• January 3, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 21st, 2024

“Damhin ang pagpapala at pagpapagaling ng Diyos”- Fr. Pascual

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ITO ang paanyaya ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual sa mananampalataya sa Mary and the Healing Saints Exhibit ng himpilan katuwang ang Fisher Mall, Quezon City.

 

 

 

Ayon sa pari, katuwang ng mga may karamdaman ang Mahal na Ina at mga banal sa pagdulog sa Diyos para sa kagalingan at kalusugan.

 

 

“Experience the healing grace of God through the intercession of the Blessed Mother Mary and the saints. May you be blessed while you experience the miracle, the power, and the blessing of Jesus Christ through her mother, Mama Mary. Kaya inaanyayahan ko kayo sa ating Mary and the Healing Saints exhibit,” ayon sa pahayag ni Fr. Pascual.

 

 

Sinabi ng pari na sa pamamagitan ng makainang pagkalinga ni Maria lalo na sa mga may karamdaman ay makakamtan ng tao ang pagpapagaling ng Diyos.

 

 

Nitong September 18 ay pormal na binuksan ng himpilan ang exhibit sa activity center ng Fisher Mall sa Quezon Avenue tampok ang mahigit 100 imahe kabilang na ang mga canonically crowned Marian images.

 

 

Pinangunahan ni Batanes Vicar for Clergy at Chancellor Fr. Vhong Turingan ang pagbabasbas at ribbon cutting kasama ang mga kinatawan ng mall.

 

 

Ito na ang ika – 18 Marian Exhibit ng Radio Veritas na bahagi ng gawaing ebanghelisasyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria.

 

 

Bukas sa publiko ang exhibit hanggang September 29, 2024 tuwing alas 10 ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi kung saan maaaring magpatala ang mamamayan para sa kanilang mass intentions na isasama sa healing masses ng himpilan araw-araw tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas sais ng gabi at alas dose ng hatinggabi.

 

 

Tinagurian ang Pilipinas bilang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Pilipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ng Panginoong Hesus at ng sanlibutan.

Siyam na Bulakenyong aplikante sa Singkaban Job Fair, natanggap sa trabaho

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Siyam na Bulakenyo na naghahanap ng trabaho ang matagumpay na nakakuha ng trabaho sa 2024 Singkaban Job Fair for Local Employment na inorganisa ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) na naganap sa WalterMart Malolos sa Brgy. Longos noong Setyembre 13, 2024.

 

 

Mula sa 238 na mga rehistrado, pinahanga ng mga masuwerteng indibidwal na ito ang 20 lumahok na employer at agad na natanggap sa trabaho.

 

 

Sa kanyang mensahe na ipinabatid ni Tricia Salviejo, kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando, hinihikayat niya ang mga dumalo na maging pinakamahusay na bersyon ng kanilang mga sarili.

 

 

“Mga minamahal kong kababayan, narito na ang simula ng panibagong kabanata ng inyong buhay. Umaasa ako na buong puso ninyong ipamamalas ang inyong husay, sipag at determinasyon anuman ang makuha ninyong trabaho. Ipakita ninyong karapat-dapat kayo sa ipinagkaloob na tiwala ng inyong mga employers at pagsumikapang lalo pang linangin ang inyong kaalaman at kakayahan upang maging pinakamahusay kayong bersyon ng inyong mga sarili,” ani Fernando.

 

 

Sa naturang pagtitipon, iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang iba’t ibang starter kits para sa paggawa ng tinapay at pastry, pananahi, pagtitingi ng bigas, at grocery packages sa 30 piling benepisyaryo mula sa mga magulang ng sektor ng mga child laborer bilang bahagi ng Integrated Livelihood Program (DILP) nito.

 

 

Isa pang makabuluhang aspeto ng fair ay ang pamamahagi ng livelihood grants na naaayon sa malawakang pamamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Comprehensive Governance Assistance sa ilalim ng temang “Handog ng Pangulo, Serbisyong Sapat para sa Lahat.” Layon ng inisyatiba na ito na magbigay ng suporta at lumikha ng mga oportunidad para sa mga komunidad.

