantala, magkaparehong mga parangal ang natanggap nina Hari at Reyna ng Bocaue Ronald Ervin DC. Arciaga at Amalia E. Aronikabilang ang Hari at Reyna ng Turismo, Best in Kasuotang Filipino, at Best in Swimwear.
Gayundin, iniuwi ni Hari ng Marilao Randanniell M. Marilag ang mga parangal na Hari ng Sining at Kultura, Mr. Talent, at Mr. Sunnyware; nakuha ni Reyna ng Balagtas Kristeen Mia SJ. Lucero ang Reyna ng Sining at Kultura; napanalunan ni Hari ng Calumpit Jonas S. Carillo ang Hari ng Kasaysayan at Mr. Photogenic award; at tinanggap ni Reyna ng Santa Maria Leslie Jane C. Domingo ang Reyna ng Kasaysayan at Ms. Talent award.
Kabilang sa iba pang nagwagi mula sa mga kalalakihang kandidato sina Hari ng Santa Maria John David V. Almadin bilang 1st runner up; Hari ng Pandi Nathaniel E. Dela Cruz bilang 2nd runner up; Hari ng Obando Ernesto E. Andaya III para sa Best Tourism Video atKatrionn’s Choice Award; Hari ng San Miguel Julius Y. Dela Cruz para sa Smart Choice Award at Photographer’s Choice Award; Hari ng Baliwag Jonard S. Sandoval para sa Leticia’s Choice Award; at pasok sa Top 10 ng kumpetisyon sina Hari ng Meycauayan Marc Anthony Balitaan at Hari ng Malolos Emmanuel T. Aguilera.
Samantala, ang iba pang nagwagi sa mga kababaihan ay sina Reyna ng San Rafael Janella Marie C. Ventura bilang 1st runner up at Ms. Sunnyware award; Reyna ng Paombong Bianca Mae B. Bautista bilang 2nd runner up, Best Tourism Video, at Ms. Photogenic; Reyna ng San Miguel Djanelle Irish DG. Villanueva para sa Photographer’s Choice Award; Reyna ng Pandi Chezka Monique B. Abique para saKatrionn’s Choice Award; Reyna ng Plaridel Aira Faith B. Manumbas para sa Leticia’s Choice Award; at pumasok sa Top 10 ng patimpalak sina Reyna ng Obando Pamela Amor SJ. Enriquez, Reyna ng Baliwag Christine Gayle P. Dabu, Reyna ng Calumpit Almia Genanda, at Reyna ng Malolos Heart Gwyneth C. Ocampo.