Ama, kinasuhan ng Human Trafficking ng NBI

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SINAMPAHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong human trafficking ang isang ama matapos itong arestuhin sa aktong pagbebenta ng kanyang 11-buwang sanggol sa halagang P55,000.

 

 

Kinasuhan sa Quezon City Prosecutor’s Office si Kenneth Crisologo na naaresto noong Setyembre 3 sa isinagawang entrapment operation ng mga ahente ng Special Task Force (NBI-STF) ng NBI.

 

Sinabi ng NBI na nag-ugat ang kaso mula sa impormasyong natanggap ng NBI-STF na si Crisologo ay sangkot sa pagbebenta ng sariling anak sa online.

 

Dahil dito, ipinag-utos ni NBI Director Jaime B. Santiago sa operatiba ng NBI-STF na magsagawa ng entrapment operation sa Barangay Pag-asa, Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip kay Crisologo.

 

Matapos maaresto, ang bata ay dinala naman sa Social Services Development Department ng Quezon City. GENE ADSUARA

Name dropping para matakasan ang batas o makahingi ng pabor sa pamahalaan, dapat gawing criminal offense

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MARAMING enforcers na tapat na pinatutupad ang batas ay naaalanganin kapag ang kanilang hinuhuli ay nag na-name drop ng mataas na opisyal para takasan ang batas.

 

 

Sa traffic enforcement lang ay napakarami na ang nag viral na ang hinuhili ay nagpapakilalang kamag anak ni Heneral, ni Mayor, Senador o sino pang bigatin sa pamahalaan.

 

 

Minsan na nasangkot si Sen. Bong Revilla sa name dropping at ang resulta ay katakut-takot na pang ba-bash sa kanya sa social media gayung wala naman siyang kinalaman sa issue na kinasangkutan ng driver na nag name drop sa kanya.

 

 

Ganun din sa mga ibang Ahensya ng pamahalaan na nag na-name drop para makakuha ng pabor na hindi dapat.

 

 

Ang “name dropping” ay isang offshoot sa palakasan system na matagal nang umiiral sa pamahalaan. Kaya naman ang mga pobreng kawani ng pamahalaan na takot ay pagbibigyan sila.

 

 

Panukala ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay gawing criminal offense ito.

 

 

Kapag nag-name drop para matakasan ang batas o paghingi ng pabor, totoo man o hindi, nakilala o kamaganak ng taong pinagmamalaki, ay pwede siya makasuhan sa panukalang ANTI- NAME DROPPING ACT .

 

Kung maisasabatas ito ay mababawasan ang palakasan system at lalakas ang loob ng mga nagpapatupad ng batas dahil may masasandalan silang batas na magpapataw ng parusa sa mga name droppers.

 

Ang panukala ng LCSP ay ganito:
An Act penalizing the practice of NAME DROPPING for the purpose of evading an apprehension, seeking undue advantage in government whether the person name dropping is actually related or connected to the official being name dropped.

 

 

Kaya kapag ang isang tao ay hinuli dahil sa paglabag sa traffic at mag name drop para takasan ang huli ay hindi lang siya pananagutin sa violation ng apprehension, pwede rin siya kasuhan under the Anti -Name Dropping Act.

 

Ano po tinggin ninyo?

 

 

 

ATTY. ARIEL INTON

Bagsak presyo ng bigas, mararamdaman sa Enero

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

 

TINAYA ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. na sa Enero ng susunod na taon pa mararamdman ng taumbayan ang bagsak presyo ng bigas sa bansa.

 

 

Ito ayon kay Laurel ay kahit na nagdesisyon ang pamahalaan na bawasan ang taripa sa importasyon ng bigas simula sa susunod na buwan ng Oktubre.
Aniya, hindi pa nakakabangon ang mga rice traders sa naging epekto sa kanila ng nagdaang El Nino Phenomenon kayat bagama’t nagdesisyon ang pamahalaan na ipatupad ang pagbabawas sa tariff imports sa bansa ay sa Enero pa ng susunod na taon mararamdaman ang bagsak presyo ng bigas dahil sa nagdaang kalamidad.

 

 

Una nang nalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order 62 na nagsasaad ng pagbaba ng taripa sa rice imports ng 15% mula sa dating 35%. Sa pamamagitan nito ay inaasahan ang pagbaba ng halaga ng bigas.

 

 

Tinaya ng mga economic managers na aabutin ng P5 hanggang P7 ang bawas presyo sa bigas kada kilo dahil sa pagbaba ng tariff imports.
Sa ngayon ang presyo sa mga palengke at pamilihan ng well miled rice ay nasa P37 hanggang P42 kilo, Sinandomeng – P36 hanggang P42, Denorado – P48 hanggang P55, Angelica- P43 hanggang P46, Jasmine P46-P52 at Malagkit P60 kada kilo.

Fiberxers nagpatibay ng tsansa sa q’finals

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Pinatibay ng Converge ang tsansa sa quarterfinals matapos itumba ang Meralco, 105-97, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

 

 

Kumolekta si guard Alec Stockton ng bagong conference-high 27 points bukod sa 11 rebounds, 5 assists at 2 steals para sa 5-4 record ng FiberXers sa Group A tampok ang four-game winning streak.

 

“I really just wanna give my best for my team to win, qualify for the playoffs and that’s something that we missed last conference,” ani Stockton. “This game was close for us to clinch the playoff spot.”

 

 

Humakot si import Jalen Jones, pumalit kay injured Scotty Hopson (hip flexor injury), ng 32 markers at 10 boards sa kanyang PBA debut.

 

 

Bigo ang Bolts sa asam na back-to-back wins para sa 6-3 baraha.

 

 

Ipinoste ng Converge ang 15-point lead, 73-58, sa 5:40 minuto ng third period matapos kumamada ng 20-5 atake mula sa 51-53 agwat sa halftime.

 

 

Nagawa ng Meralco na maagaw ang unahan sa 97-96 sa likod nina import Allen Durham at rookie CJ Cansino sa huling 1:58 minuto ng fourth quarter.

 

 

Matapos ito ay ang pagbibida ni Stockton.

 

 

Nagsalpak si Stockton ng triple kasunod ang jumper at dalawang free throws para sa 103-97 kalamangan ng FiberXers sa natitirang 36.6 segundo matapos ang mga mintis ni Cansino sa 3-point at four-point line sa posesyon ng Bolts.

Boston Marathon may ilang pagbabago sa 2026

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

May pagbabagong ipapatupad ang organizers ng sikat na Boston Marathon ang qualifying times sa darating na 2026.

 

 

Ayon sa Boston Athletic Association na dapat ang mga runners ay maabot ang 26.2-mile race na limang minutong mas mabilis kumpara sa mga nakaraang taon para makakuha ng numero.

 

 

Paliwanag ni Jack Fleming, pangulo at CEO ng Boston Athletic Association, na kada taon ay may mga pagbabago silang ginagawa.

 

 

Ipinakilala ang nasabing qualifying time noong 1970 at ito ay binago kada dekada.

 

Habang ang mga runners na sumasali para makalikom ng pera sa charity ay hindi na kailangan maabot pa ang qualifying standard.

 

Nangangahulugan nito na ang mga runners na may edad 18 hanggang 34 ay kailangan tumakbo sa marathon ng dalawang oras, 55 minuto o mas mabilis pa para makasali sa 2026 edition.

Pangarap ni Jerusalem natupad

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

Pinangarap ni world boxing champion Melvin Jerusalem na lumaban sa harap ng kanyang mga kababayan.

 

 

 

At ngayong natupad na ito ay hindi sasayangin ng World Boxing Council (WBC) minimumweight king ang pagkakataon.

 

 

“Kasi pangarap kong maka-depensa dito sa Pilipinas, kaya hindi ko na sasayangin ang pagkakataon,” sabi ni Jerusalem sa panayam ng Philstar.com matapos ang kanyang media workout kahapon sa Elite Gym sa Bonifacio Global City sa Taguig.

 

Nakatakdang ipagtanggol ni Jerusalem, nagdadala ng 22-3-0 win-loss-draw ring record tampok ang 12 knockouts, ang kanyang korona kontra kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo (21-0-1, 13 KOs) sa Linggo sa Mandaluyong City College Gym.

 

Ang 30-anyos na si Jerusalem ang isa sa dalawang natitirang Filipino reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na may suot ng International Boxing Federation (IBF) minimumweight belt.

 

Kasama sina trainer Michael Domingo at top promoter JC Mananquil ng Sanman Boxing, sumalang si Jerusalem sa skipping rope, shadow boxing, mitts at heavy, speed at double-end bags.

 

 

Napasakamay ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang WBC minimumweight belt matapos ang via split decision laban kay Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya noong Marso 31.

 

 

Kumpiyansa si Jerusalem na maipapalasap niya sa 27-anyos na si Castillo ang kauna-unahan nitong kabiguan.

 

 

“Laruin lang natin, Sir. Ibigay natin ang best natin,” wika ng Pinoy champion.

 

 

Naniniwala rin siyang makukuha ang minimumweight limit na 105 pounds sa nakatakda nilang official weigh-in ni Castillo sa Sabado.

Mabilog ibinunyag planong akusahan sina Roxas, Drilon na sangkot sa illegal drugs sa Duterte admin

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IBINUNYAG ni dating Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog sa House Quad Committee ang planong akusahan na sangkot sa iligal na droga sina dating senators Mar Roxas at Franklin Drilon nuong panahon ng Duterte administration.

 

 

Matapos ang pitong taon na self-imposed exile sa Amerika, tumestigo kaugnay sa kaniyang kinaharap na political pressure matapos mapa bilang sa narco list ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

 

 

Tinanong kasi ni Rep. Joseph Stephen Paduano si Mabilog kung maari nitong tukuyin ang mga opisyal na pinapasangkot sa iligal na droga.

 

Sinagot ni Mabilog na ito ay sina Roxas at Drilon.

 

 

Naniniwala naman si Mabilog na pulitika ang dahilan kung bakit siya napabilang sa narco list o hit list.

 

 

Mariing itinanggi ni Mabiloh na sangkot siya sa illegal drug trade at kailanman hindi siya protektor ng illegal drugs. (Daris Jose)

Comelec, bumuo ng Task Force

Posted on: September 21st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BUMUO ang Commission on Elections (Comelec) ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan sa Halalan (Task Force KKK sa Halalan) na naatasang pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga alituntunin, pagrepaso sa mga registration forms, validation, pag-apruba at pag-endorso sa Commission en banc.

 

Inaatasan din itong subaybayan ang mga rehistrado at hindi rehistradong social media at mga online na account o website na ginagamit upang mag-endorso o mangampanya laban sa mga kandidato, partidong pulitikal/koalisyon, mga organisasyong party-list; mag-isyu ng show cause order, at paunang pagsisiyasat ng mga nakita o naiulat na mga ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng mga alituntuning ito; motu proprio na paghahain ng mga reklamo laban sa mga nagkakamali na kandidato, partido, indibidwal, at iba pang entity.

 

Pamumunuan ang task force ng mga pinuno ng EID at Law Department ng Comelec bilang chairperson at co-chairperson, ayon sa pagkakabanggit.

 

Idinagdag ng Comelec na ang election period para sa 2025 midterm election ay mula Enero 12 Hanggang Hunyo 11,2025.

 

Ang panahon ng kampanya para sa pambansang posisyon (senador at party-list group) ay magsisimula sa Peb. 11, 2025 at tatakbo hanggang Mayo 10, 2025.

 

Ang mga aktibidad sa kampanya ay ipinagbabawal sa Abril 17, 2025 (Maundy Thursday) at Abril 18, 2025 (Biyernes Santo) .

 

Ang panahon ng kampanya para sa mga miyembro ng House of Representatives, parliamentary, provincial, city, municipal officials ay mula Marso 28, 2025 hanggang Mayo 10, 2025.

 

 

GENE ADSUARA